Advertisers

Advertisers

P400 BILYONG DAGDAG – AYUDA, PANUKALA NI REP. QUIMBO

0 293

Advertisers

HINDI pa nga naipatutupad nang buo ang P165 bilyong pondong nakasaad sa Bayanihan to Recover as One Act, o Bayanihan 2, ay mayroon na namang panukalang batas na kapareho ang layunin.

Ang tawag naman ay “Bayanihan Act 3”, o Bayanihan to Rise as One Act.

Iminungkahi ito ng kongresista ng Lungsod ng Marikina na si Representative Stella Quimbo, sa pamamagitan ng House Bill No. 8031.



Ang nakasaad sa H.B. 8031 ni Quimbo ay P400 bilyon ang ilalabas na pera ng pamahalaan.

Pokaragat na ‘yan!

Higit na mataas ito sa P165.5 bilyon ng Bayanihan 2 at P275 bilyon ng Bayanihan 1.

Mukhang nakakakumbinsi ang panukala ni Quimbo dahil P100 bilyon ang ayudang pinansiyal sa mga manggagawa.

Mayroon pang hiwalay na P30 bilyong ayuda para naman sa mga manggagawang nawalan ng trabaho.



Pokaragat na ‘yan!

Higit na malaki ang P130 bilyon na ‘yan kumpara sa pondong inilaan sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa naunang mga batas – Bayanihan.

Tapos, P90 bilyon ang idadagdag sa Social Amelioration Program (SAP) na tulong pinansiyal sa pinakamahihirap na pamilya na Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nakatalagang mamamigay.

Sa P90 bilyon, P20 bilyon ay ipamimigay sa mga residenteng nasalanta ng tatlong bagyo.

Nakakabilib ang ideya ni Quimbo!

At P25 bilyon ang ilalaang pondo na pambili ng bakuna at mga gamot laban sa coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).

Sa ganyang nilalaman ng panukalang Bayanihan Act 3, kumbinsidung-kumbinsido si Quimbo na “babangon” ang Pilipinas mula sa napakasamang epekto ng COVID – 19 at tatlong magkakasunod na bagyo.

Nakalulula na nang husto ang bilyun-bilyong perang inilalabas ng pamahalaan dahil sa COVID – 19.

At sa ikatlong mungkahing Bayanihan Law ay isinama pang batayan ang mga bagyo upang mapatunayang wastong maglabas ng panibagong P400 bilyon ang pamahalaan.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), hanggang nitong Nobyembre 20 ay umabot sa P486.07 bilyon ang nailabas na pera ng administrasyong Duterte dahil sa COVID – 19.

Kasama ang ipinantulong sa 23 milyong pinakamahihirap na pamilyang Filipino.

Ang ibingay sa DSWD na pinamumunuan ni Secretary Rolando Joselito Bautista ay P217.41 bilyon.

Ito ang pinamalaki sa lahat.

Ang tanong ngayon ay kung nabigyan ba lahat ng mga mahihirap mula sa tumataginting na P217.41 bilyon?

Nalunasan ba ang karagdagang kahirapang dinananas ng 23 milyong pamilya nang ilabas ang perang itinakda ng Bayanihan 1?

Nakarekober ba anng mga napakahihirap na pamilya nang matanggap ang kanilang ayuda mula sa Bayanihan 2?

Sumunod sa DSWD ay ang Department of Finance (DOF) na P100.19 bilyon ang natanggap, batay sa rekord ng DBM.

Ang pondong ito ay ipinautang ng DOF sa mga negosyanteng bahagi ng Micro, Small, Medium Enterprises (MSMEs).

Ikatlo ang Department of Health (DOH) sa badyet na P73.23 bilyon na inilaan sa mga manggagawa sa sektor ng kalusugan, ipinambili ng COVID – 19 testing kits at iba pa.

Umabot naman sa P28.48 bilyon ang natanggap ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawa,kabilang na iyong mga overseas Filipino worker (OFW) na nawalan ng trabaho.

Itatanong ko uli kung nabigyan ng tig-P5,000 ang bawat manggagawang nawalan ng trabaho?

Nakatanggap ba ang lahat ng OFWs na nawalan ng trabaho?

Binigyan naman ng DBM ang Department of Agriculture (DA) ng P27.69 bilyon.

Umabot sa P14.91 bilyon ang nakuha ng Department of Education (DepEd), P9.50 bilyon sa Department of Transportation (DOTr), P5.56 bilyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), P3.31 bilyon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), P2.92 bilyon ang ibinigay sa Department of National Defense (DND) at P1.30 bilyon ang napunta sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ang ibang kagawaran at ahensiya ay nakakuha nang mababa sa isang bilyon tulad ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na P50.50 milyon at Philippine Sports Commission (PSC) na P180 milyon.

Inaasahan pang maglalabas ang administrasyon ng karagdagang pera na panlaban sa COVID – 19, kabilang ang P73.2 bilyon na pambili ng vaccine na gagamitin sa 60 milyong Filipino.

Kung P486.07 bilyon na ang nailabas nap era ng DBM, dapat aktibung-aktibo ang ekonomiya ng bansa dahil napakalaking pera ang P486.07 bilyon na ginastos sa iba’t ibang bagay.

Hindi pa kasama diyan ang perang galing sa mga kapitalista na pihadong higit na malaki.

Pero, bakit hanggang ngayon ay marami pang mga manggagawa, maralitang lungsod, magsasaka, mangingisda at iba pa ang naghihikahos kahit walang tigil ang pamimigay ng ayuda ng pamahalaan?

Tapos, naisip pa ni Rep. Quimbo na maglabas ang administrasyong Duterte na maglabas ng karagdagang P400 bilyon.

Pokaragat na ‘yan!

‘Ekonomiyang ayuda’ ang isinusulong ni Quimbo na hindi totoong nakatutulong sa bansa at sa mamamayang patuloy na naghihirap.