Advertisers
SINO ba ang makalilimot sa sikat na singer-actress noong Dekada 80 na si Julie Vega na namayapa sa murang edad?
Kung matatandaan, si Julie ang nagbida sa ilang taong namayagpag na serye na Analiza at kakontemporaryo at naging karibal ni Janice de Belen na kinilala naman sa teleseryeng Flordeluna na minahal at sinubaybayan din ng mga manunood.
Maliban sa pagiging aktres ay isa ring mahusay na singer si Julie na nakagawa pa ng album. Isa sa mga pinasikat niyang awitin ay ang Somewhere in My Past na nilikha ng premyadong composer at music producer na si Mon del Rosario.
Ayon kay Mon, plano niyang buhayin ang naturang kanta kaya naghahanap anya siya ng singer na babagay ang timbre ng boses at tunog dito.
May mga nagpadala na raw ng ilang song demo pero hanggang ngayon ay wala pang napipili si Mon.
Nais ng nabanggit na composer na may kakaibang boses ang kakanta ng remake ng Somewhere in My Past sa taong 2021.
Kaya kaabang-abang kung sino ang mapipiling bagong boses sa likod ng Somewhere in My Past. (BKC)