Advertisers
NOONG Oktubre 2020 pa tinanggal si Taguig – Pateros Rep. Alan Peter Cayetano mula sa pagiging speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso, ngunit patuloy pa rin ang kritisismo ng kanyang pangkat, kasama sina Congressmen Michael “Mike” Defensor at Jonathan Sy Alvarado, laban sa liderato ni Speaker Lord Allan Jay Velasco habang tuluy-tuloy lang ito sa pagtatrabaho para sa bayan at mga Filipino.
Bakit kaya hindi makaalpas ang barkadahang Cayetano?
Hindi kaya mayroong pinagtatakpang isyu?
Ganito naging larga kung bakit nasibak sina Cong. Mike at Kuya Jonathan.
Iwinasiwas sa media kamakailan ni Cayetano na napilitan si Pangulong Rodrigo Duterte na pangalanan ang mga kongresista na sangkot umano sa korapsyon dahil pinigilan daw ni Velasco na maglunsad ng pagdinig ang Kamara de Representates tungkol dito.
Iniyabang ni Cayetano na nakatakda raw sanang dinggin ng House Committee on Good Governance and Public Accountability (na tserman si Alvarado bago sibakin ng House majority sa puwesto) tungkol sa mga katiwalian, pero inetsa-puwera raw ito ng pamunuan ng Kamara sa kanilang adyenda.
Pero, makikita sa rekord na galing mismo sa committee secretary (ComSec) ng dating komiteng hawak ni Alvarado na hanggang noong Disyembre 16, 2020 ay isa lang pala ang naka-iskedyul na imbestigasyon nito hinggil sa korapsiyon (tungkol ito sa mga anomalya sa PhilHealth) at wala nang ibang nakatakdang pagdinig tungkol sa iba pang katiwalian sa pamahalaan.
Pokaragat na ‘yan!
Tanungin n’yo si ComSec.
Sino ba ang totoong unang humarang sa pasabog ni Greco Belgica ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC)?
Kung inyong matatandaan, bago pinangalanan ni Duterte ang sinasabing “tumotongpats” na mga kongresista ay binara ni Congressman Mike Defensor si Belgica at pinagsabihan itong manahimik.
Sabi pa ni Defensor kay Belgic ana magsampa na lamang ng kaso sa korte kung totoo ang mga paratang ng batang anti-corruption crusader?
Mukhang binabaliktad ngayon ng kinatawan ng Anakalusugan party-list.
Sila na ngayon ang biglang naging mga bida sa krusada laban sa mga katiwalain sa pamahalaan.
Nakakatawa pa ang banat ni Defensor na parang iniiwasan daw ni Velasco na magkaroon ng anumang pagdinig sa Kamara hinggil sa mga anomalya sa pamahalaan.
Cong. Mike, nakamamatay ang fake news.
Masama rin ang fake news sa kalusugan ng tao.
Ang totoong usap-usapan sa Batasan ay hindi nagustuhan ng pamunuan ng Kamara ang estilo ng tambalan nina Defensor (bilang dating chairman ng Committee on Public Accounts) at Alvarado (bilang dating chairman ng Committee on Good Governance and Public Accountability) sa pagsasagawa ng mga pagdinig.
Ang nangyayari raw ay tila nagiging “gatasan” ang mga kompanyang iginigisa sa mga pagdinig na patawag ng mag-partner na sina Cong. Mike at Kuya Jonathan.
Pokaragat na ‘yan!
Ito ang pangunahing dahilan kung bakit hindi muna pumayag ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso na maglunsad ng pagdinig ang nasabing komite nitong Disyembre.
Ito rin ang naging malaking batayan sa pagsibak ng mga kapwa kongresista nina Defensor at Alvarado sa mga komiteng pinamumunuan nila noong si Cayetano pa ang pinuno ng Kamara.
Nakakalendaryo sa mga komite noon nina Defensor at Alvarado ang pagpapatawag sa mga kinatawan ng MERALCO, MWSS, at mga bangko bago sila sinibak sa puwesto na hindi na umabot pa sa pasko.
Kaya, nadismaya sila sa ginawa sa kanila.