Advertisers

Advertisers

Trillanes sa 2022

0 1,907

Advertisers

ODIONGAN, ROMBLON – KUNG atubili ang puwersang demokratiko, o oposisyon, harapin ang mapagsamantalang pangkat ng Davao City sa 2022, nakahanda si Sonny Trillanes. Wala siyang salapi na ilalaban sa mga taga-Davao City ngunit haharapin niya sila. Handa siyang manguna sa puwersang demokratiko. Komitment niya ito sa demokrasya ng bansa.

Alam ni Sonny Trilllanes na unti-unting nalulusaw ang puwersang nagdala kay Rodrigo Duterte sa tagumpay noong 2016. May mga sariling kandidato sila sa 2022. Hindi ang kandidato ni Rodrigo Duterte. Hindi alinman kay Sara Duterte o Bong Go ang mananalo Alam niya na walang kapana-panalo ang alinman sa kanila.

Ganyan katindi ang pagnanasang pulitikal ni Sonny Trillanes na labanan ang Grupong Davao City sa halalan. Maraming paraan para magapi ang pangkat ng kakampi ng China sa labanan, aniya. Hindi salapi lamang at ang pagkiling ng Commission on Elections sa kanila. Ihayag sa publiko na tao sila ng China sa Filipinas. Mga taksil sila sa bayan mga bagong Makapili.
*
HINDI bago si Antonio Trillanes IV sa larangan ng pulitika. Naging senador ng dalawang termino, o 12 taon sa kabuuan (2007-2019). Propesor ngayon sa University of the Philippines at Ateneo University. Batang Manilenyo dahil isinilang at lumaki sa Caloocan City; 50 anyos sa ika-6 ng Agosto. Tipikal na panggitnang uri (middle class) ang naging buhay.



Habang senador, nag-aral ng dalawang kurso sa Harvard University sa Estados Unidos noong 2014 at 2015. Tinapos ang kanyang master of public administration noong 2014 sa University of the Philippines. Nagtapos sa Philippine Military Academy noong 1995. Napabilang sa pag-aalsa sa Oakwood Mutiny at nakulong ng pito at kalahating taon kasama ang mga sundalo at ibang opisyales na lumahok sa pag-aaklas.

Lingid sa kaalaman ng marami, may mahigit limang taon na karanasan si Sonny Trillanes bilang kasapi ng Philippine Navy. Kasama sa hukbong nanghuli sa mga dayuhan na ilegal na pumasok sa teritoryo ng bansa at nangisda. Kasama siya sa mga nanghuli ng mga dayuhan kasangkot sa smuggling, at ilegal human trafficking.

Lumaya noong huling bahagi ng 2010 at naging isa sa mga mapunyagi at masipag na senador. Pangunahing may-akda o kasamang may-akda ng mga batas na pinakikinabangan ngayon ng maraming mamamayan. Iniakda niya ang AFP Modernization Law, Archipelagic Baselines Law, at ang Increase in Subsistence Allowance for Soldiers and Policemen.

Siya ang may-akda ng Salary Standardization Law 3, Immediate Release of Retirement Benefits of Government Employees, at Magna Carta of the Poor na kinilala ang mga karapatan ng mga mahihirap na magkaroon ng puwang sa lipunan. Iniakda niya ang Institutionalized Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) , Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education Act, Magna Carta for Persons with Disability, Anti-Bullying Act, at Gun Control Act.
*
Mahigit dalawang taon sa kulungan si Sonny Trillanes ng magdesisyon na tumakbo na senador sa halalan ng 2007. Pinigilan sa kanyang balak si Sonny Trillanes ng mga kamag-anak, kaibigan, kapanalig at kakilalang malalapit. Wala kasi siyang pera at walang lapian na pulitikal. Nagpilit at nanalo kahit hindi nangampanya dahil nakakulong. Ginamit ang social media na nag-uumpisa maging tatak ng lipunan. Friendster at hindi Facebook pa noon ngunit epektibo, aniya. Katulong niya ang network ng mga sundalo at kanilang pamilya sa unang bulusok niya sa pulitika.

