Advertisers
NAGING mahirap para sa mag-aaral ng Pamantasan ng Pilipinas ang kasalukuyan semester sanhi ng C-19 at ang mga nakalipas na bagyong bumayo sa bansa. Nagbukas ang UP ng kanilang semestre sa pamamagitan ng virtual classes, zoom session o online classes na talaga namang bago sa kalakaran sa Pamantasan maging sa pangkalahatan ng lipunan.
Hindi pa dalubhasa ang sinumang pamantasan sa makabagong paraan kung saan ang paggamit ng makabagong teknolohiya ang pangunahing instrumento sa pagtuturo. Ang mahirap ay ang koneksyon ng mga teknolohiyang na hindi gaanong maganda ang dating at madalas ang paputol putol na koneksyon ang sanhi ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mga guro’t estudyante.
May mga pagkakataon din na talagang walang network connection sa lugar kaya’t ‘di maasahan na makakapasok ang estudyante sa klase.
Ayon sa professor na aking nakausap, kakaiba ang karanasang ito dahil hindi mo makita ang totoong pagtangap ng mga estudyante sa mga itinuturo. Hindi mabasa ng mga propesor ang facial expression ng mga estudyante, kung naiintindihan ba o hindi ang mga itinuturo. O’ talagang wala lang dahil hindi batid ng guro ang kapaligirang ginagalawan ng bawat estudyante.
Ang masakit ay hindi nakikita kung ang dating ng itinuturo sa estudyante ay malinaw o malabo. Talagang kinakapa ng guro ang bawat estudyante upang hindi masayang ang panahon na ginugugol ng bawat panig. Sa totoo lang napakalaki ng sakrispisyo sa paghahanda sa isang araw na pagtuturo dahil sa maraming konsiderasyon, at makuha ang layunin na talagang maintindihan ng mga mag-aaral ang bawat bagay sa subject na pinag-uusapan.
Hindi lang dito natatapos ang gawain, may mga estudyante na humihingi pa ng consultation sessions upang mas malinawan ang pinag-uusapang subject. At hindi lang ito isa o dalawang estudyante, kadalasan ang buong bilang ng mga estudyante ang humihingi nito.
Sa usapang ito, hindi pa pinag-uusapan ang uri ng gadyet na ginagamit upang magtuloy tuloy ang koneksyon at hindi maputol ang usapan. Walang magawa ang guro sa uri ng gadyets na kailangan dahil na rin sa usaping budget ng pamilya para dito. Kaya umaasa lang talaga ang bawat isa sa anong uri ng gadyet at network na meron at maaring magagamit.
Dagdag pa ang usapin ng power, kung saan pamali-mali ang pasok nito sa maraming lugar sa bansa. Kaya’t may mga hindi makapasok na connection o available network na naging dahilan upang mahirapan ang mga propesor at maging ang mga estudyante sa link na ginagamit para makapasok sa online classes.
Sabihin nating naging maganda o maayos ang takbo ng virtual classes ng mga unang bahagi ng semestre. Subalit, sa pagpasok ng bagyo nitong mga nakaraang buwan, tangap natin na talagang maraming naapektuhang lugar na nagpabagsak ng mga pasilidad ng komunikasyon.
Ito ang dahilan ng maraming pagliban ng mga estudyanteng tinamaan ng bagyo. Paano na ito? Ang pangyayaring ito’y hindi mapigilan ng sino mang tao o yung tinatawag na force majure. Ano na ang mangyayari sa mga darating na araw na walang katiyakan ang araw ng connection at pagbabalik ng mga pasilidad at mismo ng mga bata para sa kanilang klase.
Sa ganitong kaayusan, malinaw na mayroong hindi sumasangayon ang kaganapan nagaganap upang ipagpatuloy ang kulang na araw para se semestre. At hindi dapat pasanin ng estudyante ang ano mang pabigat na dulot ng kalikasan. Hindi nila kagustuhan ang mga kaganapan at lalong hindi sila nagpabaya sa kanilang bahagi bilang mag-aaral.
Sa hanay ng mga tagapagturo, malinaw na hindi rin nila ibig ang naganap at hindi rin nila ibig na maduhagi ang kanilang mga estudyante sa sitwasyong wala din silang magagawa. Naniniwala ang Batingaw na sa sitwasyong ito, malinaw na wala sa kanila ang may kakulangan.
Kung may pagpapasyang gagawin ang pamunuan ng pamantasan hingil dito, kailangan ang bukas at malawak na pagunawa upang walang maabrabyado sa bawat panig. Isipin ang win-win approach sa pagkakataong ito.
Alam natin na malapit ng matapos ang semestre, subalit mukhang hilaw pa upang pakawalan ang mga estudyante. Ang pagpasa sa lahat ng mga mag-aaral o pass all para sa semestre na ito’y isang magandang hakbang upang hindi naman masayang ang panahon na ginugol ng mga ating guro at estudyante.
At ang pagkakaroon ng extension sessions na maaring gawin mula ngayon hanggang sa huling linggo ng Enero ay maaaring bigyan pansin bilang supplement module na ibibigay sa mga estudyante. Alam natin ang dedikasyon ng mga nagtuturo sa pamantasan sa pagpapatas ng kalidad ng edukasyon. Hindi ito kalabisan para magkakaroon ng extension sessions at upang masigurong hindi hilaw sa karunungan ang mga taga UP….
Dahil ang kabataan ang pag-asa ng bayan, huwag natin silang pabayaan.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ating kinakaharap sa kasalukuyan, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com