Advertisers

Advertisers

Kwalipikasyon para PLM President, gustong pababain?

0 284

Advertisers

Gaano kaya katotoo itong nabalitaan ko kelan lang na may nagtatangka daw na maniobrahin ang pagpupulong ng Board of Regents sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila?

Ayon sa ilang insiders, may makapangyarihang kamay daw mula din sa loob mismo ng PLM ang sadyang gumagalaw para lamang maisingit sa agenda ng pagpupulong na palitan ang ilang probisyon ng mga regulasyong sumasakop sa unibersidad.

Partikular daw na ipinasisingit sa agenda na gawing masteral degree na lamang ang pangunahing kwalipikasyon na dapat mayroon ang isang nakaupong Presidente ng PLM, sa halip na doctorate degree.



Hanep din naman ang taong ito, kung totoo ang balita ha. Ayon sa mga insider, Commission on Higher Education (CHED) mismo ang nagtakda ng mahalagang requirement o kwalipikasyon na dapat, ang isang kandidato para sa pagka-Presidente ng anumang unibersidad o kolehiyo, national man o lokal, pribado man o pampubliko, ay dapat nagtataglay ng doctorate degree (Ph.D.) o Ed.D. (Doctor of Education).

Bukod pa riyan ang sapat na “administrative and academic experience” o karanasan bilang isang dean, vice president o chancellor ng isang unibersidad.

Dapat din daw na ito ay may “proven track record” bilang administrador ng isang kolehiyo o unibersidad. Maaring dating President, Vice-President, Dean, Campus Administrator o Academic Director na direktang nagre-report sa President o Vice President ng institusyong kanyang pinanggalingan.

Sa kabila ng CHED ang nagtakda ng mga nasabing regulasyon, balak daw itong baliin nang ganun-ganun na lamang ng nasabing makapangyarihang kamay na taga- loob ng PLM para lamang sa pansarili niyang interes.

Imbes na pataasin pang higit ang kwalipikasyon ng sinumang uupong Presidente ng PLM, balak pa itong pababain? Kaya naman pala bali-balita na may mga miyembro daw ng Board of Regents ang nagbabalak na magbitiw sa puwesto bilang protesta sa mga di kanais-nais na kaganapan sa PLM, kabilang na ang kaguluhang nangyari sa bigayan ng mga allowance para sa mga mag-aaral ng PLM noong nakaraang buwan, kung saan maraming magulang ang nag-alala dahil inabot ng hatinggabi ang kanilang mga anak dahil sa kawalan ng sistema.



Mismong si Mayor Isko Moreno ang humingi ng paumanhin sa mga magulang at estudyante dahil sa nasabing kapalpakang nangyari sa PLM, na nagsilbing panira sa perpektong sistema ng pamamahagi ng mga ayuda ng lokal na pamahalaan.

Pinuri ni Mayor Kois lahat ng mga bahagi ng pamahalaang-lungsod na maayos na namigay ng tulong gaya ng social welfare department sa ilalim ng hepe nitong si Re Fugoso, office of senior citizens affairs sa ilalim ni Marjun Isidro at maging Universidad de Manila sa ilalim ni president Malou Tiquia.

Balik tayo sa tangkang palitan ang kwalipikasyon ng presidente sa PLM. Ang kasalukuyang nakaupo bilang pangulo ay si Emmanuel Leyco. Taglay kaya niya ang mga kwalipikasyong itinakda ng CHED gaya ng pagkakaroon ng doctorate degree? Nagtatanong lang po.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.