Advertisers
SABLAY na naman si Health Secretary Francisco Duque.
Binuking ni Senador Ping Lacson na pinakawalan ni Duque ang “bola” o ang alok ng Pfizer, isa sa mga higanteng pharmaceutical companies sa United Kingdom, na covid vaccine na dapat ay ngayong Enero 2021 na mai-deliver sa Pilipinas.
Nag-followup pa raw ang Pfizer kay Duque para sa mga kailangang dokumento. Pero di raw ito inasikaso ni Duque. Kaya malabo na ang covid vaccine sa 1st quarter ng bagong taon.
Sinisi rin ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin si Duque sa kapalpakan niyang ito.
Palusot naman ni Duque, ongoing pa ang kanilang negotiation ng Pfizer.
Bagama’t sinita ni Pangulong Rody “Digong” Duterte si Duque sa expose ni Lacson, buo parin daw ang tiwala niya kay Duque. Ngek!!!
Sabi, talagang ayaw lang nila Duque sa Pfizer. Kasi mas gusto raw nila ay ang made in China na Sinovac. Eh… kuwestiyunable pa raw ang espiritu ng vaccine na ito. Ni ayaw nga raw ng mga Chinese magpaturok nito. Araguy!!!
Pero may dalawa raw biotech companies sa Estados Unidos ang willing mag-supply sa Pilipinas ng hanggang 25 million doses ng kanilang covid vaccines. Ito ay ang mga kompanya ng Mooderna Therapeutics at Arcturus Therapeutics.
Kaya lang ay sa 3rd quarter ng 2021 pa raw available ang covid vaccines na ito ng Moderna at Arcturus. That means walong buwan pa ito puede. Marami pang Pinoy ang mamamatay sa covid sa loob ng mga buwan na ito kapag hindi pa naturukan ng vaccine. Mismo!
Nauna nang nangako si Digong na kapag may available nang covid vaccine, na sigurado aniya ay mauuna ang China o Russia, ay kaagad magkakaroon ang Pilipinas dahil bespren niya raw ang lider ng China at Russia. Nandiyan na nga raw ang pera, nakahanda na.
Pero ang nangyari: nagtuturok na ang mga Tsino at Russia, ang Pilipinas ay naka-nganga pa! Naghahanap pa ng pondo. Ito raw ang dahilan kaya ‘di nakakilos si Duque nang mag-followup ang Pfizer. Mismo!
Ang ating mga karatig bansa tulad ng Singapore at Indonesia ay nakapirma na raw para sa supply ng vaccines sa drug companies. Tiyak na sa Enero ay magkakaroon na sila ng mass vaccination sa kanilang citizen.
Ang Pilipinas naman naghahanap pa ng mauutangan para makabili. Lahat pala ng sinabi noon ni Pangulong Digong na may nakalaan nang pondo para sa covid ay fake news!
Anyway hindi na bago sa atin ang mga paasa ni Pangulong Digong. Simula nang maupo siya sa Malakanyang ay puros pramisis na ang ginawa niya sa atin. Remember ang pangako niyang wawakasan ang droga at korapsyon sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan?, pabibilisin ang biyahe sa EDSA na gagawing 5 minuto hanggang NAIA?, ipakukulong niya ang mga korap sa kanyang gobierno?
Walang isa man ang natupad sa pramisis na ito. Sa halip ay lalong tumindi ang pasok ng iligal na droga sa bansa, mas tumindi ang korapsyon, at wala talagang nakulong na korap!
Worst! ang mga opisyal niyang nabuking sa korapsyon, inililipat lang ni Digong ng puwesto! Mismo!
17 months nalang ang nalalabi sa termino ni Digong. May asahan pa kaya tayong mabuti sa kanyang gobierno?