Advertisers

Advertisers

Tahimik

0 465

Advertisers

SA pagpasok ng 2021, maraming kaganapan ang kumuha ng atensyon ni Mang Juan Pasan Krus. Talagang nakakapanginig laman at hindi mapigilan isipin kung bakit nagkaganito ang bansang mapagmahal, madasalin, magalang at masunurin.

May kaugalian ba tayong nilimot at nagtulak sa ating mabuting asal na gumawa ng ‘di tama sa ngalan ng pagsunod sa utos?

Sa mga pumukaw na mga balita, nariyan ang usapin sa pagturok ng bakuna sa Presidential Security Group (PSG), na naatasan na magbibigay seguridad sa Pangulo ng bansa. Tulad ng una nating naisulat, nagkaroon na ng maagang turukan ng bakuna sa ilang piling mga tao, at lumabas na ang PSG ang isa sa mga ito.



Hindi minamasama na unahin ang grupong ito, subalit ang usapin dito’y ang paraan ng pagpasok sa bansa ng bakuna. Parang kahalintulad ang pagpasok ng bakuna sa mga ilegal na droga na sinamsam sa Adwana noong nakalipas na mga taon, papuslit na paraan.

Hindi dumaan sa tamang proseso ang pagpasok nito, sa halip, nagkaroon pa ng pag-amin sa puno ng PSG na naturukan na sila ng bakuna laban sa pandemya. Malinaw na may paglabag sa batas ang paraan ng pagpasok ng bakuna. Hindi pa binabangit dito ang ilang alituntunin sa pagbibigay ng gamot na kailangan dumaan sa pagsusuri ng FDA.

Ang masakit dito, nasa tungki lang ng ilong o sa mismong bakuran ng Malacanang naganap ang paglabag sa batas. O’ di kaya may basbas na ng IATF at ni Totoy Kulambo ang pagpasok nito? Sa ganitong siste, may pananagutin ba sa pangyayaring ito, tanong lang po? Sa batas ba’y iba ang sa kakampi’t kaalyado, iba rin ang kay Mang Juan at mga kritiko?

Sa pagsuot ng pulisya sa patig na uniporme, kapansin-pansin na tumaas ang dami ng mga krimen na sangkot ang mga pulis. Bakit?

Bumalik na ang bansa sa ilalim ng Martial Law na kung saan kinakatakutan ang PC/INP na talagang notorious sa pag-gawa ng krimen at mga paglabag sa mga karapatang pantao?



Samantala, mukhang bumabaw naman ang kakayahan ng pulisya sa paggawa ng mga police work na talagang nagpapalalim sa mga imbestigasyon upang matukoy ang mga gumawa ng krimen. Silipin natin ang kaganapan sa Makati City, sa unang bahagi ng imbestigasyon mukhang may mga tukoy ng “provisionary suspects” at nangangalap pa ng karagdagang ebidensya na magbabaon sa mga ito, subalit mukhang alang nangyari.

Sa iba’t ibang pahayag ng pulisya, mukhang magkakaiba ang sinasabi gayundin ang resulta sa mga pagsusuri sa crime scene. At sa mga sumunod na kaganapan, mismo ang SOCO ang nag-ulat ng taliwas na resulta sa binabangit ng mga imbestigador. At sa huli, tila mahihirapang iresolba ang kaso dahil tila nagalaw na ang maseselan na bahagi ng krimen kung mayroon man.

Sa kaayusan at kapayapaan, tila hindi tugma ang suot na uniporme ng pulisya laban sa krimen dahil tumataas ang dami ng mga usapin hinggil dito. Ang pagsuot ng patig na uniporme’y mukhang hindi tugma sa ibig nilang mangyari na magkaroon ng katahimikan at kaayusan sa bansa.

Tila baligtad ang kinalabasan, dumami ang patayan, krimen at maraming paglabag sa batas. Sa pagpapalit ng uniporme ng pulisya, para bang inilayo ang Mamang Pulis kay Mang Juan na siyang kabaligtaran ng nais ng batas. Ang masakit, ang kaisipan na bumabalot ngayon na hindi na sila ang tagapagligtas bagkus sila mismo ang lumalabag sa batas na kanilang dapat ipatupad.

At sa gitna ng mga pangyayaring ito, ang punong heneral ng pulisya ay nanahimik sa dami ng mga kaganapang sangkot ang kanyang tauhan. At kaakibat nito ang isa pang tahimik o nahihimbing na si Totoy Kulambo na ‘di man lang magbigay ng direktiba na linisin ang hanay ng pulisya.

Dahil talaga namang talamak na sa kalokohang ginagawa. Hindi pinag-uusapan ang mga tongpats at padulas. Ano ba ang kalagayan ng peace & order sa bansa?

Sa pagtingin, simula ng umupo si Gen. Mananita mukhang dumami ang mga naulila, nawalan ng buhay at hanap-buhay. Maraming obrero ang dinakip na walang sala at nakikita na lang na nakahandusay kung saan-saan.

Maging sa mga EPZA kabi-kabila ang harassment na tinatangap ng mga unyonista. At sa pagtaya, medyo bilang ang pahayag ni Gen. Mananita, subalit malalim ang pagkampi nito sa mga tauhan kahit sa gawang mali.

Sa gawa, tila magaling mag-usisa ang dulo ng baril sa halip na mataimtim na pagiimbistiga. Ang kaganapan tulad ng dagling pagpatay na bahagi ng laban sa droga, lantaran ng kumakalat at ngayo’y kasama na rin ang mga personal na alitan ng Mamang Pulis kontra Mang Juan at kritiko. At sa huli, mayroon silang tagapagtanggol, Gen, Mananita, totoo ba po ito?

Umaapela ang Batingaw kay Totoy Kulambo, na sa huling mga oras, araw, linggo, buwan at taon mo sa panunungkulan ipakita na hindi nagkamali ang ilang mga Pilipino sa pagpili sa iyo. Gumising at imulat ang mata sa napakaraming usapin na dapat mong ayusin.

Tapusin na ang nakakabinging katahimikan, atasan ang iyong mga tauhan na ibsan na ang hirap na hirap na si Mang Juan Pasan Krus.

Maraming Salamat po!!!

***

dantz_zamora@yahoo.com