Advertisers
PARA sa halos 10 milyong Filipino na nagtatrabaho at nakatira sa ibang bansa, ang agarang pagsuspinde sa pagtalakay ng mga panukalang batas na nag-lalayong magtayo ng isang kagawaran na tutugon sa problema nila ay nangangahulugang binalewala ng ilang Senador ang mga problemang kinakaharap ng Overseas Filipino Workers (OFWs).
Matagal nang natulog ang mga panukalang ito sa Senado sa kabila ng paulit-ulit na pakiusap ng Pangulo sa Kongreso sa kanyang State of the Nation Address (SONA) at ilang pampublikong pag-titipon.
Marso 11, 2020, naipasa sa Kamara ang Department of Filipinos Overseas and Foreign Employment bill na pinanday ni da-ting Speaker Alan Peter Cayetano. Habang naging prayoridad ang bill na ito sa Kamara noon, kabaligtaran naman ang sinapit nito sa Senado.
Nagdaos ng unang hearing nitong Disyembre 7 ang Committee on Labor and Employment, Foreign Relations at Finance para pag-usapan ang Department of Filipino Overseas Bill. Ngunit halos isang oras palang ang pagtalakay sa bill ay sinuspinde na ito dahil sa motion na iminungkahi ni Senador Franklin Drilon.
Giit ni Drilon, hindi napapanahon para pag-usapan ang mga nasabing panukala dahil sa kawalan aniya ng pondo ng gobyerno at may pandemya ngayon. Ang dapat aniyang unang talakayin ay ang “Right-sizing bill” bago pag-usapan ang pagbuo ng bagong kagawaran. Ipinasa sa Senate Committee on Rules ang nasabing mga panukala para pag-aralan kung ito’y masasama sa mga dapat iprayoridad.
Hindi ba mas matagal talakayin ang “Right-sizing” bill dahil ang nasasakop nito ay higit 180 ahensya ng gobyerno? Dahil halos 2 milyong kawani na ang nagtatrabaho sa gobyerno sa ngayon, layon ng bill na pigilan ang patuloy na paglobo ng bureaucracy dahil nagiging magastos na ito taon-taon. Kukulangin ang termino ni Pangulong Rody Duterte sa pagtalakay ng “Right-sizing” bill dahil masalimuot ito. Mismo!
Sadyang nakalulungkot ang desisyong ito ng Senador. Sampal ito sa mukha ng milyon milyong OFWs na nakadanas ng hirap bago pa kumalat ang coronavirus, at mas lumala ngayong panahon ng pandemya. Tila nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang ating mga Senador na malaki ang problema sa hiwa-hiwalay ang mga ahensiyang nag-aasikaso sa mga problema ng OFWs.
Oo! Ang makipag-transaksyon sa isang opisina ng gobyerno lamang ay napakahirap na. Sa kaso ng OFWs ay kailangan nilang pumunta sa ilang ahensya mula sa kanilang pag-alis at kung magkaroon sila ng problema sa ibang bansa ay hanggang sa kanilang pag-uwi.
Kung tunay na may respeto at malasakit ang ating mga Senador sa mga tinatawag nilang “bagong bayani” , sana ay hinimay nila muna ang mga isyu at problemang kinakaharap ng OFWs. Kabilang dito ang mabagal na sistema tulad ng pagbibigay ng ayuda at tulong pinansyal para sa kanilang reintegration pagkauwi sa bansa sa panahon ng anumang krisis o pandemya.
Hindi natatapos ang problema sa pagbibigay ng pondo para sa “distressed OFWs”. Kailangan nila ng mas kumprehensibo at mas integrated na programa. Sa dami ng problema sa domestic employment sa ating bansa, hindi na kayang asikasuhin pa ng DOLE ang karamihan sa problemang nilalapit ng OFWs. Kahit gaano kagaling at kasipag ang Secretary ng DOLE o Department of Foreign Affairs, hindi parin nila kayang tutukan ang problema ng OFWs dahil madami rin silang inaasikasong ibang programa. Kaya kailangan talaga ng isang hiwalay at full-time na ahensiya na mag-paplano ng mas akmang programa at tutugon sa iba’t ibang problema ng mga migrante. Mismo!
Ayaw lang yata harapin nila Sen. Drilon ang katotohanan na maraming butas ang mga programa at institutional mechanisms ng bawat ahensya. Paano natin malalaman ang puno at dulo ng problema kung itinigil na nila ang pagdinig ng naturang panukala?
Ang OFWs ay nakakapag-remit ng $30 bilyon kada taon. Kaya dapat tutukan naman ang mga programang pangseguridad ng OFWs, giit ni Cayetano.