Advertisers
Nauwi sa balyahan at sigawan ang naging clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasay City nitong Biyernes.
Nagkatulakan at nagkasigawan ang mga tindera at mga tauhan ng MMDA Sidewalk Clearing Operations group.
Sa operasyon, kinumpiska ng mga awtoridad ang mga kariton na ginagawang karinderya na nakaharang sa kalsada, pero ayaw umano itong ibigay ng mga vendor.
Binigyan din ng ilang segundo ang mga vendor na tanggalin sa kalsada ang kanilang tindahan at mga paninda.
Nagkumahog silang bitbitin ang mga naisalbang gamit.
Sa pagmamadali, pilit na pinagkasya ng iba ang mga gamit sa kanilang bahay.
Hindi umubra ang mga pakiusap nila at kinumpiska ng mga awtoridad ang lahat ng natirang gamit na nakaharang sa kalsada.
Pinaghihila rin ang mga pedicab at tricycle na naka-park sa kalsada.
Sinita ng MMDA ang mga opisyal at tanod ng barangay dahil sa mga nakahilerang sidewalk vendor.
Sa kabila nito, tingin ng mga tindero na babalik pa sila para magtinda.
Aminado ang lokal na pamahalaan na malaking hamon ang pabalik-balik na mga nagtitinda sa kalsada.
Malaki rin ang papel at pananagutan ng mga barangay official na panatilihing malinis at maayos ang kanilang lugar.
Samantala, pinalawig naman ng Department of the Interior and Local Government ang panahon ng mga LGU para magsagawa ng clearing operations.