Advertisers
SASAGWAN sa matinding pagsubok ang koponan ng Canoe team Olympic Qualifying Tournament, ngunit determinado pa ang mga ito na makapitas ng nag-iisang slot na nakalaan para sa darating na Asian Qualifying na nakatakda sa Marso 11-13 sa Pattaya, Thailand.
Inihayag ni Philippine Canoe-Kayak-Dragonboat Federation (PCKDF) head coach Leonora “Len” Escollante na patuloy pa rin ang paghahanda at pagsasanay ng dalawang atleta nilang sasabak para sa qualifying tournament na sina 2019 Southeast Asian Games gold at double silver medalist Hermie Macaranas at ka-tandem nitong si Ojay Fuentes para sa 1000-meters canoe doubles.
“Puspusan pa rin naman ang ating ginagawang mga pagsasanay at programa sa ating mga athletes, kaso lang hindi lang sila maka-paddle sa ngayon dahil sa mga protocols. Ang mahalaga sumunod sila sa programs na pinapadala natin sa mga athletes natin sa probinsya na nache-check naman sa paggamit ng mga series of tests para malaman kung nagte-training talaga sila,” pahayag ni Escollante, Martes ng umaga sa lingguhang TOPS: Usapang Sports na live na mapapanood sa Sports on Air sa Facebook page at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusement Board (GAB) at PAGCOR.
“Pero inaasahan na namin na talagang dadaan sa butas ng karayom bago ka makapag-qualify dito, lalo na’t 1km long distance talaga,” dagdag ng Tacloban City-native.
Mabigat na makaka-tapat ng Pilipinas para sa qualifying ay ang powerhouse na China, Iran at Kazakhstan, gayundin ang mga koponan mula sa Tajikistan, Kyrgistan, at Uzbekistan dahil tiyak na malalaki at matatangkad ang mga manlalaro nito na paniguradong malalakas sa long distance events.
“Mahirap pa na mag-predict sa ngayon dahil kadarating lang ng invitation and sa nangyaring pandemic . maging yung mga makakalaban naman natin naapektuhan rin, kaya hindi natin masabi pa ngayon ang tsansa ng mga athletes natin pero panigurado lalaban ang mga iyan,” saad ni Escollante.(Danny Simon)