Advertisers
BAGAMA’T dadaan sa butas ng karayom ang panukalang batas ni Senador Manny Pacquiao, ay laking-galak pa rin naman ang mga opisyales ng barangay na umaasam na masuklian ng biyaya ang matapat na paglilingkod ng mga ito.
May mga puna ang ating mga KASIKRETA sa kanyang talumpati nang ihain ng senador sa kapulungan ng Senado ang Senate Bill No. 1956, Barangay Official Salary Standardization Act of 2020.
“Lahat tayo ay naging saksi sa walang pag-iimbot na pagtupad ng tungkulin ng ating mga opisyal ng barangay at iba pa nitong mga tauhan. Napakalaki ng tulong nila lalo na sa panahon ng pandemiya. Sila ang ating kasangga sa pagtulong sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Pacquiao sa kanyang pagtalakay nang ihain ang kanyang panukalang batas.
Sa kanyang panukala, nais ni Pacquiao na magkaroon ng kaukulang sahod ang mga opisyales ng barangay, tulad ng Punong Barangay, kagawad, pinuno ng Sangguniang Kabataan (SK), Barangay Secretary at Treasurer.
Pinanindigan ng senador, na bukod sa sweldo ay dapat magkaroon din ng buwanang allowance, insurance, medical at dental coverage, retirement benefits at iba pang benepisyo sa ilalim ng Civil Service Laws, na tinatamasa ng regular na kawani ng pamahalaan.
Sa pagpapanukala pa ng 8-division world boxing champ, hinimok nito ang Department of Budget and Management (DBM) na magsagawa ng standardized Position Classification and Compensation Scheme para sa Barangay Officials, Personnel at Volunteer Workers at gawing basehan ang edukasyong inabot ng mga ito, bigat ng trabahong gagampanan at ang pinansiyal na kakayahan ng bawat barangay alinsunod sa isinasaad ng Civil Service Commission (CSC).
Batay pa sa senador, aayon sa tatlong salary grade ang pasahod sa mga opisyales ng barangay, P15,000 bilang Salary Grade 1, para sa mga appointive position, P25,000 bilang Salary Grade 2, para sa mga naihalal na posisyon gaya ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay at Kabataan, at P35,000 bilang Salary Grade 3 para sa Barangay Chairman.
Kailangan ding tumanggap ng 13th month pay at Christmas Bonus na P3,000 at iba pang bonus sa ilalim ng mga batas ang mga barangay officials bibigyan ng Special Risk Allowance (SRA) na ang halaga ay tutukuyin ng Department of Interior and Local Goverment (DILG).
Layon ding mabigyan ng rice allowance at iba pang special na allowance ang mga barangay opisyales sa ilalim ng mga lokal na batas. Sang-ayon ang inyong lingkod sa layunin ng probinsyano at laki sa hirap na senador.
Ngunit may reaksyon naman ang ating mga KASIKRETA, kulang pa daw sa kaalaman ang ating Pambansang Kamao sa kalakaran sa maraming barangay na may kabuuang 42,046 sa bansa.
Di pa marahil talastas ng senador ang tunay na larawan ng ating kabarangayan, kung saan mapakarami din ang mapag-imbot, iligalistang drug pusher, operator ng mga pasugalan at protektor ng elementong bandido at kriminal.
Kulang na kulang ang espasyo ng ating pahayagan kung iisa-isahan natin ang mga pangalan ng barangay officials na sangkot sa kalakalan ng droga, gambling at direktang kaanib o kaya ay financier ng sindikatong kriminal na taliwas ang gawain ng isang barangay chairman o opisyales nito.
Hindi muna isinaalang-alang ni Pacquiao ang magiging epekto sa umiiral na batas, ang R.A 8524, na kakailanganin pang amyendahan para makasang-ayon ng nasabing panukala, hangarin ng kinikilalang “Man of the Year” na maiangat ang kalagayan ng ating mga opisyales ng barangay.
Nahihinuha din ng ating mga KASIKRETA ang pagkakaroon ng selosan sa pagitan ng ating mga empleyadong lokal at nasyunal na magnanais ding maging regular silang empleyado ng pamahalaan tulad ng mga barangay officials.
Gayunman ay nadadama natin kung gaano karubdod ang hangarin na matulungan ang mga lingkod ng barangay ng isang dating kargador na tulad ni Pacquiao na pinanday ang lakas ng loob at katawan sa dinaranas na kahirapan ng kanyang pamilya para maabot ang kanyang mga pangarap.
Sa kanyang murang edad ay napilitan si Pacquiao na lisanin ang kanilang probinsya at nakipagsapalaran sa Maynila, tiniis ang gutom at hirap ng pagiging isang trabahador, maagang nakipagbasagan ng mukha sa ibabaw ng lona para makatulong sa kanyang pamilya.
Talagang bukal sa loob ni Pacquiao na maituturing din nating isang Pambansang bayani para tulungan ang pamunuan ng barangay at iba pang nanunungkulan sa mga kanayunan, kahit na malaki ang kinakaharap na sagwil sa pag-usad ng kanyang panukala.
Sana magtagumpay ang dati ring 2-time Representative ng Mindanao na maisabatas nga ang kanyang panukala.
Hindi po tayo propagandista ni Senador Pacquiao, kaayon lamang po tayo sa prinsipyong kanyang ipinaglalaban.
Talos din po natin kung gaano kalaki ng pagpapahalaga ni Senador Pacquiao sa mga namiminunong barangay kung saan ito nagmula.
Hangad natin ang maligaya, masaganang pagsalubong ng 2021 ni Senador Pacquiao at ng kanyang pamilya, tulad ng hangarin natin sa ating sambayanan!! Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.
PAPOGI NI PACQUIAO
MAY puna ang masugid nating tagasubaybay na si JUAN PO. Halos araw-araw ay nagpapadala si JUAN PO ng kanyang mga komento sa ating pitak, kaya naman binibigyan natin ng puwang ang kanyang pananaw.
Maganda itong papogi ni PACMAN na BATAS NI PACMAN PARA SA BARANGAY. Maganda naman yan, malaking bagay sa barangay, ilang barangay opisyal at mga tauhan nito. Malaking boto rin. Ang di lang maganda sa sinabi ni PACMAN e lahat daw tayo ay naging saksi sa walang pag-iimbot na pagtupad ng tungkulin ng mga opisyal ng ating barangay at tauhan. E tanungin mo PACMAN sa kanila kung naipatutupad nila ang 8 ordinansa ng barangay, o sila pa ang pasaway dito? Sa 8 ordinansa, kahit isa wala akong nakikitang naipatupad nila. Ilang daan ng barangay ang kinasuhan? Itong huli yung nanghingi ng tig 1k sa tumanggap ng SAP ayuda. Ilang barangay opisyales ang sangkot sa droga at pasugalan ang di naman pa nakakasuhan? Kasi ikaw ay nasa alapaap na malinis at maaliwalas ang kinalalagyan. Bumaba ka sa lupa at maglibot nang masampal mo ang iyong sarili sa papuri mo sa barangay. JUAN PO. Kinopya ko sa dyaryo para pareho. – JUAN PO