Advertisers
IISA at nakakasawa nang pakinggan ang litanya ng mga napapaupong pinuno ng kapulisan mula sa pinakamataas na PNP Director General Debold Sinas at mga pinuno ng rehiyon, lalawigan, siyudad at bayan saan mang panig ng kapuluan, “No Take Policy”.
Ibig sabihin hindi maaring humipo at tumanggap ng maruming salapi ang sinumang opisyales ng kapulisan hanggang sa pinakamababang ranggo, lalo na kung ito ay mula sa droga at iligal na sugal sa porma ng intelhencia, suhol, hatag, padulas at lagay.
Ito rin ang ipinangangalandakan ni P/Brigadier General Felipe Natividad matapos maluklok bilang PNP Regional 4-A Director kamakailan.
Sa looban lamang ng mahigit sa kalahating buwan simula nang mapapuwesto ito sa Region 4-A, ay halos nalibot na ng heneral ang kanyang mga nasasakupang PNP Provincial Police Offices sa CALABARZON na binubuo ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Sa kanyang pagbisita sa Cavite PNP Provincial Office sa Camp Gen. Pantaleon Garcia, Imus Cavite kamakailan ay muling ipinagdiinan ni Heneral Natividad ang pagpapatupad ng “internal cleansing” sa hanay ng pulisya.
Higit sa lahat ay malinaw na naiparating din ni Natividad sa mga natitipong hepe ng kapulisan sa ilalim ni PNP Provincial Director, P/Col. Marlon Santos ang kanyang direktiba na “No Take Policy”.
Akala ng heneral ay kasang-ayon niya ang kanyang mga opisyales na, sa bisa ng “No Take Policy” ay bawal sa mga pulis ang tumanggap ng suhol mula sa kalakalan ng droga at iligal na pasugal, bawal din ang magbigay ng proteksyon sa mga operator, kapitalista at mga tauhan ng iligalista o sinumang sangkot sa nasabing iligal na gawain.
Ngunit pinagmukhang bagitong pulis ang heneral ng ilan nitong police chief ng Cavite pagkat habang inilalatag nito ang kanyang mga polisiya sa paglilingkod bilang mabuti at matapat na pulis, ay nag-ooperate naman sa Cavite ang mga drug / gambling lords na sina alias John Yap, alias Jun Moriones, alias Zalding Combat at alias Caloy Colanding.
Ang totoo pala, halos isang buwan pa lamang bago nahirang si Natividad na pamunuan ang PNP Region 4-A ay nagpapatakbo na ng bentahan ng shabu at Perya ng Bayan(PnB) cum jueteng sa Cavite City,Bacoor City, Trece Martires City at mga munisipalidad ng Tanza, Ternate, Amadeo, Maragondon, Naic, Magallanes at iba pang mga siyudad at bayan sa Cavite ang mga salot na ilegalistang sina alias John Yap, alias Jun Moriones, alias Zalding Combat at alias Caloy Colanding.
Nabuko naman ang operasyon ng apat nang salakayin ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Camp Crame ang rebisahan ng jueteng na pinamamahalaan ni Moriones sa Gen. Trias City at nadakip ang 23 kabo at kolektor ng jueteng na binabangkaan naman ni alias John Yap.
Ngunit ang mga rebisahan ng jueteng na pinamamahalaan ni alias Zalding Kombat at Colanding ay hindi naman matinag ni Cavite Police Chief P/LtCol. Franco Allex M. Reglos. Balewala pala kay Reglos ang direktiba ni General Natividad na “No Take Policy”.
Milyones din ang kubransa sa jueteng nina alias John Yap, Moriones, Zalding Kombat at Colanding sa Bacoor City, Trece Martires City at mga munisipalidad ng Tanza, Ternate, Amadeo, at iba pang mga lungsod at munisipalidad sa probinsya ng Cavite.
Sa milyones na koleksyon sa mga naturang siyudad at bayan na tatlong beses na halinhinang binobola sa Cavite City at Gen. Trias ay kalahati naman ang naibubulsa ng ilang mga protektor na pulis sa Cavite at opisyales ng local at provincial government.
Ang mga rebisahan ng mga jueteng nina Yap, Moriones, Kombat at Colanding ang itinuturo ding potensyal na source ng COVID 19, kung saan nagkukumpol-kumpol ang mga empleyado habang nagrerebisa at nagbobola ng taya sa jueteng.
Lumilitaw na napapaikutan ng kanyang mga hepe ng kapulisan sina Cavite Provincial Director, P/Col. Marlon Santos at General Natividad.
May nakalap din tayong ulat sa ating mga KASIKRETA sa Cavite na sa halos ay magdadalawang buwan na palang pag-ooperate ng shabu tiangge sa front ng mga itong rebisahan ng jueteng ay ibinubulsa naman nitong si alias Jun Moriones ang mga padulas na nauukol para sa Camp Crame at ang nabibiyayaan lamang ay ilang mga police chief sa Cavite at piling opisyales sa tanggapan sa Region na malalapit sa dating hari-hari.
Nakarekta pala sa dating hari-hari ang milyong lingguhang intelhensya mula sa pajueteng at bentahan ng droga nina Yap, Moriones, Combat at Colanding sa Cavite kaya ang minalas naman ay sina Col. Santos at General Natividad at tuloy ang napuruhan ng “Strike One” ay ang Cavite Provincial Police Office.
Kung gayon, kailangan pala ni heneral na magsuot ng helmet kahit nasa airconditioned nitong opisina para maiwasan ang posibleng aabuting malalaki pang mga bukol mula sa ilang nakapaligid sa kanya?
Talagang nakasasawa na ang pagpapalabas pa ng direktibang “No Take Policy”sa kapulisan kung tuloy naman ang pagkubra ng suhol ng mga intelhencia kolektor ng ilang korap na police chief ni Natividad.
Ngunit mahihirapan sina General Natividad at Col. Santos na idepensang napapalusutan lamang sila sa Cavite City at Gen. Trias City at sa iba pang mga nabanggit na siyudad at bayan kung “Take and Take Policy” naman ang pinaiiral doon at tuloy pa rin ang operasyon ng salot na sugal at bentahan ng droga sa mga gambling dens nina alias Yap, Moriones, Combat at Colanding.
Napalulusutan nga lang ba sina General Natividad at Col. Santos o sadyang pinalulusot lamang nila ang ilang tiwaling hepe ng kanilang kapulisan?
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.