Advertisers
Labis akong nangangamba sa pagkukumahog ng ating government officials na makakuha ng COVID VACCINES mula sa ibang bansa at bultuhan pa o multi-bilyong piso agad ang igugugol dito gayong susubukan pa lamang ng mga dalubhasang manggagamot ang bakuna para sa HUMAN TRIALS, na wala pa itong katiyakan sa magiging resulta. Dapat ay huwag nang maulit ang kontrobersiyang DENGVAXIA VACCINES na nasa proseso pa lamang sa pag-oobserba ng medical testings ay isinulong na ang massive anti-dengue vaccination na nagresulta sa pagkataranta ng mga HEALTH OFFICIALS noon dahil sa libo-libong naospital at nangamatay na mga bata.
Hindi ako doktor o eksperto, subalit ang mga kaganapan sa ating buhay ay maoobserbahan natin ang mga bawat bagay.., na ang mga dalubhasa ay nagsasabi na ang paglikha ng gamot lalo na ang bakuna ay gugugol ng maraming taon sa pag-eeksperemento sa mga hayop tulad ng daga o tsonggo na kanilang ginagamit para maineksiyunan ng gamot na gusto nilang magawa. Kapag maganda ang resulta ay saka naman susubukan para sa human trials at gugugol pa rin ng mga taon bago mapinale at masabing tagumpay ang gamot na kanilang nilikha.
Ang mga COVID VACCINES na ginagawa ng iba’t ibang bansa ay nasa bahagdan pa lamang sila ngayon ng pag-eeksperemento.., kaya nga ang termino ng WORLD HEALTH ORGANIZATION (WHO) ay “HUMAN TRIALS” pa lamang ang gagawin ngayon at wala pang nagdedeklara na siguradong mabisa at safe ang gamot .., dahil ang mga sasailalim sa mababakunahan ay bahagi sila sa eksperemento at oobserbahan sila ng mga buwan o taon sa kung ano ang magiging epekto sa kanilang katawan o kalusugan.
Sa pananaw ng ARYA ay hindi dapat na bultuhan ang agad na bibilhin, kundi dapat ay 100 piraso lamang para 100 tao muna ang magiging eksperemento ng bakuna.., ika nga ay huwag isalang sa “baka sakali” na oobra ang gamot.., e paano kung hindi pala epektibo at marami palang magiging negatibong epekto sa katawan ng tao?
Hindi komo maganda ang resulta sa ibang bansa ang gamot ay ganun na rin dito sa ating bansa.., alalahanin ang aspetong ang mga bansa ay magkakaiba ang klima ng mga panahon kaya magkakaiba rin ang “tissues” ng ating mga laman na isang aspetong dapat pag-ukulan sa kaangkupan ng bakuna sa pisikal na kondisyon ng bawat tao o lahi.
Sa BROADCASTERS FORUM ONLINE via ZOOM na ang moderator ay ang batikang BROADCAST JOURNALIST na si ROLLY “LAKAY” GONZALO at ang panauhin ay sina PUBLIC ATTORNEYS OFFICE (PAO) CHIEF PERSIDA ACOSTA at si PAO FORENSIC CHIEF DR. ERWIN ERFE ay isa sa mga mamamahayag ang nagtanong kung si DR. ERFE ba ay magpapabakuna sa anti-covid na isinaad naman ng huli na magpapabakuna siya kung proven na ang gamot dahil wala pa aniyang gamot ang masasabing panlaban sa covid dahil nasa stage pa lamang ng pag-eeksperemento. Maging si PAO CHIEF.ACOSTA na ang kanilang pamilya ay kumpleto sa lahat ng bakuna ay nagsaad din na magpapabakuna ng anti-covid.., yan ay kung proven effective at safe na ang gamot.
