Advertisers
KALIWA’T- kanan ang batikos ng ating mga katotong mamamahayag sa social media hinggil sa malaganap at perwisyong operasyon ng dayaang pasugal na Perya ng Bayan (PnB) cum jueteng sa mga lalawigang nasasakupan ng CALABARZON at maging sa Bicol Region ngunit higit mariin ang pagtuligsa sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal at Batangas.
Sa totoo lang lantaran ang pangungubra ng mga kolektor ng Small town Lottery cum jueteng sa Quezon Province kaya lamang tahimik ang mga miyembro ng media doon at di naman natututukan ng iba pang mga mamahayag ang mga kaganapan sa naturang lalawigan.
Ngunit huwag sanang maiinip ang ating mga KASIKRETA sa inihahanda nating “pasabog” laban sa mga jueteng kingpin sa Quezon Province tulad nina alias Mayor Preza, alias Vice Mayor at Jay ng bayan ng Tiaong.
Nakapagtataka namang patuloy ang pananahimik ni Cavite Governor Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr. gayong nauugnay ang kanyang pangalan sa aktibidad ng isang alias Mentong na kilala rin sa kanyang mga alias na Menong at Mayor.
Baka hindi alam ni Remulla na gasgas na gasgas na ang pangalan nito at napapadawit pa sa operasyon ng droga at sugal sa Cavite pagkat ipinagbabanduhan ni alias Menong na siya ang bagman ng gobernador.
Si alias Menong ang nagbigay ng bendisyon kina alias John Yap, alias Jun Moriones, alias Zalding Kombat at alias Caloy Kolanding na mag-operate ng Perya ng Bayan (PnB) cum jueteng sa halos lahat na siyudad at bayan sa lalawigan ng Cavite. Mahigit na sa dalawang buwan na namamayagpag ang nasabing iligal na pinagkikitaan ng mga nabanggit na salot na tinatagurian din sa Cavite na “Apat na Ungas”.
Ang “Apat na Ungas” ang nakakopo sa pag-ooperate ng jueteng at bentahan ng shabu sa Cavite pagkat ipinagbabanduhan pa ni Moriones na kumpare nito si Remulla. Ipinagyayabang din ni Moriones na silang dalawa ni Yap ang nag-ambag ng malaking pondo para sa kandidatura ni Remulla noong nakaraang 2019 elections.
Nagtatanong tuloy ang mga KASIKRETA natin sa Cavite kung ugali ba talaga ni Gov. Remulla ang manahimik at di umaaksyon laban sa mga iligalista sa kanyang hurisdiksyon kapag ang gumagawa ng kabalbalan ay kanyang mga kapanalig?
Ang tsekwa na si Yap ay ilegalistang nakabase sa Bulacan (kaano-ano kaya ito ni Party list Representative Eric Yap na iniuugnay ni Pangulong Digong sa mga korap na mambabatas?)
Si Moriones ay tulad ni Yap na drug adik at shabu pusher na ang balwarte ay ang Tondo, Maynila kung saan ito ay nakapagpatayo ng kanyang mansyon at nakapagpundar ng mga aria-arian mula sa salaping kunyari ay pinagkitaan nito sa sugal ngunit ang buong katotohanan ay sa pagbebenta ng bultuhang droga nagmula.
Ang magpinsan namang Kombat at Kolanding ay parehong drug pusher din sa Cavite gamit ang kanilang mga tauhang magsasakla, kabo at kubrador ng jueteng sa halos lahat na barangay sa Cavite City at iba pang mga lugar sa naturang lalawigan.
Dahil matunog kapwa ang mga pangalan sa gawaing iligal ay nahimok ang mga ito nina Moriones at Yap para luminya sa big-time na jueteng bilang local management ng nasabing iligal na pasugal.
Si Yap nga ang kapitalista, at si Moriones naman ang tagapamala nito sa nasyonal na iniuugnay pa sa isang alias Chito ng Global Tech online na nagpapatakbo ng PnB.
