Advertisers
HINDI maarok ng isip ko ang totoong layunin ni Agriculture Secretary William Dar sa kahilingan niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng Executive Order (EO) upang mapatigil ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng baboy, manok at iba pang bilihin.
Dahil sa panawagan ni Dar, inihahanda na ng Office of the President (OP) ang EO, ayon sa tagapagsalita ni Duterte na si Secretary Harry Roque Jr.
Kamakailan, binanggit ni Dar sa media na naglabas siya ng Administrative Order (AO) noong Oktubre 2020 upang pigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng karne ng baboy.
Matapos nito, patuloy na tumaas pa rin ang presyo ng karne ng baboy hanggang Disyembre.
Sumabay din sa pagtaas ng presyo ang ibang mga komoditi.
At hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga komoditi.
Tapos, surpresang tinuran ni Doktor Dar na kinakailangang mag-isyu ng price ceiling si Duterte, sa pamamagitan ng EO.
Pokaragat na ‘yan!
Talaga pong nakapagtataka, samantalang pagpasok ng ikalawang linggo ng Enero ay tinumbok ni Dar na ang dahilan daw ng napakataas na presyo ng karne ng baboy ay ang pananatili pa rin ng sakit na African Swine Fever (ASF) na pumapatay sa baboy at ang serye ng bagyo noong Nobyembre.
Tapos, EO laban sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang ‘inireseta’ ni Doktor Dar?!
Pokaragat na ‘yan!
Tapos, maliban sa EO ay kailangang patuloy ang pag-angkat ng karne ng baboy at manok upang mapahinto raw ang walang patid na pagtaas ng presyo ng baboy, manok at iba pang bilihin, ayon kay Doktor Dar.
Pokaragat na ‘yan!
Kahit anong itawag sa ilalabas ni Duterte ay siguradong hindi nito kayang patigilin ang walang hinting pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Naranasan ‘yan mismo ni Doktor Dar.
Alam ni Doktor Dar na walang silbi ang kanyang direktiba, o AO, laban sa pagtaas ng presyo ng baboy.
Kaya, paanong magkakaroon ng silbi ang EO ni Duterte laban sa pagtaas ng presyo ng baboy?
Walang pinagkaiba ang AO ni Dar at EO ni Duterte, maliban sa pangulo ang mag-iisyu ng EO at AO ang inisyu ng kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Ngunit, kahit na pangulo pa si Duterte ay hindi solusyon ang price ceiling, price freeze, o price cap.
Hindi nito kayang harangin ang galaw at operasyon ng merkado.
Hindi nito kayang harangin ang galaw at operasyon ng tinatawag ng mga ekonomista at negosyante na “Law of Supply and Demand”.
Ang Law of Supply and Demand na ito ay hindi katulad ng “Republic Act”, EO, AO, ordinansa at iba pang batas dahil ang Law of Supply and Demand ay hindi batas na nakasulat.
Ang Law of Supply and Demand ay tungkol sa ugnayan ng supply ng mga produkto batay sa demand ng mga mamimili upang lumabas ang presyo ng mga produkto.
Kaya, ang presyo ng mga produkto ay nakabatay sa ugnayan ng dalawa.
Maaari ding sabihin, o pagdudahan, na mayroong ginawa ang negosyante at mga supplier ng mga produkto upang bumilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Naniniwala ako na mayroong mga negosyanteng gumagawa ng masama sa paglalabas ng kanilang mga produkto patungo sa merkado/mamimili na ang tanging layunin ay kumita ng sobrang laki.
Kung ang mga ganid na negosyante ang kumilos upang tumaas nang tumaas ang presyo ng mga bilihin, dapat ito ang habulin at parusahan ng pamahalaan.
Dapat sa kanila nakatuon ang EO na hiniling ni Dar kay Duterte – hindi sa presyo.