Advertisers

Advertisers

Ingatan ang sarili ngayong Pasko

0 433

Advertisers

Noon, ang tanging iniingatan natin kapag nalalapit na ang kapaskuhan ay tayo ay madukutan. Madukutan habang namimili ng regalo, madukutan habang papauwi ng bahay dala-dala ang tinanggap na bonus o madukutan habang nakatulog o nakipagsisiksikan sa mga sasakyan.

Masakit maranasan ang ganyang mga pangyayari, lalo na’t nalalapit na ang sana’y masayang panahon na dala ng kapaskuhan. Para bang sinakluban ka bigla ng kadiliman kapag ganito ang naranasan. Ang dapat na masayang selebrasyon ng Pasko ay nauwi lamang sa kalungkutan at pag-iyak sa halagang nawala nang madukutan.

Parang ganyan lamang ang nais kong ipadama sa inyo ngayong papalapit ng papalapit ang araw ng Pasko, kung saan ang iba sa atin ay nagkukumahog na sa kabibili ng pang-regalo o kaya nama’y mga rekado para sa ihahanda natin sa Pasko.



Ang ipinupunto ko rito ay pag-iingat. Sige isa na ang pag-iingat na madukutan. Ngunit ang pinaka-mahalaga ay mahawaan ka ng COVID-19, ang virus na nakamamatay.

Bagamat binigyan tayo ng ating pamahalaan ng kaunting kaluwagan sa ating mga pagkilos, hindi pa rin ito nagkukulang sa paala-ala na mag-ingat tayo sa COVID-19. Bakit? Siyempre pa, tayo ay gumagalaw pa rin sa gitna ng pandemiya na nagbibigay sa atin ng mga alituntunin na dapat gawin dahil nasa ilalim pa rin tayo ng mga lebel ng quarantine.

Kaya nga pinapa-iwas tayo sa maramihang pagsa-salo-salo, o pagdalo sa pagtitipon o party. Sa mga ganitong galawan kasi mas malakas ang tiyansang mahawaan ka ng virus. Hindi natin nakikita ang kaaway na ito, at ikinabibigla na lamang natin, karamihan nga ay talagang naransan pa ng iba nating kababayan, ang madale ng COVID-19. Ang iba sa kanila ay namatay pa.

Tinataya ngang aabot sa kalahating milyon ang kaso ng mga nagka-COVID-19 bago matapos ang taon na ito. Siguro naman ay di lang ang bilang ang inyong nabalitaan, kundi may mga tao tayong kilala, na kinuha ang buhay dahil sa COVID-19.

Huwag tayong paka-kampante dahil pumayag ang pamahalaan sa ating mga kapritso o mga ginagawa sa panahon ng Pasko. Ito ay ginawa at pinayagan na may mga kasamang pag-iingat na dapat nating gawin upang di na tayo madagdag sa bilang ng mga nagka-COVID-19.



Nito lamang Sabado (Dec.12) napanood ko ang dalawang komedyanteng kilalang-kilala natin. Si Wally Bayola at Allan K, na pareho palang muntik na kunin ang buhay ng dahil sa COVID-19.

Ang masayahin nilang personalidad na ating napapanood sa kani-kanilang paglabas sa telebisyon ay napalitan ng pagluha at kalungkutan habang inilalahad nila ang kanya-kanya nilang karanasan nang magkaroon o madale sila ng COVID-19. Pareho din nilang sinabi na sila ay nakalimot na mag-ingat kaya nahawaan sila ng virus.

Ang di natin pag-iingat sa panahon na ito ng pandemiya ang magbibgay din sa atin ng kalungkutan at pagluha, imbes na masaya nating gugunitain ang kapaskuhan. Kaya mga kababayan ko, pag-ibayuhin pa natin ang pag-iingat ngayong kapaskuhan upang di tayo mapaluha sa huli.