Kumuha siya ng mahigit 11 milyon na boto at tinalo ang mga pulitiko tulad nina Ralph Recto, Mike Defensor, Tito Sotto, at Prospero Pichay. Muling nahalal noong 2013 at ibinoto ng mahigit 14 milyon si Sonny Trillanes; tinalo ang beterano na sina Migs Zubiri, Dick Gordon, at Jun Magsaysay. Tumakbo bilang pangalawang pangulo noong 2016 at bagaman natalo, tumingkad sa alala ng mga mamamayan ang posibilidad na tatakbo siya sa pampanguluhan.



***

MAY ilang tagpo sa Senado na kinakitaan ng gilas at tapang si Sonny Trillanes. Nang minsan batikusin siya ni Joker Arroyo dahil sa gastos ng kanyang opisina, ipinamukha ni Sonny Trillanes sa kanya na hindi siya nagpagamit at nag-abugado kay GMA. Tumigil si Joker.

Minsan hinarap niya si Angelo Reyes sa isang public hearing sa Senado. Naging mainit ang palitan ng mga pangungusap sa harap ng madla. Ilang linggo ang nakalipas, nagpakamatay si Angelo Reyes sa harap ng puntod ng kanyang ina at isinisi sa kanya. Nagkibit-balikat lamang si Sonny Trillanes sa mga akusasyon.

DALAWA sana sila ni Leila de Lima na tatayo sa pang-aabuso ni Duterte sa poder, ngunit ikinulong si Leila batay sa mga gawa-gawang pahayag ng ilang mga panginoon sa droga. Naisip at tinanggap ni Sonny Trillanes ang hamon na isa na lamang siya na tatayo laban kay Duterte bagaman nandoon sina Risa Hontiveros, Franklin Drilon, Kiko Pangilinan, at Bam Aquino.

Tahasan niyang hinamon si Rodrigo na ilabas ang kanyang statement of asset and liablities (SALNs) at magbigay ng waiver upang malaman ang galaw ng salapi sa kanyang mga bank account. Hindi magawa ni Rodrigo sapagkat alam niya na magigisa siya sa sariling mantika.

Minsan naging maselan na tagpo sa Senado ang pagharap ni Paolo Duterte, anak ni Rodrigo, noong 2018. Sa isang public hearing, hiningi ni Trillanes na hubarin ni Paolo ang kanyang damit at ipakita ang kanyang tattoo. Lubhang ikinagulat ito ni Paolo sapagkat sa hinala ni Sonny Trillanes, nandoon sa kanyang tattoo sa likod ang mga marka o code na kasapi siya sa Chinese Triad. Tumanggi si Paolo sapagkat magpapatunay ito na siya ang Andres Escobar ng Filipinas.

Binalak ni Duterte na ikulong si Sonny Trillanes; hindi isa o dalawang beses ngunit pawang nabigo. Palagi siyang nauutakan ng batang Manilenyo sa laro. Nagsabwatan sila ni Solicitor General Jose Calida. Iwinala ang amnesty paper (o ninakaw?) at ipinalabas na wala na siyang amnestiya upang makulong. Ngunit napaghandaan siya ni Sonny Trillanes sapagkat may mga tao si Calida na hindi sa kanya at sinasabi sa kampo ni Trillanes ang mga balak niya.

***

SALAT ni Sonny Trillanes ang takbo ng kasaysayan kaya alam niya na may laban kung lalaban siya sa panguluhan sa 2022. Tapos na populismo, o ang kilusan ng mga lumuwag ang turnilyo. Natalo si Donald Trump sa Estados Unidos. Salat niya na mahihirapan ang ibang lider na populista at naniniwala sa awtorianismo para magpatuloy sa poder. Alam niya na kaya niyang labanan ang kandidato ng Davao City.

Plano nya na bumalik lamang sa Senado sapagkat nasa kasibulan pa siya ngunit napipilitan siya mag-iba ng plano dahil bantulot si Bise Presidente Leni Robredo na pangunahan ang puwersang demokratiko sa 2022. Gusto niyang maging gobernadora ng Camarines Sur. Handa lamang siyang ihagis ang kanyang sombrero sa panguluhan kung papayag ang puwersang demokratiko. Saka sa puwersa ang Liberal Party, Akbayan, Magdalo, at ilang maliit na lapian.

Puwede kaya si Sonny Trillanes? Isa kami sa naniniwala na puwedeng puwede sapagkat marunong siyang makihamok sa pulitika. Pagpalain ka nawa.

***

Email:bootsfra@yahoo.com