Advertisers

Advertisers

Sino ang nakikinabang sa “black sand mining” sa Cagayan?

0 403

Advertisers

KUNG inyo pong matatandaan noong kasagsagan ng halalan ay nagkainitan ang dalawang gubernatorial candidate noon sa Cagayan sa issue ng pamamayagpag ng black sand mining sa lalawigan.

Matapos tanungin ni Congressman Randy Ting si Dating Governor Alvaro Antonio kung bakit pumayag siya ng magkaroon ng black sand mining noong panahon niya bilang gobernador na dahilan ng erosion umano ng ilang coastal towns.

Binigyan diin naman ni Antonio na siya ang nagpatigil ng black sand mining.



Tinawag din niyang sinungaling si Ting sa pahayag nitong may mga erosion sa ilang bayan sa lalawigan.

Samantala, binanatan din ng dalawa si Governor Manuel Mamba sa hindi niya pagdalo noon sa debate.

Sinabi ni Antonio na takot umano si Mamba na malaman ng publiko ang kanyang mga ginagawa na kontra sa Cagayan at sa mga Cagayanos

Ayon naman kay Ting, magaling lang umanong magsalita si Mamba na mag-isa subalit takot na makaharap ang kanyang mga katunggali.

Ang tanong, sino-sino nga ba ang nakikinabang sa black sand mining?



***

Samantala malaking palaisipan din sa mga taga Aparri at Cagayan kung bakit hindi pumirma noon sa Resolution No. 2019 (ss)-041a na may petsang July 29, 2019 ang Vice Mayor Rommel Alameda na ginanap sa session hall ng Sangguniang Bayan ng Aparri?

Ayon sa mga aparrianos ano ang dahilan at hindi siya pumirma sa kanilang resolusyon? Samantalang ang kanilang Mayor Bryan Dale Chan ay pumirma?

Ang natura umanong resolusyon ay humihiling sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 sa pamamagitan ni Atty. Antonio A. Abawag, CESO 1V Regional Executive Director ng agarang pagpapalabas ng “Cease and Desist Order” laban sa Pacific Offshore Exploration Incorporated dahil sa isinasagawa nitong ‘’dredging operation’’ sa Cagayan, River.

Nakasaad din sa resolusyon ng Sangguniang Bayan ng Aparri na mismong ang provincial government ng Cagayan ay umamin na walang ‘’dredging plan’’ at ‘’dredging permit’’ mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Transportation (DOTr) ang naturang kumpanyang Pacific Offshore Exploration ­Incorporated.

Ipinaliwanag din sa naturang resolusyon na kung walang dredging plan at dredging permit sa mga ahensiya ng gobyerno, malinaw umano na hindi pinag-aralan ang masamang epekto ng paghuhukay sa Cagayan River.

Kabilang sa mga barangay na apektado ng dredging operation ng naturang kumpanya na sinasabing pag-aari ng mga Tsino ay ang Barangay Bisagu, Barangay Punta, Barangay Toran at Barangay Macanaya.

Alam nyo ba na ang lalawigan ng Cagayan ang pangunahing pinagmumulan ng black sand na sinasabing dinadala sa Hong Kong para gamiting panambak sa Airport 3 Reclamation Projects na sinasabing kumikita ng $50 milyon kada buwan?

Ang tanong, sino-sino nga ba ang nakikinabang sa black sand mining sa Cagayan?

Subaybayan natin!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

Samantala, laging subaybayan ang palatuntunang “walang personalan trabaho lang” mula lunes hanggang linggo 11:00am-12:00nn sa RADYO NG MASA entertainment net radio. Tuwing sabado at linggo 12:00nn-12:30pm sa DWBL 1242 kHz am band at 10:00am-11:00am sa DWXR 101.7FM – Mapapanood livestreaming via Facebook at Youtube!