Advertisers
MAGSASAGAWA ng House inquiry ang ilang kongresista hinggil sa batas ng paghahain ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng government workers partikular mga opisyal.
Ito raw ay in “aid of legislation”, sabi ng partylist representatives na sina Mike Defensor ng ANAKALUSUGAN, at Marcoleta ng SAGIP.
Pero ang totoo, ang target ng isasagawang House inquiry ay si Supreme Court Associate Justice, Marvin Leonen.
Binasura kasi ng Korte Suprema ang mosyong nag-aatas kay Leonen na ilabas ang kanyang SALN simula nang magturo ito sa University of the Philippines (UP) hanggang maging Associate Justice ng Kataastaasang Hukuman.
Si Leonen ay target patalsikin ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos dahil nilimliman daw ng una ang paglabas ng desisyon sa electoral protest na isinampa ni Marcos sa Presidential Electoral Tribunal (PET) laban kay Vice President Leni Robredo kaugnay ng nagdaang halalan kungsaan lumamang ng higit 263,000 ang biyuda ni Jesse.
Pero noong October 18, 2019 ay nakapaglabas ng resulta ang PET matapos ang recount sa 3 pilot provinces na pinili mismo ni Marcos: Negros Oriental, Iloilo, at Camarines Sur. Natuklasang lalo pang lumaki ang lamang ni Robredo sa kanyang nakuhang 1,510,178 laban sa 204,512 ni Marcos. Noong 2016, si Robredo ay nakakuha ng 1,493,517 votes sa mga naturang probinsiya laban sa 202,136 ni Marcos.
Sa bagong bilang na ito, si Robredo ay nagtala ng kabuuang 14,436,337 votes laban sa 14,157,771 ni Marcos.
Muling humirit ang kampo ni Marcos na magsagawa ng reelection sa ilang bahagi ng Mindanao dahil daw sa irregularities. Pero nanindigan ang COMELEC na walang nangyaring failure of election sa Mindanao.
Ang latest move ng kampo ni Marcos ay patalsikin si Leonen. Ang pinsan ni Marcos sa House ang nag-isponsor para sampa-han ng impeachment process si Leonen.
Isa sa mga sinisilip na maging kaso ni Leonen ay ang ‘di raw niya pagsumite ng SALN simula nang mapasok sa gobyerno.
Matatandaan na dalawang Supreme Court chief justices na ang napatalsik via SALN, si late Renato Corona noong pag-initan ni ex-PNoy Aquino, at Ma. Lourdes Sereno na kinamuhian naman nitong Duterte administration.
Dahil sa pagbasura ng Korte Suprema sa mosyon ng kampo ni Marcos na ilabas ang SALN ni Leonen, ang mga sipsip kay Duterte na kongresista naman ngayon ang gumagalaw para mailabas ang SALN ni Leonen. Magsasagawa raw ng inquiry ang House sa pamumuno nga nitong sina Defensor at Marcoleta.
Pinalalabas ngayon nina Defensor at Marcoleta “in aid of legislation” ang gagawin nilang pagbusisi tungkol sa batas ng SALN.
Sabi ng isang batikang political analyst, Ramon Casiple, dapat ilabas din muna nina Defensor at Marcoleta at iba pang House Leaders ang kanilang SALN bago ang House probe sa SALN ni Leonen.
Si Pangulong Duterte ay hindi rin isinapubliko ang kanyang SALN simula 2016. Pero ang Pangulo ay naghain daw ng kanyang SALN sa Office of the Ombudsman.
Ang problema: Si Ombudsman Samuel Martirez na appointee ni Duterte ay nag-order na huwag nang mag-release ng SALN sa publiko hangga’t walang pahintulot ang may-ari nito.
Sa administrasyong Duterte lang nangyari na pahirapan ang pagsapubliko sa SALN ng government officials.
Pero kung itong House inquiry sa SALN na inihihirit nina Defensor at Marcoleta ay maging susi para mapadali uli ang pagsapubliko sa SALN ng govt. officials, susuportahan natin. Pero dapat silang mga mag-iimbestiga ay ilabas muna nila ang kanila para maging kapani-paniwala ang gagawin nilang pagbusisi sa kasalukuyang batas sa SALN. Mismo!