Advertisers

Advertisers

Manhid

0 846

Advertisers

PATULOY ang paghihikahos sa buhay ni Mang Juan Pasan Krus simula ng maka-upo sa poder ang walang ka kuwenta-kuwentang pamahalaan ni Totoy Kulambo. Hindi malaman ni Mang Juan at maybahay kung paano palalagpasin ang isang araw na ubod ng bigat sa balikat at sa puso lalo na pag nakikita ang mga anak at apong walang maisubo dahil sa kawalan ng hanapbuhay at abot langit na presyo ng mga bilihin.

Ang ilang anak na dating naghahanapbuhay, ngayo’y nakikitira na rin sa amang si Juan dahil nawalan ng trabaho dala ng nagsarang pabrika na pinapasukan. Ang maitawid ang isang maghapon na nakakakain ay isa ng kaginhawahan sa nagdurusang kalagayan. Pangkaraniwan ang ganitong tanawin o kaganapan sa bahay ni Juan na nagsisiksikan ang ilang pamilya upang mabuhay.

Walang hanapbuhay, walang makain, walang malapitan, maging ang mga kamag-anak ay isang kahig isang tuka. Pagdurusa at pighati lamang ang meron sila. Ang tanong alam ba ito ng pamahalaan ni Totoy Kulambo o sadyang pabigat ang tingin nito kay Mang Juan? O sadyang manhid ito upang malaman o alamin ang kalagayan sa buhay ni Mang Juan, dahil ang liderato ngayon ng pamahalaan, una ang sarili bago ang bayan.



Sa takbo ngayon ng kabuhayan ng bayan na walang direksyon tila tumutulay ito sa balag na walang patutunguhan at ang tanging ambag sa bayan ay ang kahambugan at pangakong walang laman o katotohanan. Hindi na malaman ni Mang Juan kung saan tutungo. Nariyan na naglalakad at nagbibilang ng poste na walang ilaw, nagmamaliw ang isip sa katinuan dahil sa kahungkagan ng tiyan.

Batid ba ito ng nananahan sa Malacanang na walang kapara kung magpakita ng kaplastikan? Kumakain kuno sa karinderia, suot ang simpleng pananamit, pero ano ka pagkatapos kumain uuwi na sa kanila kahit dis-oras ng gabi sakay ng biniling eroplano mula sa buwis ni Mang Juan dahil tapos na ang isang araw ng drama.

Lubhang nakakasuka ang ganitong asta lalo’t patuloy ang nararanasang kahirapan ng mamamayan. Ang masakit habang nalulubog sa utang ang bayan, mas mahaba pa ang tulog kontra trabaho.

Ang totoo, walang ibang kilos ang pamahalaang ito kundi manikil ng mga hindi sumasangayon, bulyawan ang nagtatanong , kutyain ang mga kritiko at murahin kung sino ang pumasok sa isip nito. Sa walang direksyong pamamahala, ang paglubog ng bansa sa katakot-takot na utang at pag-alis ng mga mamumuhunan sa bansa’y pangkaraniwang tanawin na lamang.

Walang positibong hakbang na ginagawa upang hindi masundan pa ng maraming paglipad ng puhunan. Hindi pinag-uusapan ang epekto nito sa mga obrerong mawawalan ng trabaho at sasama nalang sa istatistika ng mga nawalan ng trabaho.



Narito na ang ikalawang bugso ng pandemya na mas mabalasik sa una ayon sa mga eksperto. Ang tugon ng pamahalaan ni Totoy Kulambo, buksan ang ekonomiya kahit batid nito ang maaring mangyari. Sa kawalan ng pondo ng pamahalaan, sumusugal ito na buksan ang merkado upang gumalaw ang nang hihinang kabuhayan. Dahil dito patuloy na dumarami ang mga inaabot ng pandemya subalit mukhang tulad ng dati, mukhang wala ng balak bigyan pansin ito at sikilin ang impormasyon upang hindi matakot si Mang Juan.

Ito’y isang lihim na ginagawa ng pamahalaan na huwag ilabas ang datos ng mga bilang ng mga nagkakaroon ng sakit sa pandemya. Subalit sa katotohanan, hindi magkamayaw ang maraming pagamutan lalo na sa matataong lugar dahil sa tama ng bagong variant ng pandemya. Lula na naman ang mga healthcare workers natin sa dami ng mga dinadala sa kani-kanilang hospital na siya naman ang tangi nito dahil sa puno na ang mga kama na paglalagakan sa mga ito. At dahil ang layon sa ngayon ay ang pagbuhay sa naghihikahos na ekonomiya, kailangan ipadaan sa DOH o IATF ang mga datos hingil sa dami ng pandemya upang masala ito sa nais nilang balita na ilalabas.

Sa pamahalaan, nariyan na ang pangalawang yugto ng pandemya. Huwag ipagwalang bahala ito at tabunan o pikitan ang katotohanan na sadyang mas mapanganib ito kumpara sa unang salya ng pandemya. Ilabas at gamitin ang mga perang inutang sa kapakanan ng bayan upang bumangon ang bayan nating magiliw. Bigyan pansin ang lahat ng aspeto ng kabuhayan dahil talaga namang wala ng malapitan si Mang Juan.

Ang pagbubukas ng ekonomiya’y hindi masama subalit kailangan lakipan ito ng mga hakbangin na hindi magpapalubha ng kalagayang pangkalusugan. At kung hindi abot ng inyong kakayanan ang magpalakad ng sambayanan, ibigay sa dapat pag-abutan. Huwag na isipin ang sarili at ang mga kakampi dahil ang buong bayan ang inyong isasalba sa gagawin ninyong sakripisyo. Ang mga galaw ninyong panglipat atensyon mula sa malaking usaping bayan tungo sa usaping pansarili, maari bang tigilan. Huwag maging manhid sa kahirapan ni Mang Juan.

Kay Totoy Kulambo at mga gabinete nito, kinakalembang muli ang Batingaw upang gisingin kayo na ayusin ang inyong pamamahala. Nariyan na ang ikalawang yugto ng pandemya, nariyan ang pagsasara ng iba’t –ibang negosyo, nariyan ang walang habas na kalamidad, at nariyan ang pagtaas ng presyo ng lahat ng uri ng bayarin at bilihin. Harapin ninyo ito ng may direksyon upang mabawasan ang kahirapan na aming nararanasan.

Kung may oras kayo na repasuhin ang kasunduang UP-DND baka pwede ring magbalangkas ng gagawin sa mga binanggit sa itaas. Huwag unahin ang pansariling kabutihan dahil apat na taon ng nagdudusa ang bayan at ang kaban ninyo’y puno na hangang ka apo-apuhan. Huwag ng maging manhid sa kalagayan ng bayan.

Maraming Salamat po!!!

***

dantz_zamora@yahoo.com