Pacman game na unang sumalang sa ‘vaccine challenge’; Lani nagtapat, mas masahol sa Covid-19 ang naging sakit
Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
INAMIN ng Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha na naapektuhan ang kanyang pandinig dahil sa infection na dala ng bacterial meningitis.
Ito rin ang dahilan kaya nawala siya bilang judge ng The Clash at pinalitan ni Pops Fernandez.
Naospital kasi ang magaling na singer dahil dito.
Ang siste nito, hindi lang daw siya ang tinamaan ng nasabing sakit kundi pati ang kanyang mister.
Aniya, hindi pa rin daw niya alam kung may lunas ang nabanggit na karamdaman.
Apektado rin daw nito ang kanyang boses lalo pa’t konektado ang vocal cords at ang ear drums.
Dugtong pa niya, noong una akala raw niya ay nagka-Covid-19 siya dahil nakaramdam siya ng pananakit ng katawan, matinding sakit ng ulo, pagkahilo at pagkawala ng pandinig.
Hirit niya, dusa raw ang pakikipaglaban sa kanyang kundisyon na para sa kanya ay mas masahol pa sa Covid-19.
Sa ngayon, nagpapahinga siya, sumasailalim sa medikasyon at sinusunod ang payo ng kanyang doktor.
***
KUNG pagbabatayan ang survey, marami pa ring Pinoy na takot magpabakuna laban sa Covid -19 sakaling maging available na ito sa merkado.
Hirit nila, hindi pa rin daw kasi sila sigurado kung safe ang nasabing bakuna.
May ilan pa ngang iginigiit na ang mga pulitiko muna ang sumailalim sa pagbabakuna bago ang taumbayan.
Pero ayon kay Pinoy boxing legend at Senador Manny Pacquiao, willing siyang sumalang sa “vaccine challenge” at manguna sa tatanggap ng bakuna.
“Pag na-approve na ‘yan, may vaccine na, ako muna magpa-vaccine para bago ang sambayanang Pilipino, bago ang mahihirap,” pahayag ni Pacman.
Aniya, gagawin daw niya ito kesehodang galing pa sa China ang naturang vaccine.
Ayon sa ulat, ang unang Covid-19 vaccine na darating sa bansa ay manggagaling sa mga Tsino.
Sa kaso naman ni Pangulong Duterte, nagpahayag din siya ng kahandaang magpabakuna kapag nakakuha na ng clearance na magamit ito sa bansa.