Advertisers

Advertisers

“Alas” ng mga ungas!

0 641

Advertisers

MAHIHIRAPAN ang kapulisan sa ilalim ni PNP Regional 4-A Director PBG Felipe Natividad na masugpo ang kalakalan ng droga at iligal na sugal sa lalawigan ng Cavite habang may mga ilang halal na opisyales ng pamahalaang lalawigan at local government units (LGUs) na nagkakanlong sa mga drug lords at gambling maintainers na nag-ooperate sa naturang probinsya.

Ang siste nito, walang kamalay-malay si Gen. Natividad na nakapangolekta na ng milyones na salaping “pasalubong” at pamasko para sa pangalan ng magiting na heneral ang ilang intelhencia o tong kolektor na pinamumunuan ng isang scalawag police sergeant na natoryus ang pagmumukha sa mga ilegalista.

Ayon sa ating police insider, posibleng may ilang malalapit na opisyales si General Natividad na kasabwat ng nasabing intelhencia kolektor sa malawakang protection racket sa hurisdiksyon ng PNP Region 4-A.



Walang kamuwang-muwang ang heneral na nakakolekta na ang kolektor ng Php 3.5 milyon na “pasalubong” at pamasko na kumakatawan din bilang “goodwill money” ng mga ilegalista para kay General sa gayon ay maluwag na makapagpatakbo ang mga ito ng kanilang iligal na pinagkikitaan sa alinmang probinsya, siyudad at mga bayan sa CALABARZON.

Ayon sa ating police insider, palihim na naideliber ni alias Sarhento Chan ang “pasalubong” at pamasko sa tanggapan ng heneral na kaagad namang sinalo doon ng ilang katiwala ni General Natividad habang wala sa kanyang tanggapan ang kanilang boss.

Ang ayudante ng heneral ang nagsisilbi ring protektor ng untouchable drug/gambling lords ng Cavite na sina alias Jun Moriones, alias John Yap, alias Zalding Kombat at alias Caloy Kolanding.

Nadiskubre pa natin mula sa ating source na may padreno pa din palang “Alas” sa Cavite Provincial Government ang apat na iligalistang kung tagurian din ay mga “Ungas” kaya naman walang sablay at di makanti ang operasyon ng mga ito ng kapulisan sa Cavite sa ilalim ng pamumuno ni Cavite Provincial Director, P/Col. Marlon Santos.

Ang tinataguriang “Alas” nina Yap, Moriones, Kombat at Kolanding ay isang alias Mentong na nagpapakilalang “bagman” kuno ni Cavite Provincial Governor Junvic Remulla.



Si Moriones naman ay nagmamayabang pa na kumpare nito si Gobernador Remulla kaya binigyan ito ng bendisyon ni alias Mentong upang makapag-operate ng kalakalan ng droga at PnB cum jueteng sa Cavite, halos mahigit sa isang buwan bago nalipat si Gen. Danao Jr. bilang NCRPO director.

Kukumpirmahin natin kung totoong mayor nga itong si alias Mentong o pulpol na mayor na ginagamit ang pangalan ng ipinanakot nitong si Gov. Remulla para makapangikil sa mga iligaslista at makakuha ng pabor o konsesyon kina General Natividad, Col. Santos at mga hepe ng kapulisan sa Cavite PNP.

Samakatwid may dalawang buwan na palang namamayagpag ang katarantaduhan sa lalawigan ng Cavite nina Moriones, Yap, Kombat at Kolanding.

Bilib na bilib tayo sa kamandag at koneksyon nitong si Moriones pagkat sa kabila ng katotohanang ito rin ang nagpapatakbo ng kalakalan ng droga at pasugal sa Tondo ay nagawa pa rin nitong makorner ang mga ilegal na kitaan sa Cavite.

Napakatunog ng pangalan ni Moriones sa Maynila pagkat nakapagpatayo ito ng mansyon sa Tondo mula sa kinikita nito sa pagiging pusakal na drug pusher, EZ 2 bookies at jueteng operator sa Kamaynilaan simula pa sa panahon ng panunungkulan ng noon ay Manila Police District Director, Col. Vicente Danao Jr.

Nagtataka nga tayo kung bakit gayon na lamang ang higpit at tindi ng kampanya ni Col. Danao Jr. laban sa mga drug pusher, ngunit si Moriones na noon pa man ay hinog na hinog na dahil sa salot nitong hanapbuhay ay hindi naipatumba ni Danao Jr.

