Advertisers
SA wakas, natauhan at nagising sa katotohanan si Gobernadora Rebecca “Nini” Ynares hinggil sa napakalalang pagbaha sa ilang bayan na nasasakupan ng Rizal.
Si Ynares ay naglabas ng kautusang nagpapatigil sa lahat ng pagmimina, pagtotroso at quarrying sa Rizal.
Sa kanyang kautusan, inaasahang matitigil na ang mga kumpanyang gumagawa ng pagmimina, pagkukuwarry at pagtotroso sa bayan ng Rodriguez (Montalban) at San Mateo.
Kaiba ito sa panibagong kahilingan ni Ynares kamakailan kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipag-utos ang pagpapatigil ang quarrying, pagmimina at pagtotroso sa Rizal.
Noong 2016, sumulat na rin si Ynares kay Duterte na parehong kahilingan.
Walang nangyari sa kahilingan ng gobernadora.
Hindi rin pinakinggan ni Duterte ang hiniling ni Ynares kamakailan.
Sa totoo lang, ang kahilingan ni Ynares sa pangulo ay walang ibang ibig sabihin kundi gusto ng gobernadora na si Duterte ang sisihin ng mga residente ng Rizal, partikular ng Rodriguez at San Mateo, hinggil sa pasahol nang pasahol na pagbaha sa kanilang mga pamayanan.
Hinangad ni Ynares na maging punong lalawigan ng Rizal, dapat huwag niyang ipasa ang kanyang trabaho, tungkulin at obligasyon sa kanyang lalawigang kanyang nasasakupan – kung totoong mahal niya ito.
Huwag maghanap si Ynares ng ibang opisyal ng pamahalaan, lalo na ang pangulo ng Republika ng Pilipinas, na gagawing hagisan ng sisi, sa pagkakamaling nagaganap.
Tingnan niya muna ang kanyang sarili.
Tanungin niya ang kanyang sarili ng sampung beses kung anu-ano na ang kanyang nagawa upang mapigilan, kundi man tuluyang masawata ang pagbaha sa maraming barangay sa Rodriguez, San Mateo at iba pang bayan sa Rizal.
Kung hindi na kaya ni Nini Ynares ang lahat ng gawain, tungkulin at obligasyon ng isang gobernador ay wala siyang ibang dapat gawin kundi magbitiw sa tungkulin.
Kung kinakailangang ngayon na siya magbitiw ay mas mainam – huwag na niyang antayin ang Hunyo 30, 2022.
Ang totoo, hindi lang naman ang Rodriguez at San Mateo ang regular na binabaha kapag mayroong bagyong tumatama sa Rizal.
Maging sa kahabaan ng Marcos Highway na sakop ng Lungsod ng Antipolo at Bayan ng Cainta.
Noong panahon ng bagyong “Ondoy” ay umabot hanggang baywang ang pagbaha sa ilang subdibisyon dito.
Ganyan din ang sinapit ng maraming residente sa mga sinasabi kong subdibisyon nitong bagyong “Ulysses”.
Ipapaalala ko kay Gobernadora Rebecca Ynares na napakatagal nang bahain ang nasabing lugar.
Sa aking pagkakaalam ay walang ginawa si Ynares tungkol sa suliraning yan.
Wala akong nalalamang ginawang kongkretong hakbang ang ginawa ng anak niyang si Jun-jun Ynares noong nakadalawang termino ito sa pagiging alkalde ng Antipolo.
Kahit nga si Mayor Andrea Bautista – Ynares na asawa ni Jun-jun na manugang ng gobernadora ay walang ginawa upang maresolbahan ang malawakang pagbaha sa kanyang nasasakupan.
Kahit na ang alkalde ng Cainta na si Keith Nieto ay walang ginawa laban sa malawakang pagbaha sa Cainta.
Ganoon din ang dating alkalde ng Cainta na si Ramon Ilagan.