Advertisers
Nailigtas ang nasa 16 menor de edad sa Bulacan na ginagamit sa kalaswaan sa Internet.
Naaresto rin ang ilang suspek na napag-alamang mga magulang pa mismo ng mga biktima.
Natunton ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police Women’s and Children’s Protection Center at Baliwag PNP ang mga menor de edad sa isang tagong lugar sa Tarcan, Makinabang Baliwag, Bulacan.
Kinumpirma rin sa mga pulis ng lima sa mga biktima ang online sexual exploitation na pinagagawa sa kanila.
Katuwang ang United Kingdom National Crime Agency, dinampot ng pulis ang dalawang babae na napag-alamang magulang ng ilan sa mga bata.
Napag-alaman din na sa halagang P2,000 hanggang P3,000 iniaalok sa ilang parokyano sa UK ang hubad na video at larawan ng mga bata.
“Ni-refer ng UK National Crime Agency na mayroong facilitator sa Pilipinas na nagpapakalat ng nga mahahalay na larawan ng mga bata at videos. So trinabaho ng online undercover agent natin at natunton kung saan sila nakatira,” ani Col. Shiela Portento ng PNP-Women and Children’s Protection Center.
Ayon sa pulisya, nasa 20 menor de edad at mga babae ang kanilang nasagip sa sunod-sunod na operasyon mula Enero 14 hanggang 19 sa Baliwag, Bulacan, Cabuyao at Biñan sa Laguna, Cebu City, at Misamis Oriental.
Mula naman Marso 2019 hanggang Disyembre 2020, aabot na sa 294 ang nasagip na mga bata at 74 naman ang naaresto.
Nadala na sa shelter ang mga nasagip para isailalim sa psychosocial intervention. (James de Jesus)