Advertisers
Lahat ay pinag-iingat ng ating pamahalaan upang maiwasan mahawaan pa rin ng virus na nakamamatay na COVID-19, lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.
Maging ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nakikiusap at humihingi na ng kapatawaran sa taong bayan dahil dapat pa rin ipatupad ang mga tamang pag-iingat upang hindi tayo magkaroon ng virus na COVID-19.
Ito raw aniya ay para pa rin mapigilan ang pagkalat ng virus na nakamamatay na kumitil na ng maraming buhay ng ating mga kababayan. Ikinatwiran din ng Pangulo na ngayon lamang ganito ang ating dadanasin na ibang uri ng kapaskuhan.
Ipinag-babawal hanggat maaari ang pagtitipon ng maraming tao, at kung di man mapigilan ay sa labas na lamang ito gawin, na may kasama pa ring pag-iingat gaya ng palagiang paghuhugas ng ating mga kamay, ang pagsusuot ng face mask at face shield, at social distancing, at hindi sa mga kulob na lugar.
Kaya nga ipinagbabawal na rin ang pangangarolling, dahil sa pagkanta ay nailalabas ang mga patak na galing sa ating mga baga o respiratory system. Kaya mas malakas ang hawaan kung may kasama na pala tayong may COVID-19 sa ating pag-carolling.
Maging ang ating Department of Health ay minumungkahing iwasan ang pagdadaos ng mga Christmas party at kung di talagang mapigilan ay gawin na lamang ito nang pami-pamilya.
Di ba nga pati ang ating mga simbahan na siya nating pagdadausan ng pagnonobena ng siyam na araw na simbang gabi ay magpapatupad din ng mga pangkalusugang pag-iingat.
Ipinagdidiinan ng Pangulo na umiwas muna tayo sa mga pagtitipon ng maraming tao upang mailigtas ang ating sarili na mahawaan ng virus. Yan lang naman ang paki-usap, at di raw yan para sa pamahalaan, kundi para sa ating sariling kaligtasan. Minsan nga lamang ito, at itong taon lang natin maaaring maranasan, kaya kung maaari ay sumunod na lamang tayo.
Kakaiba man ang ating pagdiriwang ng kapaskuhan sa taon na ito, maaari pa rin natin gawing kaala-ala ang paskong ito. Turuan at itanim pa rin sa mga isip ng mga kabataan natin na ang pagbibigayan ang kahulugan ng Pasko. Ayain silang ipunin ang mga laruan, libro, damit at iba pang di na nila kailangan at isama sila sa pamimigay nito sa mga kapus-palad.
At sa panahon ng makabagong teknolohiya, mas mabuting magsama-sama ang pamilya, ama, ina at mga anak, sa paggawa ng Christmas cards pero via internet o social media. Maghanap ng mga larawan ng mga minamahal, kaibigan man o kamag-anak at palamutian ito ng mga maiisip niyong bagay tungkol sa Pasko at idesign ito at ipadala sa mga mahal sa buhay. Di ba magandang ideya rin yan.
Sa Vatican nga, mas naiisip ng Santo Papa ng magregalo at ipadala sa mga emplyeado ng simbahan ang kahon-kahon ng vitamins pangontra sa sipon at ubo. Wala mang pisikal na kontak ay naiparating pa rin ang pagmamahal sa pagbibigay ng vitamins.
Maraming pang paraan kung tutuusin, maging malikhain lamang upang mapalipas natin ang kakaibang Pasko nating dadanasin sa panahong ito. Minsan lang naman sa ating buhay mangyayayri yan.