Advertisers

Advertisers

SUMABIT ANG PASKO

0 629

Advertisers

RAMDAM na ang lamig ng panahon na hudyat ng pagsapit ng Pasko, kung saan ang bawat Filipino’y binibigyan ng magarbong pagdiriwang at piging ang pagsilang ni Hesus. Sa ating mga Filipino mahalaga ang pagdiriwang ng pasko sapagkat ipinapakita nito ang pagiging malapit ng bawat isa sa pamiliya na siyang ating katangian.

Hindi ba’t parang napakasaya na ang diwa ng pasko’y may isang adhikain, hindi lang upang bigyang pugay ang kapanganakan ng ating tagapagligtas kundi itaguyod ang kapayapaan at pagkakaisa ng sanlibutan mula sa pagkakahati-hati.

Sa mga kaganapan sa taong ito, masasabi natin na talagang dumaan ang mundo, partikular ang ating bansa sa malaking pagsubok dulot ng pandemya. Nalugmok ang kabuhayan nating mga Filipino. Hindi matawaran ang mga obrerong nawalan ng trabaho sa unang bahagi ng taon kung saan maraming mga negosyante ang naglipat ng kanilang negosyo sa ibang bansa.



Hindi pa man nakakabalik ang marami sa ating obrero sa kanilang hanapbuhay, kagyat dumating ang salot ng pandemya na siyang nagpalala ng kabuhayan natin. Nagdulot ito ng pagsasara ng negosyo na parang tanikala na hinihila ang lahat ng uri nito na talagang nagpababa sa lahat ng uri ng istatistika na kakabit ng ekonomiya. At ito ang umiral sa halos siyam na buwan ng 2020.

Sa pagpasok ng ika-apat na bahagi ng taon, kung saan nakapag adjust na si Juan Pasan Krus sa kahirapan dulot ng pandemya, sinorpresa naman siya ng mga pagdalaw ng bagyo na nagbigay ng panibagong pasanin. Luzon, Visayas at Mindanao ang inupakan ng mga bagyong ito na talaga namang nagpasabit sa pagdiriwang ng pasko sa ating mga Filipino.

Kitang kita kung gaano kalaki ang mga pinsalang dinulot ng mga ito. Sabit ang pasko sa lugar na labis na tinaman ng bagyo. Walang ilaw, walang WIFI, walang makain, at ang pasko’y isa na lang sa petsa sa kalendaryo dahil sa sinapit. Ayaw man nating tangapin, ang kalagayan ang nagsabi na ipagpaliban na lang at sa isang taong ipagdiwang ang pasko at ito’y depende pa rin sa kahaharapin sa kaganapan.

Sa huling bahagi ng masalimuot na taong ito, mukhang may mga kababayan tayo na talaga namang nasisiyahan dahil sa balita ng pagpasok ng bakuna. Subalit hindi pa ito ganap dahil nagkaroon ng pagkabalam ng pagbili ng bansa sa bakuna na talaga namang naging isyung pambansa.

Mismong ang mga nasa pamahalaan ang nagpalitan ng bola ng akusasyon ng kanilang kahinaan na nagdulot sa Pfizer na ilipat ang ating order sa mas mahabang panahon. Sa halip na sa unang bahagi ng taong 2021, baka sa kalagitnaan pa ng taon maibigay yung bakuna na para sa bansa.



Wala pa dito ang bakunang galing sa Tsina na tiyak nating may mababang kalidad dahil mismong ang bansa nila’y sa Pfizer at ibang bansa kumuha ng order para sa kanilang mamamayan. Kaya huwag magtaka kung mayroon itong mga side effect.

Noong Disyembre 20, 2020, isang malagim na pangyaryari ang gumimbal sa ating lahat. Binaril ng isang pulis ang mag-ina sa Paniqui, Tarlac kung saan talagang naglarawan sa kapulisan ng kanilang malapanginoon na pag-uugali. At sinundaan ng mga komento ng mga kabaro na ganito rin ang gagawin sa parehong sirkumstansya, kailangan respetuhin kahit na ika’y ubanin. Dagdag pa dito ang komento ng mismong si Gen. Mananita, ‘di dapat kinukunan ang ganitong pangyayari at baka mabalikan ang kumuha ng video, tila may takutan pa dito.

Sa mga kaganapang ito, tila sumabit ang pasko ni Juan Pasan Krus sa taong ito dahil sa mga kaganapang talagang nagpagapang sa kanya. Hindi malaman ni Mang Juan kung saan kukuha ng lakas ng loob at pantustos para maipagdiwang nila ang kapaskuhan. Sa harap ng kaganapang ito sa buhay ni Mang Juan, tila may munting regalo ang paskong sumabit dahil sa mga balitang nakitaan ng ICC, ng basehan upang panagutin si Totoy Kulambo sa EJKs at human rights violations naganap sa ating bansa.

At kung magkakatotoo, masasabi nating sasapit din sa atin ang Pasko…

Maligayang Pasko sa Ating Lahat!!!

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com