Advertisers
HIRAP ang sinuman alagad ng sining kung paano ilalarawan ang pagkatao ni Totoy Kulambo partikular sa uri ng pamamahala. Walang pinisil na magamit dahil talagang hindi maiisip kung paano ilalarawan ang mga bagay na naglagay sa bansa sa kumunoy ng kahirapan. Ibang-iba sa pagkakalarawan ng mundo sa kalagayang pambansa noong nakaraang administrasyon kung saan nariyan ang lahat ng mahuhusay na rating ng ibat-ibang grupo, internasyonal man o lokal na nagsasabi na ang bansang Pilipinas ang emerging Tiger ng Asya.
Talagang maipagmamalaki dahil halos sa lahat ng aspeto ng pagkabansa masasabing mataas ang rating na ibinibigay o nakamit, na siyang kabaligtaran ng kasalukuyang pamahalaan. Tila pangit na paghambingin ang dalawang pamahalaan sa magkaibang panahon subalit hindi maalis sapagkat lubhang napakalayo ng pagkakatulad at pagkakaiba lalo’t sa antas at sa uri ng pamamahala. Dama at kita ng bawat Filipino maging ng ibang lahi ang malaking inunlad ng bansa ng pangunahan ito ng lider na may malawak na pananaw at naglakip ng mga tamang hakbangin upang isulong ang kaunlarang pambansa.
Masasabi na matatamo ang tuloy-tuloy na kaunlaran sundan lamang ang tuwid na daan na kita ang bakas na nilakaran. Subalit parang tabularasa ang nais ng pumalit na pamahalaan na ibig magsimula sa sariling gawa na wala namang balangkas na gagamitin para sa pagsulong ng kaunlaran. O’ di nito ibig makita ang bakas ng tuwid na daan ng sinundang pamahalaan.
Walang karanasan sa pambansang pamamahala si Totoy Kulambo at nais nitong sundan ang formula na ginawa nito sa siyudad na hindi ganun kataas sa pag-unlad. Ang pamamahalang kinatatakutan ang nais nitong pamamalakad sa buong bansa. Walang magsasalita, walang tututo,l at ang nais lang niya ang dapat masunod. At kung hindi, malalagay ang buhay sa peligro o kaso ang aabutin ng sinong tutol dito.
Ang ganitong uri ng pamamahala’y karaniwang nauuwi sa kasawian na ang pumapasan ang taong bayan. At sa loob ng halos limang taon ng pag-iral ng ganitong uri ng pamamahala sa bansa umani tayo ng katakot-takot na kalamidad na nagpabagal sa pag-unlad ng bansa. Hindi lang iyon, maraming pamilya ang naulila at lumuha dahil sa patayang ‘di makatarungan.
Nariyan ang kawalan ng hanap-buhay, korapsyon, kawalan ng direksyon sa pamamahala at pinaka masakit ang paglobo ng pambansang pagkakautang. Sa mga kaganapang binangit ‘di mapagkakaila na naghirap ng husto si Mang Juan, kasama ang pagliit ng teritoryo nitong sanhi ng pagkakanulo nito sa mga Tsekwang umaangkin dito. Hindi na makapangisda ang mga mamalakaya na itinataboy na palayo sa sarili nitong teritoryo.
Umabot sa halos limang taon bago napagtanto ni Mang Juan na ang binitawang pangako ni Totoy Kulambo’y isa lamang dibuho na walang makapaglarawan kung anong uri ng obra. Hindi mawatas ni Mang Juan kung bakit maraming Filipino ang naniwala sa mga walang laman na pangako. O baka hindi obra kundi isang black magic na sumira sa matinong pag-iisip ng mga Filipino. At ang bunga, kabiguan sa buhay na pasanin sa mahabang panahon, at malamang na ito’y mamanahin pa ng salinlahi.
Sa kasalukuyang kaganapan, muling kumukumpas ng kasinungalingan si Totoy Kulambo upang muling aliwin ang mga Filipino sa mga binibitawang salita. Nariyan na naman ang laban sa korapsyon, droga, pagtingin sa mga mahihirap nating kababayan, muling magbibitiw sa pwesto, walang term extension, itataya ang panguluhan at kung anu-ano pa upang pulsuhan si Mang Juan kung kakagat sa mga ganitong retorika. Habang inuusal ang mga ito, mapapansin na ang kabila nito’y taliwas ang kilos at ang kanyang mga alipores ay patuloy sa mga gawain na nagdudulot ng sakit sa bayan.
Silipin natin ang magkasalungat na kilos at galaw ng kampo ni Totoy Kulambo; una, binabangit ni Totoy Kulambo na hindi pambabae ang panguluhan at hindi niya hihikayatin si Inday Sapak na tumakbo sa pwesto ng pagkapangulo. Pero heto ka, kagyat nag labas ang False Asia ng survey na kung saan mataas ang vote preference nito kumpara sa mga ibang posibleng tumakbo sa pagkapangulo.
At sinundan ng pahayag mula kay Inday Sapak na kung ito ang tadhana, walang magagawa kundi sundin. Wow naman tila abot hangang tenga ang mga ngisi ng tolonges ng Davao. Pangalawa, hindi maubusan ng gasolina si Bongoloid sa pag-ikot sa bansa sa ngalan daw ng pagtulong, wow na naman. Pangatlo, nariyan ang pinalulutang na Duterte-Duterte sa ’22. At pansamantalang pang huli, ang Cha-Cha na sinusulong sa Kongreso.
Ngunit lahat ng ito’y panaginip lang ni Totoy Kulambo at mauuwi lang sa bangungot dahil kabaligtaran ang nagiging kaganapan. At sa totoo lang, ang bukol ni Mang Juan mula sa pagkaka-umpog ang mag mumulat dito na tama na at palitan na ang walang direksyong pamahalaan. Hindi na maipinta ang mukha nito sa hirap na dinadanas sa ilalim ng pamahalaang sarili ang una at hindi ang bayan.
Sa totoo lang, hindi mailarawan ang mukha ni TK dahil sa takot sa pagtakbo ni Busy Leni sa pagka pangulo na siyang bangungot na gumigising sa kaniyang pagkakatulog. Inaalala nito ang maaring balik o balikan ito sa pagtapos ng kanyang termino, walang personalan yan hustisya lang. Kaya’t kaliwat-kanan ang pagsasabi nito ng hindi pang babae ang panguluhan at nagtago pa sa likod ni Inday Sapak.
Marahil napapadalas ang bangungot ni TK at gagawin nito ang lahat upang mapigil ang nalalapit na pagka pangulo ni Busy Leni. Subalit, kahit hawak nila ang COMELEC at salaping bayan, ang mulat na si Mang Juan ay handa ng ibigay kay Busy Leni ang panguluhan sa ’22. Hindi na niya mapapasakay pa si Mang Juan sa jet-ski, tsubibo at mai-dradrawing dahil lantad na ang balatkayong pagkatao ng nasa puwesto.
Maraming Salamat po!!!