Advertisers

Advertisers

Tinulugang umento ng GOCCs/GFIs

0 1,447

Advertisers

MAHIMBING ang pagkakatulog ng Governance Commission for GOCC and GFI sa umentong hinihingi ng mga korporasyon na talagang hindi na nabiyayaan simula’t sapul ng pumasok ang liderato ni Totoy Kulambo. Halos limang taon ng nakabinbin ang hinihinging umento ng mga manggagawa sa mga nasabing sangay ng pamahalaan.

At sa tagal, halos kinain na ng taas ng presyo ng mga bilihin ang umentong hindi natatanggap ng mga kawani ng GOCCs at GFIs na hindi naman humihingi ng budget sa pamahalaan sa halip ito ang nagbibigay o nagreremit ng kita sa National Treasury. May mga GOCCs at GFIs ang tuwiran ng humihingi ng pagtaas ng sahod sa Malacanang dahil tila mahimbing ang pagkakatulog ng GCG sa isyung ito.

Sa paghingi ng umento, kailangang malapit ka sa pundilyo ni Totoy Kulambo upang makahingi ka ng marginal note upang mahirit ang umento sa sahod na talaga namang napag-iiwanan. Kung wala kang direktang koneksyon kay TK, maaring gamitin ang daan mula kay Bongoloid na super alalay ni TK.



Dito’y makakahingi ka ng ilang minutong pakikipag-usap at maihahain ang mga kahilingin. At saka iaabot ni Bongoloid ang positibong pasya ni TK sa kahilingan. Siyempre may kapalit ito?

Sa kalakarang ito, mukhang hindi nagagampanan ng GCG ang RA 10149 o ang batas na lumikha sa Governance Commission, bilang punong ahensiya na siyang taga-ayos at regulator ng lahat ng korporasyon ng pamahalaan. Dumadaan dito maging ang pagpili ng mga magiging board of directors ng mga GOCCs at GFIs upang malaman kung karapat dapat ito sa posisyong binabanggit. Pero bakit ganito ang nangyayari sa kalakaran ng mga GOCC na kung may tuwirang linya ka sa puno ng balite sa Malacanang eh di na kailangan dumaan sa pagsusuri ng GCG ang mga appointment maging ang mga bagay na hinihingi ng mga korporasyon ng pamahalaan.

Silipin natin ang ilang tungkulin ng GCG na talaga namang binibigyan ng panahon ng mga GOCCs / GFIs. Isa sa pinagtutuunan ng pansin at panahon ng mga korporasyon ay ang Performance Evaluation System o (PES). Dito inililinya ng mga korporasyon ang kanilang nagawa o deliverables alinsunod sa mandato ng ahensya upang mabigyan ng maayos na marka o grado na magreresulta sa magaan na monitoring ng ahensya at kaakibat nito ang bigayan ng dagdag na benepisyo sa lahat ng mga kawani.

Maganda ang layunin nito subalit naging instrumento ito upang gipitin ang ilang mga korporasyon na kapos sa marka dahil sa ilang kadahilanan. At ito’y nagbubunga sa kawalan ng pagtingin sa kagalingan ng mga kawani ng mga ahensya at malamang napag-iinitan at parang pinasusuot sa butas ng karayom sa hirap at dami ng pinagagawa.

Ang isa pang bagay na naipatupad ng GCG ay ang ISO rating ng mga ahensya na naglalagay sa mga ito sa international standard bilang mga korporasyon. Ang mga hakbang na ito’y parang inuulit lang ang ilang mga panuntunan ng CSC bilang regulatory body ng pamahalaan. Lagi naman hinahanapan ng mataas na pamantayan ang lahat ng sangay ng pamahalaan ngunit bakit kailangan pang dumaan at umulit sa ganitong pagsusuri ang isang ahensya dahil ba sa mandato ng GCG?



Sa ibang dako ng kanilang mandato, ang pag-aaral sa mga compensation package ng GOCCs ang siyang duyan na nagpahimbing sa kanilang tulog. Hindi na maalala ng mga kawani ng GOCCs / GFIs kung kailan pa sinimulan ng GCG ang pag-aaral hinggil dito dahil makailang ulit na ang pagtataas ng sahod sa mga kawani ng pamahalaan sa mga ahensya ng National Government maging ang mga LGU.

Subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatapos ang pag-aaral ng GCG hinggil sa compensation package ng mga taga GOCCs. Sa totoo lang, sa pag-aaral na mga ginawa sa mga compensation package ng mga korporasyon, inuna pang tanggalin ang mga essential allowances na dati ng tinatanggap ng mga kawani na lubhang ininda ng mga kawani nito.

Inalis ang mga essential allowances kahit hindi naman ito nagiging findings sa Audit Observation Memo o AOM ng COA sa mga audit na ginagawa nito. Dahil ba gusto ninyong ipakita na kayo ang dapat sundin ng mga ito? O gusto ninyong lumuhod ang mga GOCCs sa harap ninyo upang ibalik o taasan pa?

Ang masakit sa lahat, simula ng maupo si Totoy Kulambo ay hindi pa dumadating ang hinihinging umento sa sahod ng mga GOCCs / GFIs lalo’t walang reseta ng Malacanan. Literal na tinulugan ng GCG sa pangunguna ni Chairman Dagpin ang bagay na kinasasaya ng mga kawani. Mapapansin na ang mga umento para sa kawani’y madalas pinagwawalang bahala, samantalang halos ‘di nababawasan ang mga perks ng mga bossing na talaga namang pulang pula ang mga hasang sa pamumunini.

Hindi pa pinag-uusapan dito ang mga kurakot na hindi rin nakikita ng GCG kahit nasa tungki ng kanilang ilong. Kadaming mga pinagagawa at tambak sa samut-saring trabaho subalit sa kagalingan at kapakinabangan ng mga rank-and-file, napakaramot ng grupo ni Chairman Dagpin.

At ayon sa iskedyul sa pagtaas ng sahod ng mga ahensya ng pamahalaan, ang SSL6 ay nakahanda na namang ibigay sa mga empleyado ng pamahalaan na nasa ilalilm ng Salary Standardization Scheme. Habang nakatunganga at naglalaway ang mga taga GOCCs lalo na yung mga maliliit na ahensya nito.

Sa pakiusap ng mga kawani ng mga GOCCs, lalo na yung malayo sa puno ng balite ng Malacanan, kinakalembang na naman ng Batingaw ang GCG upang gisingin at aksyunan ang hiling ng mga kawani ng GOCCs / GFIs na halos limang taon ng hindi nakakaranas ng umento. Napag-iwanan na ang mga ito maging sa salary scheme ng mga National Agency at mga LGU.

Sa kanilang mga pagdulog sa inyo, huwag na ninyong hayaan dumating ang bagong liderato ng bansa upang maging masaya ang mga kawani na walang natikmang biyaya sa pamahalaan ni Totoy Kulambo. Patikimin at pangitiin naman ninyo kahit konti ang mga kawaning matagal ng pinagkaitan ninyo ng biyaya na kanila ring pinagpapaguran. Kaya, muling kinakalembang ang Batingaw upang gisingin kayo Chairman Dagpin at ang GCG na bigyan pansin ang mga kahilingan ng inyong nasasakupan at hindi na kailangan paabutin sa Palasyo ng Malacanang.

Maraming Salamat po!!!

***

dantz_zamora@yahoo.com