Tinatawag na local management ng jueteng sina Kombat at Kolanding pagkat ang mga ito ang trouble shooter at taga-timbre sa local government official, lokal na opisyales at miyembro ng kapulisan at maging ng mga mamamahayag na may lokal na sirkulasyon, mga barangay chairman at mga opisyales nito.
Kaya kapag ang nagliligalig o dili kaya kailangang dagdagan ng padulas ay ang tulad nina Cavite City Mayor Bernardo “Totie” S. Paredes at City Police Chief LtCol. Franco Allex M. Reglos at iba pang hepe ng kapulisan sa Cavite ay sina Kombat at Kolanding ang nakatokang mag-ayos ng gusot para hindi maparalisa ang takbo ng pajueteng.
Bilang namamahala sa nasyonal, si Moriones ang kakausapin sa intelhencia kung ang kailangang suhulan ay ang tulad ni Gov. Remulla at iba pang provincial officials, PNP Provincial director at mga chief ng operating unit nito, CIDG Camp Crame, Provincial at Regional Officers, PNP Regional director, at magpahanggang sa tanggapan ni PNP director General Debold Sinas.
Nakakarating naman kaya kina Cavite PD Col. Marlon Santos, RD 4-A,PBG Felipe Natividad, CIDG director P/Maj.Gen. Joel Napoleon M. Coronel at PDG Sinas ang lingguhang intelhencia na nakatara para sa kanila at ipinamumudmod ni Moriones?
Natatanggap din kaya ni Gov. Remulla mula kay alias Menong ang lingguhang intelhencia na kinololekta nito kay Moriones na nagpapakilala pang kumpare ng gobernador?
Sa kaso naman ng nakaraang paghahatag ng pasalubong o good will money at Christmas fund, kinolekta ito ng isang alias sarhento Chan kay Moriones bago dumating ang kapaskuhan.
Maugong naman ang balita na sinunog ni Moriones ang intelhencia na dapat ay para sa ilang PNP top brasses kaya nagkaroon ng “bulabugan” nang salakayin ang jueteng den na pinamamahalaan nina Moriones at Yap sa Brgy. Santa Clara, Gen. Trias, Cavite bago ang panahon ng Kapaskuhan.
Naaresto sa rebisahan ng taya sa jueteng nina Yap at Moriones ang may 23 kabo at kubrador at kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 9287 at Violation of COVID 19 health protocols na Bayanihan Heal is to One Act.
Ngunit nasaan kaya ang mga nakumpiskang shabu sa mga kabo at kubrador ng kapwa nakatakas na sina Yap at Moriones.
Hindi pa man pala nakapagpipyensa ang mga arestadong suspek ay ipinagpatuloy pa rin ang pagbobola ng taya sa pajueteng ng “ Apat na Ungas”.
Laganap din na pagpapabenta ng shabu at operasyon ng Perya ng Bayan (PnB) cum jueteng ng “Apat na Ungas” sa Cavite City, Gen Trias City, Bacoor City, Trece Martirez City at mga munisipalidad ng Tanza, Ternate, Amadeo, Maragondon at iba pang mga siyudad at bayan sa nasabing lalawigan.
Kapag patuloy na magsasawalang-kibo si Governor Remulla, RD Natividad at Col Santos sa katarantaduhang pinaggagagawa nina alias Menong, Yap, Moriones, Kombat at Kolanding ay di malayong maniniwala ang mga taga-Cavite na meron palang bagman si Remulla.
Hindi na dapat pang ipangalandakan pa nina PDG Sinas at Gen. Natividad ang direktibang “No take Policy” pagkat di naman nasusunod. Nakakahiya lang!
Kung may delicadeza lamang sina Sinas, Natividad at Remula ay mahihiya ang mga itong magmukhang inutil laban kina Yap, Moriones, Kombat at Kolanding. Talagang malinaw na naghahamon ang mga iligalistang herodes na ito sa inyong kapasidad bilang mga public servant.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.