Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
DAHIL pandemya, maraming artista ang nawalan ng trabaho.
Nalimitahan din kasi ang mga pagpro-produce ng mga teleserye at pelikula ng production companies.
Dahil may mga restrictions din sa tapings at shootings, dagdag ding gastos ito para sa producers.
Sa kaso ni Bugoy Carino, kailangan niyang kumayod lalo na’t wala namang siyang movie or TV offers mula nang mag-lie low siya sa showbiz.
Dagdag pa, may mga na-turn off din sa actor dahil sa pag-deny nito noon na wala pa siyang anak na sa huli pala ay kakainin lang niya ang kanyang mga salita.
Sa ngayon, isa nang proud online seller ang dating actor kasosyo ang partner na si EJ Laure.
Ito ay ibinahagi niya nang mag-guest siya sa “Bawal Judgmental” segment ng Ëat Bulaga.
Kuwento pa ni Bugoy, six months na silang nagtitinda ng mga damit online mula nang ipatupad ang lockdown.
Sa panahong ito, kailangan din daw niyang isipin kung paano bubuhayin ang kanyang mag-ina.
“Yung mga tinitinda ko po mga pang-basketball na shorts, tapos sa mga babae naman pang TikTok na shorts.
“Tapos mga pantulog yan, terno [at] pajamas ganun,” salaysay ni Bugoy nang kapanayamin siya sa nasabing noontime variety show.
Aniya, malaking tulong din daw na isa siyang celebrity para magkaroon siya ng hatak sa customers.
Nag-boost daw ito ng credibility niya bilang online seller.
“Kasi tingin po nila legit ka talaga and, siyempre, ‘pag binogus mo po sila ikaw ‘yung masisiraan,” paliwanag niya.
Dahil kilala at dinadalang pangalan, maingat din daw siya na huwag masira sa kanyang customers na nagtiwala at patuloy na nagtitiwala sa kanya.
“Ako po, especially po ako maarte po ako sa tela, kasi po lalaki ganun. So, kapag yung tela po noong T-shirt na nabili namin, pero mura naman, pero parang manipis, makati, hindi ko po pinapa-benta,” bulalas niya.
Matatandaang nasuspinde noong 2018 si Bugoy sa “It’s Showtime” dahil sa alingasngas na nakabuntis nga ang actor-dancer.