Advertisers
TINAPOS noong Lunes (kahapon sa atin) ang walang katapusang taghoy ni Donald Trump na ipinagpipilitan na siya ang nanalo sa halalan. Pormal na kinumpirma ng Electoral College ang pagkakahalal ng tambalang Joe Biden at Kamala Harris. Bahagi ito ng sistemang electoral college sa Estados Unidos.
Hindi nabaligtad ni Trump ang resulta ng halalan noong ika-3 ng Nobyembre. Si Trump ang italagang talunan sa halalan. Ginawa ni Trump ang lahat upang mabaligtad ang resulta, ngunit hindi siya pinakinggan. Wala siyang naipakitang malawakang pandaraya sa halalan.
Hindi niya hinarap ang pandemya na kumitil sa buhay ng halos kalahating milyong Amerikano. Inuna niya ang paghaharap ng mahigit 50 asunto sa iba’t-ibang hukuman sa Amerika upang mabaligtad ang resulta ng Amerika. Pawang natalo ang mga asunto.
Tiniis ni Jose Biden ang mga walang basehan at katuturan na bintang at pahayag ni Trump na siya ang nanalo at dinaya lamang siya ni Biden. Nang luminaw na si Biden ang panalo sa Electoral College, mariing kinondena ni Biden si Trump.
Pinuri ni Biden ang mga demokratikong institusyon na hindi natinag sa mga walang humpay na atake ni Trump. Hinimok rin ang mga kasamang Republican na iwanan na si Trump sapagkat malinaw na ang resulta ng halalan at totoong talo si Trump. Nakatakdang manumpa sina Biden at Harris sa ika-20 ng Enero sa susunod na taon.
May isa pang natitirang bahagi ng proseso bago sumumpa si Joe Biden bilang ika-46 pangulo ng Estados Unidos. Ito ay ang pagbilang at pagkumpirma ng Kongreso ng boto ng Electoral College sa isang sesyon sa ika-6 ng Enero. Pormalidad din ito. Hindi nangyari na kahit minsan ay binagligtad ng Kongreso ng Amerika ang hatol ng sambayanang Amerikano.
Maaaring mag-ingay ang ilang mambabatas na kapanalig ni Trump ngunit mayorya ang Democrat sa Kamara de Representante. Kaya kontrolado ng lapian ni Biden ang Kamara. May ilang senador na Republican ang nagsumamo kay Trump na tanggapin ang kanyang pagkatalo.
Patuloy na nag-iingay si Trump. Iisa lang ang linya. Siya ang nanalo. Dinaya daw siya. Nagkaroon ng malawakang dayaan. Naghabla siya sa hukuman ngunit kahit isa wala siyang napala. Hindi man lamang naka-first base ang mga asunto. Ibinalibag pabalik sa kanya ang mga asunto dahil wala siyang ebidensiya. Wala rin merito ang mga kaso.
Nagsampa sila ng demanda sa Korte Suprema, ngunit nadismis din ito. Hindi pinakinggan. Sinabi ng Korte Suprema na walang merito ang kanyang habla. Case dismissed. Walang nangyari sa kanyang huling baraha.
Kaya mukhang tuloy-tuloy ang inagurasyon ni Biden. Kapag naupo si Biden at Harris, mahaharap na ang pandemya sa Amerika kung saan halos 15 milyon ang nagkasakit ng coronavirus. Plano ni Biden na mabakunahan ang 100 milyon Amerikano sa loob ng unang isang daan ng kanyang panunungkulan. Mukhang totohanan ito.
***
MALINAW na talo si Trump. Malinaw na wala siyang magawa. Malinaw na gumana ang sistemang panghalalan ng mga Amerikano at kumilos ang kanilang mga institusyong demokratiko katulad ng hukuman at Electoral College. Malinaw ang hatol ng sambayanang Amerikano. Ang hindi malinaw ay kung bakit may mga Filipino, at Fil-American na naniniwala na dinaya si Trump.
Hindi malinaw kung bakit matanggap ng mga Fil-Am supporter ni Trump na talo ang bata nila. Pati sila nakikigulo. Kasama nila ang mga redneck, o mga racist na kasapi ng Ku Klux Klan, at mga probinsiyano na tinatawag hillbillies. Tinatawag tuloy silang “trumprats.” Ano ang ipinakain ni Trump sa kanila at pati ang kanilang isipan ay nalason. Palaisipan sa amin iyan.
Hindi sila nalalayo sa mga tagasuporta ni Rodrigo Duterte, o iyong tinatawag na DDS. Mga panatiko at sarado ang utak. Bagaman may ilan sa kanila ang anti-Duterte, labis naming ipinagta-taka ang kanilang pagiging pro-Trump. Bumaluktot ang kanilang mga utak?
***
Tulad ng nakagawian, hindi sumasagot si Enzo Recto sa mga batikos sa kanya. Duwag na tao. Hinahayaan niya ang kaniyang kapanalig na magsalita sa para kanya. Dahilan nagkasalasalabat ang pangangatwiran. Hindi katanggap-tanggap para samin ang mga paliwanag ng kung sino-sino na lamang. Diyan sya magaling. Ang magtago at mag-astang misteryoso.
Minsan nang nanghikayat ng mga sasama sa rally. Ngunit pumalpak nang halos hindi lumantad sa publiko. Pati tunay na pangalan ay inilihim. Mahilig lang mangolekta at mang-uto ng mga biyuda, matatandang dalaga, at mga babaeng hilo at lito sa hiwaga ng buhay. Hindi rin namin alam na may membership fee ang maging kasapi ng Bunyog, ang organisasyon na iyan. Ano iyan social club?
Hanggang ngayon patuloy ang pag-recruit ng mga sasapi. Para saan? Matagal na kami sumasama sa rally. Wala kami grupo. Hindi namin kailangan pumirma sa kahit ano dokumento na kami ay kasapi ng isang samahan. Hindi namin kailangan ang i.d. ng Bunyog. Para saan? Wala rin kami babayaran.
Ang tanging dala namin ay tubig at monay sa bulsa sakaling magutom at ang pinakamahalaga, bitbit namin ang aming bayag sa pakikipaglaban.
Hindi namin talaga maunawaan ang tunay na hangarin ng Bunyog o sinasabi nilang Pagkakaisa. Lapian politikal ba ito? Ano ang plano? May napapabalita na magtatayo ng isang Partylist. Sa anong paraan? Ang gamitin ang mga napaglipasan? Ang maging sanhi ng pagkahati-hati ng mga pwersang demokratiko? Sino ang pinuno? Si Enzo Recto na mas pinili pa maging misteryoso sa halip na nasa frontline ng pakikipaglaban? Sino ba talaga si Enzo Recto? Siya ba ay tunay na ‘anti’ o manggamit lamang? O haosiao?