Advertisers
TAPANG at malasakit.
Masasabing ang mga salitang ito ang nagluklok sa puwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 2016.
Nang maging Presidente ang dating alkalde ng Davao City, bitbit niya ang pangakong pang-matagalang pagbabago sa gobyerno.
Layunin nitong solusyunan at labanan ang mga problema ng Pilipinas.
Tinututukan ng administrasyong Duterte ang mga isyu ng katiwalian, kriminalidad. usapang pangkapayaan, ekonomiya, usaping pang-kalikasan, terorismo at seguridad,
Siyempre, mahalaga rin sa pamahalaan ang relasyong panlabas ng bansa, repormang pulitikal, imprastraktura at iba pa.
Malapit sa sikmura ng mga ordinaryong Pilipino ang mga nasabing isyu.
Hindi maitatatwang epektibo naman ang kampanya kontra katiwalian at droga ng Pangulo na nagresulta sa pagbaba ng crime rate at pagtaas ng bilang ng nakakasuhan na mga taong gobyerno.
Marami na ring nasibak na hinihinalang sangkot na korapsiyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ngunit namumutiktik pa rin daw sa ilang government offices ang mga tiwali.
Sinasabing nariyan pa rin ang mga fixers na nag-aabang ng mga kliyente sa ilang sangay ng Land Transportation Office (LTO).
Katunayan, maging si Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ay inalok ng serbisyo ng mga limatik sa LTO-Marikina.
Ayon kay Teodoro, nangako ng mas mabilis na proseso ng LTO registration at driver’s license ang ilang fixers na lumapit sa kanyang sasakyan nang mapadaan sila rito.
Gayunman, nang hanapan niya ng identification cards o ID ang mga hindi pinangalanang suspek ay walang maipakita ang mga ito.
Kaya swak sa malalamig na karsel na bakal ang apat na lalaki.
Hinala ni Teodoro, may mga kasabwat pa sa loob ng LTO ang mga suspek na ngayo’y nahaharap sa reklamong paglabag sa Anti-Red Tape Act.
Dagdag pa ni Teodoro, hindi raw maglalakas-loob na gumawa ng kalokohan ang mga fixers kung wala silang sinasandalan sa ahensya.
Tama nga naman si Mayor Marcy.
At isa pa, ayaw na ayaw pa naman ni Pangulong Duterte ng ganyan.
Kaya para hindi mapaghinalaan ang mga opisyal ng LTO-Marikina, aba’y dapat silang magtalaga ng mga tauhan sa labas ng kanilang tanggapan na aaresto sa mga ito.
Dapat ding managot sa ilalim ng batas ang mga nakikipagsabwatan sa mga linta sa naturang tanggapan.