Advertisers

Advertisers

MAYROONG ‘JOB CRISIS’!

0 286

Advertisers

INILABAS ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Disyembre 3 na bumaba sa 8.7 porsiyento ng mga walang trabahong Filipino nitong Oktubre 2020.

Mas mababa ito ng 10 porsiyento kumpara sa iniulat ng PSA noong Hulyo ngayong 2020 rin.

Ayon kay Atty. Jose Sonny matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) at tagapangulo ng NAGKAISA Labor Coalition, binanggit din ng PSA na ang bilang ng mga Filipino na mayroong trabaho nitong Oktubre 2020 ay mas mababa sa bilang ng mga mayroong trabaho noong Oktubre 2019.



At mas mataas pa rin ng 1.5 milyon ang bilang ng mga manggagawang mayroong trabaho noong Hulyo 2020 kumpara nitong nakaraang Oktubre.

Para kay Matula, walang dapat ipagmalaki ang “economic managers” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa numerong inilabas ng PSA dahil ang “recovery” na binabanggit ng mga nasabing ekonomista ay malaking “ilusyon”.

Idiniin ni Matula na ang ipinunto ng datos ng PSA ay mayrooong “job crisis”.

Naniniwala ako sa pahayag ni Matula.

Kahit hindi siya ekonomista, natumbok ni Matula na napakalinaw ng numerong inilabas ng PSA na nagsasabing napakaraming Filipino hanggang ngayon ang walang trabaho.



Kahit saang anggulo natin sipatin ay masyadong malaki ang bilang ng mga Filipino na walang hanap-buhay.

Kaya, walang naganap na recovery.

Hindi kailangang lokohin ng mga ekonomista ni Pangulong Duterte ang publiko dahil hindi “bobo” ang mamamayan.

Nagbibilang at nag-iisip ang mamamayang Filipino.

Higit sa lahat, nababalitaan nila sa kanilang kapwa manggagawa kung mayroong trabaho ang mga ito, o wala.

Hindi kailangang pagandahin ng mg ekonomista ang paliwanag upang pagtakpan ang krisis sa trabaho.

Tandaan nating lahat na napakahalaga ng trabaho sa lipunang kapitalismo ang sistema.

Kung walang hanap-buhay, siyempre walang sahod.

Kung walang sahod, siyempre walang perang pambili ng mga mga produktong kailangan ng kanilang mga pamilya araw – araw.

Paanong makagagalaw nang mabilis ang ekonomiya ng ating bansa kung napakaraming walang pera?

Sabihin n’yo ang sagot.

Alam ng karamihan na napakaraming Filipino na nawalan ng trabaho nang manalasa ang coronavirus disease – 2019 (COVID – 19) sa ating bansa mula Marso.

Kaso, kahit binuksan na ang malaking bahagi ng ekonomiya ay malaking problema pa rin hanggang ngayong Disyembre ang “unemployment” dahil ang napakaraming kumpanya sa hanay ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) ay mabagal pa rin makabangon ang ekonomiya.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi katulad ng mga malalaking kumpanya tulad ng pag-aari ng mga Sy, Gokongwei, Ayala, Tan, Villar, Pangilinan, Ang, Uy at iba pa na maraming kapital.

Kung seryoso ang administrasyong Duterte na mapabilis ang pagsulong at pag-angat ng ekonomiya, lakihan nito ang paglabas ng pondong iaayuda sa mga manggagawa, pinakamahihirap na mga pamilya, nakatatanda at MSMEs upang malaki rin ang panggastos nila.

Huwag dapat kurakutin ng mga opisyal ng pamahalaan.

Kapag gumastos ang mga manggagawa, mga mahihirap na pamilya at maliliit na mga negosyante, tiyak maraming mabibiling mga produkto at serbisyo.

Mula diyan, iikot ang ekonomiya: ang pera ay bibili ng kalakal upang maging pera.

At ang perang kinita ng mga negosyante ay ipanggagawa uli nila ng kanilang produkto upang bilhin uli hanggang maging pera uli.

Madalas isulong ng mga ekonomista, kasama na ang mga senador at kongresistang ekonomista, na kailangang malaki ang “government spending” dahil isa ito sa nakatutulong upang sumulong ang ekonomiya ng bansa.

Sinasabi rin nila na kailangang malaki rin ang tinatawag na “economic stimulus” ng pamahalaan kung gusto nating bumilis ang paggalaw at pag-angat ng ekonomiya.

Kung titipirin ng pamahalaan ang perang ilalabas at gagastusin nito bilang stimulus sa ekonomiya ay pihadong matipid din ang hakbang ng ekonomiya.

Sa maiksing paghakbang ng ekonomiya, walang dudang hirap na hirap itong makabangon.

Kung ganito ang mangyayari hanggang sa susunod na taon, pihadong marami pa ring Filipino ang jobless – at posibleng tumaas pa ang bilang nito kumpara ngayong 2020.

Tiyak, sasahol ang job crisis.