Advertisers
SA TWEET ng dating National Task Force on Covid-19 special adviser Dr. Tony Leachon, lumalabas na ang gobyernong Pilipinas ang pinaka-worst sa pag-handle laban sa Coronavirus disease 2019:
1. We have the longest lockdown
2. We have a surge right now averaging 1,800 to 2,000 cases/day (RO: 1.10)
3. We have high case fatality rate
4. We have a new UK strain
5. We have a delayed vaccination program
Reaksiyon ito ni Dr. Leachon sa akusasyon sa kanya ni Presidential Legal Adviser Salvador Panelo sa “pagmanipula” sa vaccination program ng gobyerno.
Kaugnay parin ito sa paggiit ng gobyerno sa bakunang Sinovac ng China na sinasabing ubod ng mahal at napakababa ng efficacy rate.
Si Dr. Leachon ay nagbitiw bilang special adviser ng NTF dahil hindi niya nagustuhan ang mga ginagawa ng ilang kasamahan sa task force.
Kilala si Dr. Leachon na maprinsipyong dalubhasa sa larangan ng medisina.
Kaya sang-ayon tayo sa mga tiradang ito ni Dr. Leachon. He’s very very right! Napaka-competent talaga ng gobyernong ito sa paglaban sa Covid-19. Kita nyo naman halos patapos na sa mass vaccinations ang ating mga karatig bansa, pero tayo hindi pa nakakabili, baka sa Marso pa matuturukan ang mga kababayan nating delikado sa virus. Ewan!
***
“Sorry”, ang tanging nasabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nang umalma ang mga buhay na buhay pang dating lider estudyante at abogadong mula UP na napasama sa listahan ng AFP na mga “nahuli at napatay” kuno sa engkuentro ng militar at rebelding NPA.
Kabilang sa mga sinasabing nahuli at napatay sa bakbakan ay sina Atty. Alex Padilla, dating PhilHealth President; Atty. Raffy Aquino, isa sa mga abogadong bumubuo sa Free Legal Assistance Group (FLAG); Atty. Roan Libarios, dating Integrated Bar of the PHilippines (IBP) President; mamamahayag na si Roel Landingin, manunulat na si Liza Magtoto, Institute for Social Entrepreneurship in Asia president Marie Lisa Dacanay at marami.
Mantakin mo kung magkaroon ng salo-salo ang mga magkakaklase na ito at nagkaroon ng military operation at nasawi ang mga ito, ‘di goodbye nalang. Malamang wala nang mangyayaring imbestigasyin dahil nasa listahan sila ng AFP na mga NPA. Tsk tsk tsk…
Palusot ni Lorenzana, hindi niya alam kung paano ginawa ang naturang listahan ng AFP sa mga NPA. Ngek!
Hindi ba ang ganito kasinsitibong listahan ay dumadaan sa masusing validation? Sino-sino ba ang mga gumagawa nito? Ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA), sino pa? Ang intel units na ito ay may daan daang milyong pisong pondo para sa paniniktik. Ang Office of the President at mayroon ding bilyon bilyong intel fund para sa paniniktik kuno sa mga kalaban ng pamahalaan tulad ng NPA, pero bakit andami paring sablay sa kanilang intelligence works?
Sa pagkakabuking sa depektibong “NPA list” na ito ng AFP, hindi natin maiwasan magduda na ang mga napa-patay na NPA kuno ay baka hindi naman talaga rebelde?
Parang narco list lang na karamihang nasa listahan ay mga kalaban pala sa politika! Mismo!