Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
KAKAIBA talaga ang 22-anyos na aspiring actor-singer na si Fredrick Atienza dahil sa kanyang edad ay inamin niyang si Nora Aunor ang paborito niyang artista.
Sa isang panayam ay pinagmamalaki ng binatang tubong Malolos, Bulacan, na maliit pa lang umano siya ay namulat na siya sa mga pelikula at awitin ng Superstar dahil certified Noranian daw ang kanyang ina.
Paborito raw ni Fredrick ang mga pelikulang Himala at Minsan Isang Gamo-gamo ni Ate Guy habang natutunan niyang kantahin ang Habang Panahon ng singer-actress.
Super happy rin ang bagitong aktor nang makaharap nang personal ang award-winning actress. Napakabait daw nito at nagsabi pa na tutulungan siya sa pangarap niyang maging ganap na aktor at singer.
Sa kasalukuyan ay nag-aaral pa si Fredrick pero dahil online classes naman daw kaya pwede niyang isabay ito sa showbiz.
Tsika pa ng binata, may karanasan naman daw siya bilang theator actor at nagagamit niya ang hilig niya sa pag-arte rito.
Dahil sa gusto talagang mag-artista, sinubukan din daw ni Fredrick na sumali sa ilang kompetisyon sa TV gaya ng Idol Philippines at StarStruck pero hindi pinalad na manalo.
Gayunman, nagsilbing challenge umano ito para mas magsikap pa si Fredrick na maabot ang kanyang pangarap sa inspirasyon na rin na ibinibigay ng kanyang pamilya at mga kaibigan.
Hiling din ni Fredrick na makasama sa isang proyekto ang nag-iisang Superstar at mabigyan ng pagkakataon na makilala sa industriya. Goodluck Fredrick!