Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
SIGURADONG magdiriwang ang mga kapatid sa print, TV at radyo ‘pag tuluyan nang naisabatas ang Media Workers Welfare Bill na inakda ni ACT-CIS Partylist Representative Rowena ‘Nina’ Taduran.
Hinihintay na lang daw ni Congw. Taduran na makalusot na ito sa Senado matapos itong makapasa sa third and final reading sa Kongreso.
Sa panayam ay sinabi ng dating broadcast journalist na naging politician na nangako anya si Senate President Tito Sotto sa kanya na ia-adapt ng upper chamber ang nasabing bill na ipinasa ng kongreso para mapabilis ang pagsasabatas ng historical bill para sa media workers.
Pahayag pa ni Congw. Taduran na kaya raw niya ginawa ang nabanggit na bill ay para makatulong sa mga taga-media na hindi nakatatanggap ng tamang bayad o pasahod sa kanilang trabaho.
Gayundin, hindi umano nare-regular ang mga ito kahit lampas na ng anim na buwan sa posisyon na itinakda ng Department of Labor (DOLE) na dapat na silang gawing permanente sa kumpanyang pinaglilingkuran.
Naranasan din umano ng kongresista na maging ‘talent forever’ sa pinasukang radio station na hindi man lang na-regular o nabigyan ng benepisyo samantalang ilang taon ding nagtrabaho doon.
“Tama na ang panahong walang kasiguruhan ang isang taga-media sa kanyang trabaho. Hindi na rin pwedeng abusuhin ang kanyang kakayahan at karapatan. Hindi na rin siya pwedeng takutin na tatanggalin kahit anong oras,” diin ni Rep. Nina.
Kaya nga raw ‘pag naging ganap na batas na ang Media Workers Welfare Bill ay dapat nang tumanggap ng regular salary, security of tenure at mga benepisyo gaya ng SSS, Philhealth, Pag-Ibig ang media practitioners.
Tiyak na ngayon pa lang ay marami nang kasamahan sa media ang umaasa at nag-aabang na
maipasa na ito ng Senado para mapirmahan na ni Pangulong Duterte at maging batas na.
Mabuhay po kayo at maraming salamat, Congresswoman Nina Taduran!