Advertisers
IPINAG-UTOS na ng gobernador ng Rizal Province at Cagayan Valley ang pagmimina, quarry at logging sa mga lalawigang ito na sinalanta ng malawakang pagbaha nitong mga nakaraang araw nang daanan ng magkakasu-nod na bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.
Sa Rizal, si Governor “Nini” Ynares ay naglabas na ng kautusan para itigil ang talamak na mining at quarry activities sa probinsiya matapos lumubog sa baha na may kasamang putik ang mga bayan ng Rodriguez (Montalban), San Mateo at iba pang karatig bayan sa nakaraang bagyong Ulysses.
Ang illegal mining at quarry sa Rizal ay matagal nang inirereklamo ng mga mamamayan pero dedma lang ang provincial at municipal governments sa kung anong rason, alam nyo na ‘yun!
Nung panahon ni late DENR Secretary Gina Lopez, walang pinayagang mining o quarry sa Rizal dahil nga wasak na wasak na ang kabundukan dito at napakadelikado sa kabayanan sa ibaba kapag bumuhos ang malakas na ulan, tiyak baha with matching putik!
Pero nang maalis si Lopez sa DENR dahil binasura ng Commission on Appointment (CA) ang kanyang appointment at maupo si Sec. Roy Cimatu, nabuksan uli lahat ng mining at quarry sa probinsiya.
Ang CA ay mostly binubuo ng mga mambabatas na sangkot sa negosyong mining at quarry. Tama ba ako, Sen. Manny Pacquiao, Cong. Zamora, Cong. Mike Defensor at Cong. Egay Erice?
Gayundin ang ginagawa ni Gov. Manuel Mamba ng Cagayan Valley. Pinatigil nya rin ang mining, quarry at logging. May tirada pa siyang tatlong mayors daw sa kanyang lalawigan ay sangkot sa illegal logging. Ehem!
Ang Cagayan ay naging bahain na ngayon. Bumuhos lang ang ulan, baha agad! Bunga rin ito ng pagkakalbo ng kanilang kabundukan gawa nga ng mining, quarry at logging.
Sabi nga, kapag nagkaroon ng isang linggong tuluy-tuloy na ulan tiyak tuluyan nang mabubura sa mapa ng Region 2 ang Cagayan Valley lalo kapag nagpakawala ng tubig ang Magat Dam sa itaas ng probinsiya.
Nitong nakaraang bagyong Ulysses, kungsaan halos 11 oras ang buhos ng ulan, nagmistuang Pacific Ocean ang buong probinsiya. Halos dalawang linggo bago bumaha ang tubig-baha na may kasamang putik. At nang muling bumuhos ang ulan nitong nakalipas na Biyernes at Sabado ay muling lumubog sa baha ang maraming barangay sa Tuguegarao City, Bagao at ilan pang karatig bayan sa Cagayan.
Kaya naman palang ipatigil ang mining, quarry at logging, bakit ngayon lang kungsaan patay na ang mga bundok at binabaha na ang kapatagan?
Hindi lang gobernador at mayor ang dapat managot sa pagkasira sa kabundukan at pagkalubog sa baha ng kalunsuran at kabayanan kundi ang DENR mismo dahil mandato nilang pangalagaan ang kabundukan at kapaligiran. Mismo!
Naniniwala ako na may mga opisyal ng DENR na kumikita sa talamak na mining, quarry at logging sa bansa. Kung seryoso si Sec. Cimatu na malinis sa korapsyon ang kanyang ahensiya, simulan nya sa mga opisyal sa city/municipal hanggang provincial dahil dito ang malupet na katiwalian, nakikipagsabwatan ang DENR officials sa mining/quarry operators. Mismo!