Advertisers

Advertisers

Komitment sa demokrasya

0 677

Advertisers

SASAILALIM ang bansa sa isang masusing proseso upang piliin ang susunod na pangulo. May nalalabing 17 buwan para sa mainit na talakayan kung sino ang mas higit na may karapatan na mamuno sa bansa. Si Sara, BBM, Mane, o Leni ba? Puede si Ping, Dick, Sentri, o Kiko, o Grace, o Yorme? Sino ba talaga?

Madaling ihalal kung sino ang susunod na pangulo sa 2022? Madali manalo. Pinakamahirap ang mamuno. Hindi madaling pamunuan ang bansa ng may 110 milyon na bida at nagbibida-bidahan. Kailangan ang pamantayan sa pagpili ng susunod na pangulo.

Sa amin, nangunguna sa aming pamantayan ang komitment ng bawat kandidato sa demokrasya. Hindi puwede na hilaw ang kanyang paninindigan pagdating sa usapin ng demokrasya. Dapat na ipagtatanggol niya ang Saligang Batas kahit sa dulo ng daigdig. Kung kinakailangan, kahit ialay niya ang kanyang buhay para sa simulain ng demokrasya na nakasulat sa bato sa Saligang Batas ng bansa.



Kasama sa aming pamantayan ang maituturing na sagad-sagarang paniniwala at komitment sa pangingibabaw ng batas (o rule of law) at pagtangkilik sa tamang proseso ng batas (o due process). Hindi kami sang-ayon sa anumang pagkiling sa extrajudicial killings (EJKs), o mga hakbang na nasa labas ng batas. Hindi puede ang hilaw pagdating na isyu ng batas.

Kailangan sukatin ang kanilang paninindigan sa mga usapin ng karapatang pantao, kapakanan ng mga bata (children’s welfare), at pagbabago sa klima (climate change). Kailangan timplahin ang kanilang paniniwala sa mga usapin ng katarungang panlahat, kabuhayan lalo na ang lumolobong utang, at seguridad sa pagkain at kalayaan, hanapbuhay at katarungan.

Hindi kilala si Sara Duterte pagdating sa usapin ng demokrasya. Nahalal siya na alkalde ng Davao City, ngunit hindi namin batid hanggang saan ang komitment niya sa demokrasya. May batayan na paniwala na hindi siya nalalayo sa kanyang ama. Sa kanyang mga pahayag noong pamunuan niya ang Hugpong noong 2019, balu-baluktot ang kanyang lohika. Hindi malinaw ang takbo ng kanyang pag-iisip.

Mas lalong hindi malinaw si BBM. Pilit niyang binabaluktot ang batas basta manalo lamang siya. Kung siya ang mahalal ng pangulo, hindi malayo na gawin niya ang ginawa ng kanyang diktador na ama. Kasi iyon ang madali. Hindi siya nasanay sa hirap at mas nanaisin na gawin ang pinakamadali basta manatili lamang sa poder. Tanging poder ang kanyang lengguwahe.

Aral si Manny Pacquiao sa teolohiya ng Bibliya. Batid namin na ibabatay niya sa turo ng Bibliya ang mga desisyong pulitikal kung sakaling siya ang sumunod na pangulo. Ngunit may sapat ba siyang kakayahan upang magbigay ng tamang interpretasyon ng Bibliya? Paano kung mali ang kanyang pagbibigay katwiran sa mga letra ng Bibliya?



Tanging si Bise Presidente Leni Robredo ang nagpapakita sa ngayon ng matibay na komitment sa demokrasya, pangingibabaw ng batas at tamang proseso. Kabaligtaran siya ni Rodrigo Duterte. Malinaw sa kanyang mga pahayag ang pangangailangan na ipagtanggol ang demokrasya sa lahat ng oras. Alam niya na nakasandal sa mahinang pundasyon ang demokrasya ng bansa.

Malaking katanungan si Dick Gordon sa isyu ng demokrasya. Mala-diktador ang kanyang ugali. Hindi siya sanay na masalimuot na mundo at proseso ng isang demokrasya. Sapagkat lumaki siya sa panahon ng diktadurya ni Ferdinand Marcos, pawang shortcut ang alam niya. Wala siyang tiyaga sa proseso. Abusado ang asal.

Ganyan si Ping Lacson. Sapagkat bahagi siya ng military na kinunsinti ni Marcos, palaging may pakiramdam siya na lubos siyang makapangyarihan. Nagtago noong siya ang sumailalim sa masusing proseso ng batas. Hindi hinarap ang anumang responsibilidad. Lumantad lamang ng wala na sa poder ang mga pulitikong kalaban.

Kabaligtaran si Ping ni Sonny Trillanes pagdating sa usapin ng demokrasya at pagkapit sa pangingibabaw ng batas. Nagrebelde at lumantad sa madla kasama ang mga kapanalig. Hinarap ang parusa ng pag-aaklas sa ilalim ng batas. Hindi tumakbo sa laban. Hindi nagtago katulad ni Ping Lacson. Nakulong ng pito at kalahating taon sa stockade. Pinatingkad ang komitment sa demokrasya paglabas ng kulungan.

Hindi pa tapos ito. Siya ang isa sa mga tinik sa lalamunan ni Duterte. Nanindigan kahit sobrang gigil sa kanya si Duterte. Kung mayroon na walang komitment sa demokrasya, pangingibabaw ng batas, at tamang proseso, ito ay walang iba kundi si Duterte at kapanalig na si Jose Calida na nagpilit na gumawa ng kaso laban sa kanya. Itinago ang mga dokumento tungkol sa kanyang amnestiya upang ibalik siya sa bilibid. Mabuti at hindi sila nagtagumpay.

Wala kaming masabi kay Kiko Pangilinan lalo na sa kanyang paninindigan. Sa buong panahon ng kanyang panunungkulan bilang mambabatas, hindi naitanong ang kanyang komitment sa demokrasya.

Ikinalulungkot namin sa mga tagahanga ni Isko Moreno. Wala kaming bilib sa kanya. Matapos linisin ang Maynila dahil sa kawalang kakayahan at kababuyan ng natalong alkalde na si Erap Estrada, wala na kaming masabi. Ngunit kapansin-pansin ang kawalan ng tiyan ni Yorme na makipagpukpukan sa larangan ng prinsipyo. Sa ganang amin, overrated siya. Hindi siya sanay sa tunggalian at tiisin ang lahat maiwasan lamang ang anuman tunggalian.

Sa amin. Komitment pa rin sa demokrasya ang dapat tunghayan sa mga kandidatong papalaot upang sungkitin ang panguluhan sa 2022. Hindi puwede ang malata ang paninindigan sa demokrasya, pangingibabaw ng batas at tamang proseso, karapatang pantao, at katarungang panlipunan. Suriin natin mabuti ang mga kandidato. Hindi dapat maulit ang karanasan natin noong 2016 kung saan isang baliw ang nahalal.