Advertisers
SINISI ng mga residente ang talamak na black sand mining na isa sa mga dahilan na dinaranas na “worst flood” o pinakamasamang baha sa Cagayan sa pananalasa noon ng bagyong Ulysses.
Ayon naman sa grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) bukod sa black sand mining, talamak din ang illegal at legal logging sa lalawigan kaya hindi na nakapagtataka ang nararanasang epekto nito.
Wala umanong dapat sisihin sa paglubog ng Cagayan kundi ang Provincial Government, LGU at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagbigay ng permiso sa “dredging operation” na may pag-aproba din mula sa lokal na pamahalaan kapalit umano ng malaking kita.
Sinabi ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP President Danilo Ramos, matagal nang ipinanawagan ng mga mangingisda ang ‘dredging’ sa Cagayan River ngunit hindi ito binibigyang pansin.
Hiniling ng grupo kasabay ng gagawing dredging ay magkaroon ng batas para sa tuluyang pagbabawal ng black sand mining gayon din ang logging.
Ang black sand mining ay itinuturing na legal kapag naisyuhan ng permit dahil wala pang batas na ipinagbabawal ito.
Tanging ang limitasyon sa Mining Act na hindi dapat gawin ang dredging sa reservoirs at protective areas.
Dahil sa epekto nito sa kalikasan, naghigpit ang Mines and Geosciences Bureau sa pag-iisyu ng permit simula pa noong 2014 na nagresulta sa ilegal na black sand mining.
Inamin din noon ni Ramos, bagamat naghigpit sa black sand mining ay marami pa rin silang nakikitang Chinese vessels na nagsasagawa nito at ikinukubli ang ilegal na operasyon sa dredging.
Ibinunyag nito na mismong mga kawani ng LGUs ang kanilang nakikitang nagbabantay sa Chinese vessels.
Sinasabing nasa $50 milyon o P2.6 bilyon kada buwan ang kinikita ng mga contractor sa Black sand mining sa Cagayan.
Ang black sand ay ginagamit na stabilizer sa concrete at steel products gayondin sa mga alahas at cosmetics manufacturing.
Isa ang Hong Kong sa bansang may malaking pangangailangan sa black sand.
Bagamat malaki ang kita sa black sand ay malaki naman ang epekto nito sa kalikasan pangunahin sa pagkawala ng fishery resources, erosion ng lupa, at pagbaha, kaya sa inihaing Senate Bill 1075 ni Senator Leila de Lima, hinihiling niya ang total ban sa black sand mining.
Una nang ibinabala ni De Lima na ang Cagayan ay maaaring malubog sa baha sa loob ng 30 hanggang 70 taon bilang epekto ng black sand mining kung hindi ito tuluyang ititigil.
Sa mga nakalipas na taon ay nakapagsagawa na ang Kamara at Senado ng imbestigasyon ukol sa Black Sand Mining sa Cagayan ngunit wala naman naparusahan.
Apela ni Ramos sa liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco, isama sa kanilang ginagawang House Inquiry ang dahilan ng ‘massive flooding’ o malaking baha na naranasan noong bagyong Ulysses, ang usapin ng illegal logging, illegal mining at black sand mining.
Giit ng KMP, kung hindi isasama ang illegal na black sand mining at logging sa imbestigasyon ng Kamara, mababalewala lamang at lalabas na moro-moro ang house inquiry dahil hindi mareresolba ang ugat ng problema sa Cagayan.
Subaybayan natin!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa balyador69@gmail.com.
Samantala, laging subaybayan ang palatuntunang “walang personalan trabaho lang” mula lunes hanggang linggo 11:00am-12:00nn sa RADYO NG MASA entertainment net radio. Tuwing sabado at linggo 12:00nn-12:30pm sa DWBL 1242 kHz am band at 10:00am-11:00am sa DWXR 101.7FM – Mapapanood livestreaming via Facebook at Youtube!