Advertisers

Advertisers

Mas maingay na ang 2022 kaysa 2021

0 475

Advertisers

Ipinagbawal pero meron pa ring putukan sa pasalubong ng mga Pinoy sa 2021. Hindi nga lang kasing-ingay ng mga nakaraan. Ramdam ng lahat ang tamlay. Hindi nawala ang tradisyunal na noche buena at media noche, pero marami ang tiyak nabawasan ang handa sa mesa lalo na sa milyun-milyong manggagawa na nawalan ng trabaho at hanapbuhay. Pigil ang saya. Ramdam ng nakararami ang masakit na epekto ng nagpapatuloy na pandemya.

Ngunit kakaiba sa pulitika. Disyembre pa lamang ay ramdam na ang pormahan. Siyempre nariyan lagi ang ingay ni Ping. Si Leni ay doble-kayod sa lahat ng pagkakataon para imarka ang sarili bilang seryosong alternatiba. Si Pacman naman ay may plataporma at promosyon na sa social media. Si Ramon Ang ay nagpalipad hangin na rin, habang si Grace Poe at Tito Sen ay hindi nagpapahuli sa patawag pansin sa mga popular na isyu. Kapansin-pansin lalo na tumatayo na ulit si Dick.

Ang Malacañang ay tahimik pa dahil hindi malinaw kung sino ang gagawing tagapagmana ng Ama sakaling tuluyan na niyang itabi ang planong revgov o chacha. Pero mukhang hindi pa niya ito isinasara. Tutal nariyan lang naman si Inday Sara sakaling kailangan sa labananang elektoral. Ang mga pangalang nabanggit ay hindi kathang-isip o gawa-gawa lamang. Sila ang mga pangalang magdadala ng ingay ng 2022 habang nasa dance floor pa lamang ng 2021.



Naglabas na nang paunang sarbey ang Pulse Asia na naglalaman ng kamada ng ng mga kandidatong Presidente, Bise-Presidente at mga Senador para sa 2022. Pero dededmahin ko muna ang mga resultang ito dahil maaga pa para sa akin na sukatin ang tsansa ng sino man sa kanila. Nasa gitna pa tayo ng pandemya at malalang krisis sa ekonomiya kung kaya’t malaki ang magiging impluwensya ng mga bagay na ito sa magiging pinal na desisyon ng mga tao sa darating na eleksyon. Susubaybayan ko na lamang muna ang mga sarbey na ito para masuri ang pag-unlad o pag-atras ng kamulatan ng mga tao sa kritikal na yugtong ito habang papalapit ang eleksyon.

Naniniwala pa rin ako hanggang sa ngayon na ang mga mangyayari ngayong 2021 can make and unmake politicians for 2022. Ito ay dahil hindi normal o ordinaryo ang panahong ito para sa ordinaryong pagpili ng mga tao. At kahit na pesimistiko ako sa sistema ng eleksyon sa bansa na maari pang maging mas bulok sa 2022, kailangan pa rin itong tumbasan ng seryosong kampanya ng mga seryoso at mas matitinong kandidato sa nasyunal at lokal na antas ng pamamahala. Maliban na lamang kung ang bakuna sa laban sa COVID-19 ay maging pampamanhid na rin ng kamalayan ng mamamayan sa gitna ng krisis.

Sipatin nga kaya muna natin ang mga mangyayari o mga posibleng mangyari ngayong 2021. Nasa pandemyang taon pa rin tayo kaya’t lahat ay nakaabang sa bakuna. Pero alam naman na ng marami na hindi lahat ay magkakaroon ng bakuna ngayong taon. Dahil bukod sa gwardya ng Pangulo at ilang miyembro ng gabinete na unang naturukan ng iligal, may nakatakda ring mauna sa maliit na bilang ng bakunang naorder ng Palasyo bunga ng kapalpakan. Mauuna ang mga frontliners at bulnerableng Pilipino. Okay lang ito dahil kailangan. Pero paano ang bakuna sa iba pang frontliners – sa milyon-milyong manggagawa – na silang nagpapaandar ng ekonomiya ng bansa?

P2.5 bilyon lamang ang inilaang pondo para sa bakuna sa 2021 national budget at kailangan pang mangutang para dito. Mas malaking di hamak ang P19 bilyong badyet para patayin ang kilusang komunista sa bansa. Wala namang deklarasyon ang mga employer, maliban sa ilang malalaking korporasyon, na libre nilang sasagutin ang bakuna ng kanilang manggagawa. Maswerte ang mga nakatira sa maaalwang LGU na kayang bumili ng sariling bakuna. Pero katulad din sa national government, may prayoridad sa bakuna ng LGU katulad ng healthworkers, senior citizens, PWDs, at iba pang sektor na rekomendado ng WHO. Sa mahihirap na LGU ay walang paraan kundi maghintay na lamang sa hindi tiyak na panahon kung kalian darating ang bakuna at mabakunahan ang lahat. Maari pa nga itong umabot lagpas ng 2022.

Ipagpalagay na may swerte ngayong 2021 at biglang dumami ang bakuna katulad nang bumaha ang face mask at face shield mula sa China, hindi rin naman magagamot ng bakuna agad-agad ang krisis sa ekonomiya. Hindi lang naman bakuna ang soluyon sa problemang ito kundi programa ng gubyerno sa paglikha ng trabaho, suporta sa negosyo, at sa desisyon ng mga kompanya kung magtutuloy pa sa negosyo habang nariyan pa ang virus. Kung wala nito, ang pagbangon ay hindi sabay-sabay at magiging napakabagal kung kaya’t maraming mga Pilipino ang magugutom. Hindi pa natin alam ang buong panganib sa nababalitang bagong variant ng COVID-19 virus. Kung ito’y mas mapanganib, panibagong pormulasyon na naman ito ng estratehiya at pagpapatupad ng panibagong lockdown gaya ng nangyayari sa Amerika at Europa ngayon.



Kasabay nito ay magiging maingay na ang tunog ng eleksyong 2022. Mas magiging maapoy ang mga isyu. May magluluto ng mga exposé. May mga lilipat ng bakuran. Makikialam pa rin tiyak ang China para pangalagaan ang interes nito sa Pilipinas sa harap ng kalabang Amerika sa ilalim ni Biden. At siyempre pa, hindi mawawala ang mga manghuhula na magsasabing may malaking taong mamamatay ngayong 2021.

Samantalang ang uring manggagawa, tuloy lang sa araw-araw na pakikibaka para mabuhay ngayong 2021, habang hinahanap ang maaring panggalingan ng bagong pag-asa sa pangarap na magandang buhay.

Manigong Bagong Taon pa rin para sa ating lahat! ###