Advertisers
NI ARCHIE LIAO
DREAM come true para sa international balladeer at Broadway actor na si Gerald Santos ang makasama sa isang proyekto ang magaling at award-winning actress na si Claudine Barretto.
Malaking break din para sa kanya na siya ang magiging love interest ng Optimum Star sa isang pelikula na ididirek ni Joel Lamangan.
Aniya, malaking karangalan para sa kanya ang makatambal si Claudine. “Noon pa man, childhood crush ko na siya. Fan din ako ng movies niya like Milan at Got 2 Believe, so it’s really an honor na makasama siya,” sey ni Gerald.
Flattered din siya sa sinabi ni Claudine na sa mga naging leading men niya, nakikita niya kay Gerald ang mga katangian ng ex nitong si Rico Yan.
“Coming from Ms.Claudine, it’s really a compliment. Parang paalala lang siya sa akin na pagbutihin ko ang trabaho ko,” hirit ni Gerald.
Feeling din niya, marami siyang matutunan kay Claudine pagdating sa acting.
“Although, nakagawa na ako ng movies noon, matagal-tagal na iyon. Iba rin kasi kung isang Claudine Barretto ang makakasama mo. Ang background ko rin kasi is more of singing and theater acting. So, parang medyo maninibago ako,” pahayag ng Prince of Ballad.
May love scene rin daw sila ng premyadong aktres sa comeback movie nito at ngayon pa lang ay pinaghahandaan na raw niya ito.
“Actually, hindi ko pa alam kung ano ang magiging love scene namin, dahil hindi pa kami nakakapagsimula,” sey niya.
Aniya, kung ire-require raw sa kanya ang magpa-sexy o magpakita ng puwet, saka na lang daw niya pag-iisipan ang lahat.
Pero, aminado siya kung sakaling matutuloy ang mga nasabing eksena.
“Siyempre, kinakabahan ako pero talagang paghahandaan ko iyon,” sey niya.
Dagdag pa niya, malaki raw ang tiwala niya kay Direk Joel kung may ganoon ngang eksena.
“Kung may ganoon mang eksena, we’ll see. Malaki ang tiwala ko at respeto kay Direk Joel,” pagtatapos niya.
Si Gerard ay nagwagi bilang Performer of the Decade para sa San Pedro Calungsod The Musical sa 2020 Broadway World Awards.
Nakatakda rin niyang gawin ang I Will: The Musical na halaw sa buhay ng celebrated doctor at public servant na si Willie Ong.