Advertisers
TINIYAK ng Asian Development Bank (ADB) na handa nitong pautangin ang administrasyong Duterte ng 325 milyong dolyar.
Milyun-milyong dolyar po. Hindi piso.
Ang katwiran ng ADB ay maganda ang plano ng administrasyong Duterte upang manatiling ‘malakas’ at ‘estable’ ang kalagayan ng pinansiya ng pamahalaan sa mga susunod na taon.
Napakaling halaga ng $325 milyon kung saan babayaran ito ng ating pamahalaan, syempre, batay sa mga kondisyon ng ADB, kabilang ang interes nito.
Hindi pa pangulo si Rodrigo Duterte ay nagbabayad na rin ang pamahalaan sa ADB ng mga naunang inutang ng una sa huli.
Sa pagbabayad ng pamahalaan sa milyun-milyng dolyar na utang nito ay kasama ring nagbabayad ang mamamayang Filipino.
Nangyayari ito, sa pamamagitan ng buwis na ibinabayad ng mamamayan, o ng kumpanyang pinapasukan natin, sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Kung hindi ka nagbabayad ng buwis sa BIR, iyung buwis na kasama sa ibinabayad mo sa pagbili ng mga produkto, ay napupunta rin sa BIR.
Kaya, walang dudang nagbayad ka at nagbabayad ka sa naunang inutang ng Pilipinas sa mga pang-internasyonal at lokal na bangko.
At magbabayad ka pa rin sa uutangin ng pamahalaan tulad nitong $325 milyon mula sa ADB.
Ang pag-utang ng milyun-milyong halaga para ipambili ng COVID – 19 vaccine na ipambabakuna sa 60 milyong Filipino ay nakasaad sa General Appropriations Act of 2021.
Itinakda sa GAA – 2021 na P72.5 bilyon ang perang dapat ilabas ng pamahalaan para lamang sa bakuna laban sa COVID – 19.
Ngunit, P2.5 bilyon lang ang manggagaling sa pamahalaan.
Ang balanse mula sa P72.5 bilyon ay uutangin na.
Sa madaling salita, magkakaroon ng pera ang administrasyong Duterte para ipambili ng bakuna.
Isa sa matunog na tinatrabaho ng opisyal ng administrasyon na itinaaga ni Duterte para sa bakuna ay ang CoronaVac na gawa ng Sinovac Biotech ng People’s Republic of China (PROC).
Batay sa impormasyong nakarating sa media, 50 porsiyento ang “efficacy rate” ng CoronaVac.
Ang 50% ay siyang minimum, o pinakamababa, sa pasadong batayan ng bisa nito na inaprubahan at ideneklara ng World Health Organization (WHO).
Sabi ng Department of Health (DOH), okey ang 50 porsiyentong antas ng epikasi ng bakuna na ginawa sa China dahil WHO ang mismong nagsabi na ayos ito.
Pokaragat na ‘yan!
Ang nakaiinis sa bakuna mula sa China ay mas mataas ang presyo nito kumpara sa bakunang gawa sa Amerika.
Ayon sa presyong nakarating sa Senado, P3,629.5 ang halaga ng bakuna ng Sinovac.
Ang bakuna ng Pfizer ay P2,379.
Ang antas ng epikasi, o bisa, ng Pfizer vaccine ay P95%.
Okey ba sa inyo na iturok ang bakuna na 50 porsiyento lamang ang bisa nito upang maging ligtas sa nakakatakot na sakit na coronavirus disease – 2019?
Kayo po ay handang umutang at gumastos para ipambili ng gamot para sa inyong anak na ang kalahating porsiyento lang ang tiniyak na bisa nito?
Ang sagot ko ay hindi siyempre dahil hindi ako papaya na tuturukan ng bakuna ang anak ko, samantalang 50 porsiyento lang ang bisa nito.
Kaya, 50 porsiyentong maaaring magkaroon uli siya ng nasabing sakit dahil 50% lang ang bisa ng bakunang ibinigay sa kanya.
Hindi siguradong ligtas ang anak ko sa COVID – 19, pero nagbabayad ako ng inutang ko.
Pokaragat na ‘yan!
Hinding – hindi ako papayag na magpabakuna kung hindi rin naman mabisa ang ituturok sa akin, sa asawa ko at sa aking mga anak.