Advertisers
DIREKTANG inakusahan ni Pangulong Rody “Digong” Duterte ang ‘Makabayan Bloc’ sa Kamara bilang “legal fronts” ng CPP-NPA.
Sinabi ni Digong na tumpak na tumpak ang Armed Forces of the Phils. sa pagsasabing legal front ng partidong komunista ang Makabayan Bloc pati na ang grupong ‘Bayan’ at ‘Gabriela’.
Sa kanyang live broadcast nitong Lunes ng gabi mula sa Davao City, sinabi ni Duterte: “We are not red-tagging you. We are identifying you as members in a grand conspiracy comprising all the legal fronts that you have organized headed by NDF tapos yung NPA-CPP”.
Tsk tsk tsk… hindi kaya bumaligtad ang mundo ni Speaker Lord Allan Velasco sa ginawang ito ni PRRD? Kung iisiping mabuti, mistulang nilaglag ni Digong si Velasco sa usapin ng red-tagging. Di ba nga’t dinepensahan at ipinagtanggol ni Velasco ang mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc na sina Bayan Muna Reps. Ferdinand Gaite, Eufemia Cullamat at Carlos Isagani Zarate, Kabataan Rep. Sarah Jane Elago, ACT Teachers Rep. France Castro at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas.
Matatandaang tinindigan ni Velasco ang Makabayan Bloc laban sa red-tagging ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict’s (NTF-ELCAC’s) spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. Ang sabi ni Velasco, dapat mag ingat ang AFP sa kanilang mga binibitawang salita kung wala namang matibay na ebidensya ang mga ito. Eh paano ngayon yan, Mr. Speaker? Si Digong na mismo ang nagsalita na ang Makabayan Bloc ay legal front ng mga komunista. Hindi lamang red-tagging ang ginawa ni PRRD, diretsahan nya talagang sinabi na ang Makabayan Bloc at iba pang katulad na grupo ay legal front ng CPP-NPA.
Hindi kaya naiisip ni Velasco na baka rumeresbak na sa kanya ang Pangulo dahil sa mga galawan ng Kamara sa kasalukuyan na mistulang hindi naaayon sa dapat sanang inaasahan mula sa isang taong malapit sa mga Duterte? Tulad na lamang ng pag upo ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza bilang Deputy Speaker na alam naman ng lahat na palaging tumitira at pumupuna sa administrasyon ni Digong.
Matindi ang pasabog na ito ni Digong. Pinitpit nya mismo sa kanyang statement ang isa sa Makabayan Bloc members na si Zarate na tumatanggap pa aniya ng pera mula sa mga oligarch at walang ginawa kundi banatan ang gobyerno. “You are friends with the NPA. You co-conspirators. Komunista ka, kadre, matagal na. Alam ko. Alam ko kasi alam ko”.
Binira din ni Digong si CPP-NPA founder Joma Sison dahil ang guerilla ideology aniya nito ay pumatay na ng maraming sundalo at mga pulis. Kinuwestyon pa ng Pangulo si Sison kung ano ang nakita nito sa kanyang communist ideology.
Ayon pa nga kay Duterte, wala ng ideyolohiyang ipinaglalaban ang mga CPP-NPA dahil communal war na lamang at pagpapatiklop sa gobyerbo ang ginagawa ng mga ito.
Ano kaya ang masasabi ng house leadership tungkol dito? Aksyonan na kaya ito ng Kamara gayung hayagan ng inakusahan ni PRRD ang Makabayan Bloc bilang legal fronts ng CPP-NPA?
Naghihintay ang bayan kung ano ang gagawin ng Kamara tungkol dito. Mabuti pa ang Senado, iniimbestigahan na nila ang usaping ito na resulta ng ginawang pagbubunyag ni “Ka Eric” na dating Kadre ng CPP-NPA tungkol sa pagiging myembro umano ng Makabayan Bloc sa partido komunista. Sa katunayan, dumalo sa pagdinig sina Zarate at Elago na itinanggi ang mga paratang na ito.
Mismong si Ka Eric na ang humamon nitong nakalipas na mga araw kay Velasco na suspendihin ang house rules at pagharapin sila at ang mga miyembro ng Makabayan Bloc sa isang pagdinig ng Kamara upang malinawan ang naturang isyu dahil nakakainsulto aniya sa taong bayan na may mga kongresista na pinapasahod ng buwis ng mamamayan na mga kaaway mismo ng gobyerno. Mismo!