Advertisers
Tama ang naging desisyon at hakbang ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na itigil na ang pagdedeklara ng “ceasefire” o tigil-putukan sa tuwing sasapit ang kapaskuhan sa pagitan ng pamahalaan at ng komunistang-teroristang grupo na Communist Party of the Philippines (CPP).
Wala nga namang nangyayari dito bagkus ay laging sinusuway ng panig ng CPP at patuloy na pumapatay ng walang awa ang armado nitong unit na New People’s Army (NPA) kahit na kapaskuhan.
Mismo ngang ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang nagmungkahi nito sa Pangulo dahil alam nilang nilalabag naman ito ng NPA.
Tama rin ang Presidente na tapusin at itigil na rin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan naman ng pamahalaan at ng National Democratic Front (NDF), ang unit naman ng CPP sa pakikipag-negosasyon.
Sabagay, sa ganang akin, noon pa man ay dapat ito na ang ating ginawa. Napakaraming presidente na ang dumaan at naglingkod sa atin, ngunit di pa rin nasupil ang bangis ng komunistang-teroristang grupo na CPP-NPA-NDF.
Walang naka-isip na itigil na lang ang pakikipag-ugnayan sa mga komunistang-terorista at sa halip ay pulbusin na lamang natin ang mga ito upang tuluyan ng mawala.
Maigi nga ang naging programa ng Administrasyong Duterte na nag-aalay pa ng alternatibong paraan sa sinumang susuko sa pamahalaan, na mabigyan pa ng panibagong pamumuhay ang magbabalik-loob na miyembro ng CPP-NPA-NDF.
Sigurado namang magpapatuloy pa ito, ang titigil ay ang tigil-putukan at usapang kapayapaan, dahil nga wala namang magandang patutunguhan ito dahil sa patuloy din na paglabag ng CPP-NPA-NDF.
Sa totoo lang, wala pa kong nabalitaang magandang ibinunga mula sa CPP-NPA-NDF, kundi kamatayan. Kamatayan ng mga kasapi nito, kamatayan sa mga inosenteng sibilyan at kamatayan sa mga kabataang nabulagan sa maling paniniwala nang mahikayat silang sumanib sa samahan ng di nalalaman ng kanilang mga magulang.
Aaminin ko, maging ako ay muntik ng mapaniwala ng mga walang-hiya. Buti na lamang, may ina at ama akong mapagmahal na nagmulat sa aking mga mata at isipan na ang pagsali sa komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF ay isang malaking kamalian at kahibangan.