Advertisers
Bilang pag-iingat at upang maiwasan ang pagtitipon-tipon ng maraming tao na siyang pinag-mumulan ng hawaan ng virus na COVID-19, ang tanyag na “Traslacion” tuwing kapistahan ng Poong Nazareno sa Quiapo Church ay di muna gagawin sa Enero 9, 2021.
Inanunsiyo na ito ng kaparian ng simbahan ng maaga upang ang mga deboto ng Nazareno ay di na magpilit na makita ang poon sa kanyang kapistahan.
Naka-isip din ng paraan ang mga nagsisihanda ng kapistahan na dadaanin na lamang sa apat na letrang P, o 4Ps ang kapistahan upang maka-iwas ang lahat sa COVID-19.
4Ps – Pagsisimba, Pagpupugay, Paghanay at Pagdalaw. Ano ano ang ibig sabihin nito?
Ang Pagsisimba, halimbawa ay paraan ng kaparian ng Quiapo Church na iparating sa mga deboto ng Nazareno na imbes magprusisyon ay dumalo na lamang sa mga misa sa araw na kapistahan. Ang mga kalapit na simbahan ng Sta. Cruz at San Sebastian anila ay magsasagawa ng mga misa gaya ng simbahan ng Quiapo upang maiwasan ang dagsa ng mga tao.
May mga malalaking TV LED screen na ilalagay din sa paligid ng Quiapo Church upang ang mga di na makakapasok sa oras ng misa ay makapag-simba rin kahit sa labas ng simbahan lamang. Siyempre ang social distancing ay ipatutad pa rin ng mga marshal ng kapistahan. Maaari rin namang sa bahay makapag-simba dahil on-line din ang mga misa.
Sa Pagpupugay naman – imbes na pahalik o pagpupunas ng mga panyo sa imahe ng itim na Nazareno, ay tatanawin na lamang na mga dedoto ang imahe ng Poong Nazareno.
At imbes na magpasan ng krus sa araw ng kapistahan, ang mga deboto ay pinapayuhan na lamang na mag-alay ng pinitensiya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga health protocols gaya ng pagpila o Paghanay.
Ang Pagdalaw naman ay para sa imahe ng Nazareno na siyang dadalhin sa mga simbahan sa Metro Manila at karatig probinsiya ng Northern at Southern Luzon.
Kaya nananawagan na rin ang mga kaparian ng Quiapo Church sa kanilang mga kapwa pari sa mga nabanggit na lugar na hikayatin ang mga deboto ng Nazareno na sa kanilang mga simbahan na lang manalangin at magsimba sa araw ng kapistahan. Wala rin papayagan na makasama sa paglilipat ng imahe sa ibang simbahan, ang kanilang kabilin-bilinan.
Di gaya noon, na kahit sampung libong deboto ay nakakapasok sa loob ng simbahan ng Quiapo, ngayon ay dalawang libo lamang ang pahihintulutan sa loob at labas ng Quiapo Church.
Ang mga misa sa pag-nobena ay magsisimula ng alas kwatro ng umaga at mayroong labing-dalawang misa ng nobena sa isang araw sa loob ng siyam na araw ng pag-nonobena.
Sana’y naiparating ko sa inyo ang mga nais sanang masunod na paraan na inilatag ng mga pari ng Quiapo Church.
Huwag kayong mag-alala, maiintindihan naman ng Poong Nazareno kung di na kayo makakapunta sa kanyang kapistahan, pag-iwas sa COVID-19 ang mahalaga rin sa kanya.