Advertisers
TAON-TAON na lang nating pinagninilayan ang mga kaganapan na ating pinagdaanan. Muling binabalikan ang mga bagay na ginawa, ganoon din ang mga bagay na ‘di nagawa na labis nating pinagsisihan kung bakit.
Sa pagtatapos ng taon, nariyan si Mang Juan Pasan Krus kasama ang ang mga kamag-anak na nagsasalu-salo sa isang piging upang salubungin ang bagong taon na may pag-asa at pagkakaisa. Mula sa piging, nagaganap ang bagong simula para sa bawat isa. Maaring sa iba ang pagpapalit ng taon ay wala lang, ngunit karamihan sa atin ang nasasabik sa bagong simula ng paparating na taon dahil sa kaniya-kaniyang kaugalian at new year’s resolution.
Sa totoo lang, napaka gandang pag-usapan ang new year’s resolution. Dahil ito’y gabay sa tahakin para sa pagbabago sa buhay ano man ang ating estado. Ito’y giya sa buhay sa loob ng isang taon.
Sa paglalatag ng new year’s resolution, umaasa tayo sa positibong kalalabasan at kung hindi ganap ang resulta, maaari iayos sa mas magandang resulta. Laging naka angkla o nakatutok sa positibong pagbabago ang ibig upang magkaroon ng mabuting ani sa kinabukasan. Inaalis ang mga maling gawi ng hindi na ito magdala ng kabiguan sa sarili at sa mga taong malapit sa atin.
Hindi pa man pumapasok ang bagong taon, tila hindi pa rin tapos ang bangungot ni Mang Juan sa pagharap sa pandemya. Lalo’t may balita na mayroon bagong variant na lubhang nakakabahala.
Dagdag pa ang mga sinambit ni Totoy Kulambo hinggil sa pagpayag na palawigin ang Visiting Forces Agreement (VFA) kapalit ng bakuna galing sa Estados Unidos, Pfizer. Tila wala sa hulog ang mga inusal nito, ang Estados Unidos pa ang takutin nito gayung malaki ang pakinabang ng AFP sa mga pagsasanay sa ilalim ng VFA.
Sa mga tinuran ni TK, mukhang masama ang gising dahil may kumakalat na balitang may mga kawal na Pinoy na nabakunahan kontra pandemya subalit ayaw ilabas kung sinu-sino ito at saan ginawa ang pagbabakuna. Sabi nga ng isang kaibigan, mas matindi pa ang regulasyon sa liver spread kontra sa bakuna.
Subalit alam natin na ang isda sa bibig nahuhuli, nang ipahayag nito na kung sakaling dumating ang ibang bakuna na galing sa Pfizer, puwede pa bang muling magpaturok at wala kayang magiging side-effect ito. May alam ka ba na hindi alam ni Mang Juan hingil sa bakuna, nauna na ba kayo magpaturok? Sa susunod na press conference banggitin naman ang mga nararamdaman o side-effects ng bakunang itinurok, sinovac ang nagturok?
Kung sila Mang Juan napapag-usapan ang New Year’s resolution, may inihanda ba si Totoy Kulambo nito o ibig ayusin o baguhin sa darating na taon bilang New Year’s resolution ng pamahalaan. Kapanapanabik na abangan ito, makikita ng bayan kung sa loob ng natitirang panahon sa panunungkulan ay may magandang patutunguhan ang bansa. O’ aasa na lang kami na magpapatuloy ang walang direksyon na pamamahala.
Hinihintay ni Mang Juan kung kasama sa New Year’s resolution ni TK ang pagwawakas ng red-tagging sa anumang grupo na kritikal sa puro salang pamamalakad ng pamahalaan. Sa totoo lang maraming mga obrerong nag-oorganisa ng mga unyon ang dinampot na at kinasuhan ng pagiging terorista o rebelyon.
May mga pinatay at patuloy na tinatakot at tinataniman ng kung anong bagay upang makasuhan. Patuloy ang red-tagging kahit alam ni Totoy Kulambo na lehitimo ang galaw nito dahil minsan na niyang nakasama ang mga ito na isa sa masugid niyang tagasunod.
Totoy Kulambo nakikiusap si Mang Juan na isama mo naman sa iyong New Year’s resolution na ireporma ang hanay ng pulisya na tagapagligtas at hindi taga patay. Tutal nasilip mo na talagang maraming sala sa hanay nila. At nasilip mo rin na may topak ang ilan miyembro ng pulisya at tuwiran na ipinapakita ang pagiging arogante sa harap ng kanilang maling gawa.
Kitang kita na talagang hindi sinasangayunan ng marami sa iyong tauhan ang kawalan ng kaalaman ng iyong punong pulis. Minsan nga’y nasabi mo na ‘di dapat si Gen. Mananita ang nasa puwesto na maging chief PNP. At kung nagkamali ka man, pwede mo pa itong itama at ilagay ang dapat na sa tingin mo’y kwalipikado.
Sa totoo lang, hindi na kami umaasa na magkakaroon ng pababago sa pamahalaan. May indikasyon na magpapatuloy lang ang kawalan ng direksyon sa anumang larangan ng pamamahala. Mula sa mga simpleng usapin laban sa lahat ng korapsyon, droga, pagbangon ng ekonomiya, turismo, proteksyon ng kapaligiran at higit sa lahat ang pagtayo ng moralidad sa bansa.
Walang tahakin sinusundan kaya’t ang New Year’s resolution na ibig sana ni Mang Juan na mapakingan ay bangungot sa kanyang harapan. Hangang si TK ang may hawak ng timon huwag na natin asahan ang pagbangon.
Manigong Bagong Taon sa Lahat!!!
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com