Advertisers
AYON kay Pangulong Rodrigo Duterte, hindi pambabae ang posisyong pangulo ng bansa.
Opinyon ‘yan ni Duterte.
Kasaysayan mismo ng ating bansa ang magpapatunay na pwedeng maging pangulo ang babae dahil pinatunayan na ito nina Corazon Cojuangco Aquino at Gloria Macapagal Arroyo.
Bago pa maging pangulo sina Aquino at Arroyo, pinatunayan na ring maaaring maging senador, kongresista, kalihim ng kagawaran, gobernador, bise – gobernador, alkalde, bise – alkalde, konsehal, punong barangay at marami pang iba.
At nitong Hunyo 30 2016 hanggang kasalukuyan ay pinatunayan na rin ni Maria Leonor Robredo na maaaring maging pangalawang pangulo ang babae.
Kahit nga ang maging bayani at magsulong ng armadong pakikibaka ay pinatunayan na ng kababaihan noon pa mang kontrolado at naghahari ang imperyong Kastila sa ating bansa.
Kaya, mali ang opinyon ni Duterte.
Ang pahayag ni Duterte laban sa ideyang maging pangulo ng Pilipinas ay pagkontra niya sa kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio na tumakbong pangulo sa halalang 2022.
Hindi pa naman nagdedesisyon si Sara hinggil sa usaping ‘yan, ngunit ang opinyon ng kanyang ama ay batay lumabas sa sarbey na nanguna si Sara sa mga iboboto sa eleksyon sa pagkapangulo kung naganap ito sa panahong inilunsad ang nasabing sarbey.
Syempre, ibang usapin kung epektibo, magaling at karapat-dapat na pangulo ang babae.
Naniniwala akong depende ‘yan sa tao.
Ganoon din naman kapag lalaki – depende rin sa tao ang batayan.
Hindi otomatik na magaling, epektibo at karapat-dapat dahil lalaki.
Kasaysayan mismo ang nagpatunay na maraming naging lalaking pangulo ng bansa mula kay Andres Bonifacio hanggang kay Ferdinand E. Marcos hanggang kay Rodrigo Duterte, ngunit marami sa kanila ang hindi magaling, hindi epektibo at hindi karapat – dapat.
Marami sa mga lalaking naging pangulo ang sagad – saring maka-Amerikano.
Marami rin ang inakusahang korap at mandarambong.
Kung susuriin at pag-aaralang mabuti, walang pinag-iba ang lalaki, o babae, ang pangulo ng isang bansa, sapagkat hindi naman “gender” ang batayan sa isyung ito.
Hindi ko alam kung anu-ano ang mga batayan upang maging pangulo ang isang tao.
Naniniwala akong walang “fixed formula” rito.
Ang nakakadismaya sa Pilipinas ay kung sino ang ‘sikat’ sa isa, o higit pang mga angyayari, ay siya nang isinusulong na maging pangulo.
Ngunit, kapag naging pangulo ay saka madidismaya ang mga pumili dahil napakapalpak pala ang piniling maging pangulo.
Napakayaman natin sa ganyang karanasan.
Hindi lang kay Duterte, kundi maging kay Corazon Aquino, Joseph Ejercito Estrada at Benigno Simeon Cojuangco Aquino IIII.
Kaya, huwag nang paloloko sa mga sikat at mabango sa sarbey.
Kung babae ang susunod na magiging pangulo, hindi lang si Duterte Carpio ang maaaring maging kandidato dahil nariyan din sina Senadora Mary Grace Poe at Robredo.
Si Poe ay pangalawa sa sarbey kung saan table sila ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Si Robredo ay malapit sa dulo dahil walong porsiyento lang ang iskor niya sa sarbey.
Napapakalayo kina Duterte – Carpio, Marcos at Poe.