Advertisers
Kritikal ang isang security guard nang pagsasaksakin ng dalawang factory worker nang magkainita sa pagtatalo habang nag-iinuman sa Navotas City Biyernes ng madaling araw.
Kasalukuyang inoobserbahan sa Navotas City Hospital sanhi ng mga saksak ang biktimang si Kevin Navarro, 28 ng 290 Magat Salamat St., Brgy. Daanghari.
Ayon sa ulat, kaagad na naaresto ng mga tauhan ng San Roque Police Sub-Station 2 ang mga salarin na sina Wilmar Casipit, 22 ng 497 Gov. A. Pascual St. Brgy. Daang Hari; at Ricardo Eballar, 18 ng Estrella St. Brgy. East Navotas.
Sa report, bago naganap ang insidente, nagkaroon ng inuman ang biktima at mga salarin sa Magat Salamat St. malapit sa bahay ni Navarro.
Dakong 3:30 ng madaling araw nang magkaroon ng argumento sa pagitan ng biktima at mga suspek kung saan sa kainitan ng kanilang pagtatalo ay naglabas ng patalim si Eballar at Casipit saka pinagtulungan pagsasaksakin sa katawan si Navarro.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga salarin sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ng kanyang kapatid ang biktima sa naturang pagamutan.