Advertisers
HANGGANG ngayon, kahit walang pasok ang mga estudyante, tukod pa rin ang trapik sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Kalbaryo ito para sa mga motorista.
Ngunit mas mahihirapan daw ang mga mananakay.
Wala na halos silang masakyan dahil kakaunti lamang ang kapasidad ng mga pampasaherong dyipni at bus.
Mas marami raw ang private.
Nariyan pa ang mga trak.
Naku, pumalag tuloy ang grupo ng mga truck drivers.
Hindi raw dapat isisi sa mga truck ang nararanasang mabigat na daloy ng trapiko sa mga kalsada.
Pahayag nga ni Rina Papa, vice president ng Alliance of Concerned Truck Owners and Organization, 3 porsiyento lang ng mga bumibiyahe sa mga kalsada ang mga truck.
Dapat daw sisihin ang mataas na volume ng mga sasakyan.
Sa harap ng paratang na perwisyo sila sa daan, nanawagan ang grupo sa pamahalaan na tulungan silang baguhin ang pananaw ng publiko sa truckers.
Simula ngayong araw ng Lunes, muling ipatutupad ang truck ban sa Kamaynilaan para mapaluwag ang mga kalsada.
Depensa ng Metropolitan Manila Development Authority, isa sa mga nagpapabigat sa daloy ng trapiko ang mga trucks, lalo kapag rush hour.
Kung maaalala, sinuspinde ang truck ban mula nang isailalim ang Metro sa enhanced community quarantine noong Marso para tuloy-tuloy ang paghatid ng mga pangunahing pangangailangan.
Sa palagay ko, tama lamang ang ginagawa ng MMDA.
Dapat lang na ibalik na ang truck ban.
‘Yung number coding scheme, sa palagay ko ay hindi pa akmang alisin ito sa ngayon.
Kailangan naman kasi ng sasakyan ng mga frontliners.
Huwag nating ipagkait sa kanila ang karapatang ito.
Mahalagang makapasok sila sa tamang oras dahil kailangan sila ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Mag-unawaan na lamang tayo ngayong panahon ng pandemya.