Sabi nga ni DR. ERFE, maraming mga eksperto ang nagsaad noon na hindi pa dapat gamitin ang DENGVAXIA dahil hindi pa kumpleto ang pananaliksik sa bisa at safety ng gamot pero isinulong pa rin noon sa pangunguna ni noo’y dating HEALTH SECRETARY at ngayon ay ILOILO CONGRESSWOMAN JANETTE GARIN.., na bilyong piso agad ang binili at ginawang eksperemento ang mga batang mag-aaral na halos isang linggo pa lamang ay umepekto na ang “EXTREME ADVERSE EFFECT” sa katawan ng mga nabakunahan na nagresulta sa libo-libong mga bata ang namatay.
Ang siste pa.., ang SANOFI PASTEUR na manufacturer ng DENGVAXIA VACCINES ay naglabas lamang ng kanilang advisory o prescription patungkol sa gamot noong 2017 gayong 2016 pinasimulan ang paggamit ng bakuna.., na mismong ang SANOFI e masasabing malaki ang pagkakasala dahil hindi pa nila sigurado ang bisa at safety ng gamot ay binentahan na nila ang DOH.., kaya ako, hindi man ako dalubhasa ay maliwanag na hindi ipinagpauna nina GARIN ang kaseguraduhan sa safety ng mga babakunahan dagdag pa na hindi ipinaalam sa mga magulang ang pagbabakuna sa mga bata.., kaya pasok sa isa sa mga isinampang kaso ng PAO sa mga DENGVAXIA IMPLEMENTOR ang “reckless imprudence resulting to multiple homicide”.
Mga ka-ARYA, hindi masisisi ang publiko o kahit na ang PAO na umaasiste sa mga nabiktima kung nagresulta sa kawalan ng tiwala sa bakuna ang mga tao dahil sa DENGVAXIA CONTROVERSY.., pero, magagawa uling maibalik ang pagtitiwala ng mga tao sa gagamiting anti-covid vaccines kung boluntaryong pangungunahan ng mga matataas na opisyales ng ating gobyerno o kahit ng mga doktor muna tulad nina HEALTH SECRETARY FRANCISCO DUQUE III at CONG. GARIN.., dahil ang mga ito ang may kaalaman sa medisina at kung sa loob ng isang taon ay walang magiging adverse effect sa kalusugan nina DUQUE at GARIN ay sigurado maraming tao na ang magtitiwala sa gagamiting covid vaccines!
HANDWASHING FACILITY SA
SAN JUAN CITY PINASINAYAAN…
Bahagi sa pag-iingat laban sa COVID-19 ay pinasinayaan kahapon ang HANDWASHING FACILITY sa pangunguna ni SAN JUAN CITY MAYOR FRANCIS ZAMORA kasama ang MANILA WATER COMPANY EXECUTIVE WASH PANDEMIC FOR COMMUNITIES, P&G-SAFEGUARD PHILIPPINES, DEPARTMENT OF HEALTH (DOH) at CITY OFFICIALS na laan para magamit ng publiko sa kanilang lungsod.
“The hand-hygiene facility features a hybrid-type faucet that can be turned on via hand lever or foot pedal, a lowered sink to accommodate persons with disabilities and/or children, and soap containers. The faucets are also separated by 1-meter to ensure that hand washers are still physically distanced from each other. It also has a canopy and includes handwashing signages, COVID-19 safety reminders, and responsible use of water for people,” pahayag ni MAYOR ZAMORA.
Ang HANDWASHING FACILITY ay matatagpuan sa AGORA MARKET at sa BALONG BATO MULTI-PURPOSE HALL na umaasa si ZAMORA na mapapababa ang bilang ng mga magkaka-covid sa kanilang lungsod sa pamamagitan ng nasabing pasilidad.
“We all know that half the battle is already won if we continue to follow health and safety protocols like frequent handwashing. So I urge all San Juaneños to never forget to wash your hands regularly. Wash hands with soap and water for at least 20 seconds. I hope that you will all use this facility so we can continue to keep our numbers down,” saad ni ZAMORA.
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.