Advertisers
OO… habang nalalapit ang pagwawakas ng termino ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ay pasama nang pasama naman ang istorya ng gobyerno nito.
Sa nalalabing 16 buwan ng administrasyong Duterte, simula ngayong buwan ay puros negatibo ang bunga ng mga hakbang nito.
Una, umaalma ang mamamayan sa naging pahayag ng messenger ni Duterte na si Harry Roque na “walang choice” ang gobyerno sa pagbili ng vaccine kundi ang made in China na Sinovac o Sinopharm, na ayon sa mga report ay mahinang klase, 50 percent lamang ang bisa, mahal, at \di pa rehistrado ng Food and Drug Athority (FDA) ng Pilipinas.
Inalipusta pa ni Roque ang mga Pinoy na huwag ma-ging pihikan sa ituturok sa mga ito dahil libre ang bakunang ito. (Paano maging libre eh taxpayers money ang ipambibili nito. At kung inutang man ng gobyerno ang pambili ng bakuna ay taxpayers parin ang magbabayad).
Birada naman ng isa pang Gabinete ni Duterte na si Karlo Nograles: Hindi mandatory ang pagbabakuna ng Covid vaccine. Ang ayaw, ‘di tuturukan, ang gusto lamang.
Sana ianunsyo rin ni Nograles na hindi rin mandatory ang pagbabayad ng tax, ang gusto lamang magbayad ang magbayad.
Ang resbak rito ng local government units ay hindi sila aangkat ng China made vaccine, sa halip ang gawang India na AstraZeneca ang kanilang bibilhin para sa vaccination ng kanilang constituents.
Sa Pebrero pa raw darating ang 1st batch ng order na Sinovac vaccine ng Department of Health. May magpa-paturok kaya nito? Ayaw ko. Kayo?
Pangalawang nakapanlulumo na hakbang ni Duterte ngayong month ay ang pag-appoint muli sa sinibak nang Justice Secretary na si Vitaliano Aguirre bilang commissioner ng National Police Commission.
Si Aguirre ay isinasangkot sa “pastillas” scam sa airport, ‘yung pagpapapasok ng Chinese nationals na walang kaukulang papeles basta may “timbre” na nakalagay ang pera sa tila nakarolyong pastillas.
Ibinunyag pa ng beteranong kolumnistang si Ramon Tulfo na sako-sakong pera na ikinakarga sa helikopter ang dinadala sa mansion ni Aguirre sa probinsiya nito bago pa nabunyag ang katiwalian sa airport.
Ginawa rin katatawanan ni Aguirre ang batas sa Plunder noong nasa DoJ siya nang mangikil ng P50 million ang kanyang mga bata na abogado sa Immigration sa isang casino owner sa Pampanga.
Depensa noon ni Aguirre sa mga bata niya, P49,999,000 lang ang pera, hindi buong P50 million, kaya ‘di raw pasok sa Plunder ang mga ka-brad nila ni Duterte. Obviously ay tinira nila ang P1K para makaiwas sa Plunder.
Pangatlong negative impact sa pamamahala ni Duterte ay ang ibinunyag kamakailan ng Commission on Audit sa kanilang 2019 Annual Financial Report na napakalaking halaga, bilyones, na nilustay na intel fund ng Office of the President. Umabot daw sa P13.4 billion ang nagastos noong 2019. Mula sa P3.6-B noong 2015 ay naging P4.4-B noong 2016, at dumoble ng ilang beses noong 2017 na naging P9.4-B, at tumaas pa sa P11.4-B noong 2018. Grabe! Nakakalula. Saan ginamit ito? Hindi naman naubos ang mga sindikato sa droga, hindi naman napulbos ang mga bandido at terorista sa Mindanao.
Anong say nyo rito, mga pare’t mare?