At ang siste pa, hindi na nga naipatumba o naipakulong, ay nakapag-ooperate pa si Moriones, Yap at ang mga lokal na tagapamahala nito sa operasyon ng kalakalan ng shabu at jueteng na sina Kombat at Kolanding sa Cavite City at iba pang lugar sa nabangit na probinsya bago nalipat bilang NCRPO Chief ang na-promote na Heneral Danao Jr.

Kaya lumilitaw na nasalo na lamang pala ni Gen. Natividad ang operasyon ng “Apat na Ungas” sa Cavite nang umupo itong pinuno ng kapulisan sa CALABARZON.

Tinaguriang “Apat na Ungas” sina Yap, Moriones, Kombat at Kolanding pagkat hayag na silang apat ang utak ng laganap na pagpapabenta ng shabu at operasyon ng Perya ng Bayan (PnB) cum jueteng sa Cavite City, Gen Trias City, Bacoor City, Trece Martirez City at mga munisipalidad ng Tanza, Ternate, Amadeo at iba pang mga siyudad at bayan sa nasabing lalawigan.

Sinalakay ng elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang rebisahan ng pajueteng ng mga “Ungas” sa Brgy. Santa Clara, Gen. Trias City na direktang pinamamahalaan ni Moriones bago ang Kapaskuhan.

Nadakip sa raid sa gambling den na binabangkaan naman ni Yap ang may 23 kabo at kolektor ng jueteng habang ang mga ito ay nagkukumpol-kumpol sa pagrerebisa ng taya sa jueteng sa isang bahay sa nasabing barangay.

Tulad ng mga pangkaraniwang nangyayari sa mga police operation, ligtas at di kasama sa mga nadakip sina Moriones at Yap. Kaya angkop na angkop ang kawikaan na, “huli ang dulong, ligtas ang tambakol”!

Nasamsam ng mga operatiba ng CIDG ang mga ebidensya, sapat para ipagharap ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act 9287 at Violation of COVID 19 health protocols na Bayanihan Heal is to One Act. Wala namang ulat hinggil sa nakumpiskang shabu sa ilang kabo at kubrador ni Moriones.

Ngunit nadiskubre ng ating source na tila drama at moro-moro lamang pala ang pagsalakay sa jueteng den sa Gen. Trias City, pagkat hindi pa man nakakapag-piyensa ang mga naarestong kabo at kubrador ng jueteng ay tuloy pa rin ang iligal drug operations at PnB cum jueteng ng “Apat na Ungas”.

Naamoy din ng ating police insider na “sinunog” pala ni Moriones ang mga intelhencia na dapat ay naihatag sa ilang PNP operating units nang ideklara ni General Natividad sa kanyang kapulisan ang “No Take Policy”.

\Ibinulsa ni Moriones ang pang-intelhencia kaya nagkaroon ng “bulabugan” sa kanilang drug/gambling operation sa Gen. Trias City. Sadyang sagad sa buto ang kagulangan ng drug adik din na si Moriones, kaya ang Intsik na si Yap lamang ang nagoyo nitong mangapital sa kanyang pajueteng at pagbebenta ng droga sa hurisdiksyoin ni General Natividad.
Ang sikreto nina Yap, Moriones, Kombat at Colanding, ay ang kanilang mga kabo at kubrador sa jueteng ang ginagamit din ng mga ito sa pagpadedeliber ng shabu sa kanilang mga suking street drug pusher sa halos buong probinsya ng Cavite at mga kanugnog na lalawigan.

Kaya naman ang mga rebisahan ng jueteng at shabu tiangge na pinamamahalaan nina Kombat at Colanding sa Cavite City ay hindi natitinag ng kapulisan sa ilalim ni Cavite Police Chief P/LtCol. Franco Allex M. Reglos.

Talagang nasayang lahat ang effort at laway ni Gen. Natividad para ipagdiinan ang “No take Policy at Internal Cleansing” sa hanay ng PNP kung ganitong balewala ang naturang direktiba sa nakararami nitong Provincial Directors at police chiefs sa kanyang AOR (Area of Responsibility), lalo na nga sa Cavite.

Para na ring nakagapos ang dalawang braso ni General Natividad sa pagpapatupad ng kanyang mandato at polisiya, pagkat may isang alias Mentong sa Cavite na kilala ding alias Mayor na dinaig pa sa asta si Gov. Remulla.

Kung magsasawalang-kibo si Governor Remulla sa katarantaduhan ni alias Mentong ay malamang na maniwala ang mga taga-Cavite na meron pala itong bagman na kilala din sa katawagang alias Mayor.

Ika nga, what Mentong wants, Mentong gets! Ganito pala katindi ang “Alas” ng Apat na Ungas na tila di naman kayang suwayin nina Gen. Natividad, Col. Santos at ng Cavite PNP sa kabuuan.

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.