Advertisers
NAKAPANGHIHINAYANG para sa toreng si Kai Sotto ang isang mabigat na desisyon ng kinauukulan sa pagkakansela ng hosting ng Pilipinas para sa 3rd Window ng FIBA Asia Qualifiers na nakatakda sana sa sunod na buwan ng Pebrero sa Clark, Pampanga.
Ang 7’3″ behemoth na Pilipinong nagsasanay sa Estados Unidos sa koponang Ignite sa NBA G- League ay nakatakda nang umuwi sa bansa upang maging miyembro ng Gilas Pilipinas na host team ng naturang qualifying window .
Isa sa pangarap ng dating Ateneo HS star na si Sotto ang makapaglaro para sa bansa at isang ginintuang pagkakataon na sana ang kanyang stint na kaloob ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Pero dahil sa muling paghihigpit ng health protocol ng IATF dahil sa bagong variant ng Covid ay napilitan ang host officials na di na lang ituloy ang inaabangang qualifiers para sa FIBA Asia Cup 2023.
Napakalaking oportunidad ito para kay Sotto pero sa kagilagilalas na pagkakataon ay naudlot ito ng pandemya at maghihintay na lang muli ng tamang tiyempo upang makapagsuot na si Sotto ng tri- colors ng Gilas Pilipinas.
Gayunpaman, sinabi naman na SBP head Al Panlilio na mabuti rin kung matuloy ang uwi ni Sotto upang makasama ang teammate niya sa national team na nasa bubble training sa Inspire Gym sa Calamba, Laguna upang mahiyang ito sa sistema ng Gilas Pilipinas.
Nagpahayag naman ang bansang Qatar na handa itong maghost ng nakanselang qualifiers. Kailangan lang manalo ng isang beses ang Pilipinas upang mag- qualify kung saan 2 beses na makakalaban ang South Korea at isang beses ang Indonesia.(Danny Simon)